ng mga kasamahan ninyo?”
“Di bale. Tumawag naman ako ng abogado at mga reporter para malaman nila kung anong nangyari. Hindi ako papayag na basta na lang tayong maapi sa pagkakataong ito.” Itinuro nito ang nanay niya na kausap ang isang lalaki na nakasuot ng long sleeve na polo. “Kausap lang sila saglit ni Attorney.”
Nang makita siya ni Lupita ay tumayo ito at dali-dali niya itong nilapitan at mahigpit na niyakap. “N-Nay, ayos lang po ba kayo?” tanong niya at hinaplos ang magulo nitong buhok na kumawala ang ilang hibla sa pagkakapusod. Napansin niya na may punit ang T-shirt nitong suot at may pasa ang isang pisngi nito. “Bakit nagkaganyan kayo, Nay? Sinaktan nila kayo?”
Nang mga oras na iyon ay gusto niyang saktan din kung sinuman ang nanakit sa nanay niya. Masakit iyon dahil handa siyang gawin ang lahat para protektahan ang ina.
“Nagkagulo na lang kasi sa rally kanina. Pero ayos lang ako. Wala ito,” anang si Lupita at pilit na ngumiti.
Nilingon niya ang kapitan. “Baka po pwedeng kuhanan ng yelo si Nanay. Kailangan po para sa pasa niya. At kung may makukuha pa kayong gamot, mukhang may sugat din ang ibang kasamahan ninyo.”
May apat na babae at pitong lalaki ang nakaupo sa mesa ng visiting area at kausap ng abogado. May pasa at sugat din ang mga ito.
Di nagtagal ay bumalik na si Kapitan Torre dala ang yelo at magaan niyang dinampian ng yelo ang mukha nito na nakabalot sa bimpo. Habang ang kapitan naman at ang anak nito ay inasikaso ang iba pa. Sa sobrang katarantahan marahil ay di na naasikaso ang mga ito.
“Kailangang ipa-medico legal ang mga injury ninyo,” sabi ni Maki habang kumikirot ang dibdib niya sa nakikitang sakit sa mukha ng ina. “Hindi tama ang nangyayaring ito. Sa Manila nga may rally na maximum tolerance ang ginagawa ng mga pulis.”
“Nag-uusap na kami ni Attorney tungkol sa pagpapa-medico legal. “Sabi ko naman kay Kapitan Torre na huwag ka nang abalahin. Inaayos naman namin ito para makalabas agad kami. Nag-alala ka pa tuloy.”
“Hindi po ninyo ako ang dapat ninyong alalahanin. Naibilin ko naman po ang klase ko sa mga kasamahan ko. Sabi nila hinuli daw po kayo kasi may nambato. Ano po bang nangyari?” tanong niya. “Hindi naman po kayo ang tipo ng tao na nananakit.”
Kilala niya ang mga kasamahan ng nanay niya. Kilala niya ang mga mamamayan ng La Reina. Natural na sa kanila ang pagiging tahimik at malayo sa gulo. Kapag may problema ay pinag-uusapan ng mga partido nang maayos. Madalang na umabot sa karahasan ang lahat. Kaya hindi niya matatanggap na ang grupo ng nanay niya ang magpapasimuno ng gulo. May matandang babae pa ngang nakulong. Paanong makapananakit ang mga ito ng iba?
“Hindi kami ang may kasalanan. Wala kaming intensiyon na manakit ng mga tao. Pero marami kami kanina. Nakita na lang namin na umulan ng bato papunta sa grupo nila Governor Marasigan at nagsimula nang magkagulo ang lahat. H-Hindi ko na rin alam kung anong nangyari at basta na lang kaming pinaghahampas ng mga bodyguard ni Governor at ng ibang pulis na nakabantay tapos ay hinuli na lang kami at pinosasan. Wala na kaming nagawa. Kahit anong sabihin namin, walang gustong maniwala na wala kaming intensiyon na manakit. Na hindi sinuman sa amin ang nambato dahil wala rin naman kaming ebidensiya. May nasaktan sa grupo ni Governor Marasigan.”
Niyakap niya si Aling Lupita. “Bakit naman nangyayari ito sa atin?”
Gusto lang namang ipaglaban ng grupo ng nanay niya ang kawalan ng hustisya sa gagawing pagtatayo ng pandaigdigang paliparan sa La Reina. Hindi tama ang lokasyon, hindi ligtas para sa mga mamamayan, hindi makatarungan ang pandaraya sa resulta ng pag-aaral ng mga geologist at marine biologist para lang maaprubahan ang proyekto, hindi tama na alisan ng tahanan ang mga mamamayan doon para lang mapabigyan ang pansariling interes ng marami, at hindi tama na sirain ang kinabukasan ng mga tao doon.
“Wala talaga kaming kasalanan,” sabi ni Ondoy na siyang pinuno ng mga tourist guide at assistant ng nanay niya. “Maayos naman kaming nagpo-protesta doon pero di talaga maiiwasan sa ganyang mga rally na may humalong makakaliwang grupo para makapanggulo lang o kaya naman ay baka tauhan mismo ni Governor ang namato para lang may dahilan sila na hulihin kami.”
“Gagawin talaga nila iyon?” bulalas niya.
“Nakapandaya nga sila sa resulta ng environmental assessment ng La Reina, di ba? Iyan pa kayang manakit ng sarili nilang grupo para lang mapasama tayo,” sabi ni Mang Turing na siyang pinuno ng mga mangingisda. “Wala nang imposible sa kanila ngayon para lang masunod ang gusto nila. Alam kasi nila na malakas ang laban natin lalo na’t nakakuha tayo ng bagong environmental assessment ng Isla La Reina na mas credible kaysa sa una nilang nakuha.”
“Pero paano naman kayo?” tanong niya at ginagap ang kamay ng ina. “Kailangang mailabas ko kayo dito ngayon.”
Aligaga na siya. Hindi niya pwedeng hayaan ang nanay niya sa ganitong kondisyon. Para sa isang anak na sampung taong di nakita ang ina dahil nakulong ito, malaking trauma ito para sa kanya. Alam din niya kung gaano kahirap para sa nanay niya ang makulong sa loob ng mahabang panahon nang wala itong kasalanan. Ayaw na niyang balikan pa nito ang madilim na nakaraang iyon. Kung siya ang masusunod, ayaw niyang makakita ito ng kulungan kahit na kailan. Sapat na ang paghihirap na dinanas nito noon.
“Attorney Calderon, kailan po pwedeng mailabas ang nanay ko?” tanong ni Maki sa public lawyer na kinonsulta ng grupo ng nanay niya. “Ayoko na pong magtagal pa siya dito. Wala naman po siyang kasalanan.”
Pinunasan ng abogado ang noo nito. “Hindi pa sila pwedeng makalabas ngayon, Miss Veracruz. Kailangan nating maghintay hanggang may maisampang kaso sa kanila. Doon pa lang tayo makakapagsampa ng bail. Kung sa loob ng tatlong araw ay wala pa ring naisasampang kaso, saka pa lang sila maaring pakawalan.”
“No! Hindi po ako papayag na magtagal pa sa kulungan ang nanay ko!” protesta niya. Kahit isang minuto ay di na niya gustong makita ang nanay niya sa kulungan. Sapat na ang sampung taong pagdurusa nito noon. Kahit ano ay gagawin niya huwag lang makulong ang nanay niya.
Hinawakan ni Aling Lupita ang braso niya. “Hayaan mo na iyon, anak. Ayos lang naman ako.”
“Hindi ko pwedeng hayaan iyon, Nay. Ayoko nang magtagal pa kayo dito. Kahit na maglumuhod ako kay Governor, gagawin ko basta pakawalan lang niya kayo,” aniya at mahigpit na niyakap ang ina. Wala siyang nagawa nang nakulong ang nanay niya noon pero may magagawa siya ngayon.
“Hindi mo naman kailangang gawin iyon, anak,” sabi ni Aling Lupita na naiiyak na.
“Attorney Calderon, baka naman po pwede ninyo akong tulungan na aregluhin ito. Baka naman pwede nating pakiusapan ang kampo ni Governor,” sabi niya.
Pumalatak ang abogado at napailing. “Tinawagan ko siya kanina dahil naging kaklase ko siya noong high school ako. Ayaw niyang pumayag na hayaan na lang ito. Nobyo pala ng bunsong anak ni Governor Marasigan ang natamaan ng bato at nasa ospital ngayon.”
Nanlamig ang buong katawan niya. “S-Si Benedikt? Nasaktan si Benedikt Valenciaga?”
“Oo. Iyon nga yata ang pangalan ng nobyo ni Hannah.”
Pakiramdam niya ay may malaking batong pumukol sa puso niya, na parang siya ang nasaktan sa batong tumama sa dating nobyo. “Nasaan po siya ngayon?”
“Sa La Reina Doctor’s Hospital.”