“Ma’am, na-miss po namin kayo,” anang mga estudyante ni Maki nang pagkulumpunan siya ng mga ito matapos ang practice ng choir. Saglit kasi siyang sumilip sa mga ito nang magkaroon siya ng bakanteng oras sa klase niya.
Dalawang linggo na lang bago ang groundbreaking ceremony sa international airport ng La Reina kung saan magpe-perform ang mga bata kaya naman puspusan ang pag-eensayo ng mga ito.
Natawa na lang at hinaplos ang ulo ni KenKen. “Ano ka ba? Nagkita lang naman tayo kanina. Saka nakakadaan naman kayo sa klase ko.”
“Iba pa rin po kasi kapag kayo ang nagtuturo sa amin,” anang mga ito at sinulyapan ang gurong si Ezel na kausap si Robert. Ito ang bagong pianist ng choir at nagsisilbing assistant ni Robert.
“Mabait naman si Miss Lopez, ‘di ba?”
Tumango si Kristine. “Opo. Kahit na mali kami di siya nagagalit.”
“Di ba mas gusto nga ninyo na hindi kayo napapagalitan?” aniya at naalala ang ilang pagkakataon na napagalitan niya ang mga ito dahil sa pagiging malaro.
“Mas nararamdaman po kasi namin ang kanta kapag nandiyan kayo,” wika ni Mara at hinawakan ang kamay niya. “Sana po bumalik na kayo sa amin.”
“Makakasama naman ninyo ako sa mga chorale competition. Ako ang mag-a-accompany sa inyo,” sabi niya at ngumiti sa mga ito.
“Bakit hindi po kayo ang kasama namin kapag kumakanta kami sa La Reina Resort at sa program sa airport?” nagtatakang tanong ni Mikha.
“Kasi may iba pa akong trabahong kailangang asikasuhin. Graduating na ang ibang estudyante ko kaya kailangan ko rin silang tutukan.” Totoo naman iyon. Di gaya nina Robert at Ezel na Grade Five at Grade Six ang hinahawakan, mas matindi ang pressure sa kanya dahil Grade Seven ang hawak niya. “Kaya gusto ko na galingan pa rin ninyo kahit na sino pa ang may hawak sa inyo. Sasabihan ko na lang si Teacher Robert na mas maging mahigpit sa inyo. Okay?”
Maya maya pa ay lumapit na sa kanya si Robert. “Na-miss mo ba ako kaya ka dumalaw?” tanong nito na may halong panunukso sa boses.
“Gusto ko lang makita ang progress ng mga bata.”
Orihinal pa rin niyang kanta ang kakantahin ng mga ito kaya bago niya bitawan ang choir para ipasa kay Ezel ay tiniyak muna niyang kabisado na ng mga ito ang kanta.
Namulsa si Robert. “Magagaling naman ang mga bata. Kailangan lang siguro na mas higpitan pa sila ni Ezel. Hindi kasi siya marunong magalit.”
“Ikaw na ang dapat maging mahigpit kung ganoon.” Tinapik niya ang braso ng lalaki. “Kaya ninyo iyan. Ihinahanda ko naman ang bagong piyesa para sa chorale competition nila.”
She was making a progress with her new songs. Kahit na nag-aalinlangan ay ginamit niya ang bagong keyboard kahit di niya alam kung kanino iyon galing. Di niya mapigilan ang tawag ng instrumento sa mga daliri niya. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ideya kung kanino iyon galing. Ni hindi man lang nagpaparamdam sa kanya.
She now had a semblance of normalcy in her life. Malaking bagay na sa loob ng mahigit isang buwan ay hindi na niya nakita si Benedikt. Abala din ang bahay nila dahil sa palapit na pagbubukas ng airport. Naghahanda ang mga taong kakampi ng grupo ng nanay niya para mapigilan ang pagtatayo ng paliparan. Habang palapit nang palapit ang ground-breaking ceremony ay nakakaramdam din siya ng kaba. Di niya alam kung dahil sa mas papatinding protesta laban sa airport o ang posibilidad na makita ulit niya si Benedikt.
“Mukhang inspirado ka,” sabi nito. “Buti okay lang kay Miss Hannah na ibenta sa iyo ang keyboard.” Iyon lang ang sinabi niyang paliwanag kung bakit nasa kanya pa ang keyboard.
Nagkibit-balikat siya. “Okay lang naman daw sa kanya iyon.”
“Ayos lang ba kung ihatid kita pauwi? Matagal-tagal na rin tayong di nagkakasabay pauwi at hindi nagkaka-kwentuhan.”
Biglang humawak sa braso nito si Ezel. “Sir Robert, sabay na tayong umuwi. Kasi naman may makulit akong manliligaw. Para naman hindi na niya ako kulitin kapag nakitang may ibang naghahatid sa akin.”
“Pero…” At isang alanganing ngiti ang ibinigay sa kanya ng binata.
Nakangiti na lang siyang tumango. “Sige na. Baka kung ano pa ang mangyari kay Ezel.”
Nagpakawala ng hininga si Robert. “Sige. Sino ba kasi ang makulit na manliligaw mo na iyon at ginugulo ka?” may bahid na iritasyong tanong nito.
Paglabas niya ng library ay nakasabay niya ang mga kasamahan sa trabaho na sina Karen at Candy. “Nakita namin iyon,” sabi ni Karen.
“Basta-basta mo na lang ibinigay si Robert kay Ezel,” wika naman ni Candy.
“Kailangan daw ni Ezel ng kasabay pauwi. May manliligaw daw kasi siyang makulit. Mabuti na ring may kasama siya pauwi.”
Tumirik ang mga mata ni Karen. “Sabi lang niya iyon para makasama si Robert. Wala naman talagang manliligaw iyon na nanggugulo sa kanya. Hindi mo dapat hayaan iyan. Baka malaman mo na lang sila na ni Robert. Paano ka na?”
“E di masaya ako para sa kanila,” kaswal niyang sabi.
Nataranta si Candy. “Ipapamigay mo talaga si Robert?”
“Kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Kung magkakagusto man siya sa iba, ayos lang sa akin. Wala naman akong magagawa doon. Kung doon ba siya masaya. Saka mukha namang mabait si Ezel at gustong-gusto siya. Bagay silang dalawa.”
Sinapo ni Karen ang noo. “Ano pa ba ang aayawan mo kay Robert?”
Hindi ito si Benedikt. Sinubukan naman niyang i-entertain si Robert pero napaka-unfair naman para dito kung gagamitin niya ito para kalimutan ang dating nobyo. Mas gusto niyang mag-focus na lang sa sarili niya hanggang tuluyan siyang maka-move on kay Benedikt at maging masaya para dito. Baka sakaling doon niya mapaghihilom ang sugat sa puso niya. At si Robert naman ay mas mabuti kung makakahanap ng ibang magmamahal dito. He was a good man. He deserved someone better.
Nasa gitna siya ng pagtse-check ng artworks ng mga estudyante niya nang mag-ring ang cellphone niya. Hindi sana niya iyon papansinin kundi lang napansin niya na si Kapitan Torres iyon. Bakit naman siya tatawagan ng Kapitan, malibang magpapalakad na naman ito na manligaw sa nanay niya?
“Hello,” aniya nang sagutin ang telepono at lumabas saglit ng classroom.
“Maki, hija, kailangan mong pumunta sa presinto ngayon.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit po?”
“Nakakulong ngayon ang nanay mo.”
“Ano?”
LUTANG na lutang ang pakiramdam ni Maki nang papasok sa La Reina Police Station. Hindi niya alam kung paano siya nakarating doon. Basta na lang siyang nagpaalam sa klase niya at ipinagpaalam sa kasamahan niya na aalis siya at di na niya alam kung anong ibinilin niyang activity para sa susunod niyang klase. Basta ang alam lang niya ay kailangan niyang mapuntahan ang nanay niya na kasalukuyang nasa presinto.
Di na sila nagkausap pang mabuti ni Kapitan Torre dahil gulong-gulo ang isipan niya. Nakakulong ang nanay niya. Para sa isang anak na sampung taong nawalay sa ina niya dahil nakulong ito sa isang bagay na hindi naman nito kasalanan ay parang isang bangungot na naman sa kanya na malamang nakakulong ito.
Lumapit siya sa desk officer na nakabantay doon. “S-Sir, si Lupita Veracruz po?” tanong niya sa nanginginig na boses.
“Iyan po ba ‘yung nambato sa rally at nakatama sa ulo ng bisita ni Gov? Dito po kayo sa visiting area, Ma’am,” sabi ng desk officer. “Kasama po nila si Kapitan Torre.”
“Nambato sa rally?” bulalas niya. “Anong…”
“Maki, dito tayo,” sabi ni Kapitan Torre at idinala siya sa visiting area para sa mga nakakulong doon.
“Kapitan, ano pong nangyari? Bakit sabi nila nakakulong si Nanay dahil nambato siya sa rally? Kilala ko po ang nanay ko. Hindi po niya magagawa iyon. Saka bakit bigla na lang kayong nagkaroon ng rally? Hindi ba dapat po sa isang linggo pa ninyo sisimulan ang organized protest ninyo?” tanong niya. Iyon ang alam niyang napag-usapan ng mga ito. Wala sa plano ang kung anumang rally na pinuntahan ng mga ito sa araw na iyon.
“Nalaman kasi namin na may isasagawa na inspection si Governor sa area ng airport. Naisipan naming mag-lightning rally para malaman niya ang sentimyento ng mga tao dito at para malaman din niya na alam na namin ang pandarayang ginawa nila, na nag-falcificate sila ng mga resulta ng research para lang maaprubahan ang airport. Kaso nang nagra-rally na kami, bigla na lang may nambato at nagkagulo na ang lahat. Nalaman ko na lang na pinaghuhuhuli na sila,” kwento nito. “Nalaman ko na lang kasama ang nanay mo sa mga hinuli at idinala sa presinto.