Malalim ang kunot ng noo ni Maki habang ginagamot ang gurlis sa leeg ng inang si Lupita. Mababait naman ang ibang pulis sa presinto at in-extend ang oras ng pagdalaw nila lalo na’t parating ang mga reporter upang ma-interview ang grupo ng kanyang ina sa nangyaring gulo. They did their best to be more accommodating. Mas makakasama nga naman sa imahe ng mga ito kundi maganda ang pagtrato sa mga nagprotestang ikinulong ng mga ito lalo na’t ang ilan sa mga ito ay nasugatan.
Subalit ang nasa isip ni Maki ay ang tungkol kay Benedikt. Kailangan niya itong makita. Kailangan niyang malaman mismo kung anong nangyari dito. Pwede niyang tawagan ang sekretarya nitong si Patty pero gusto niyang personal na makausap si Benedikt at kumustahin.
“Alam ko ang tumatakbo sa isip mo,” untag ng nanay niya.
“Po?” tanong niya at maang itong tiningnan.
“Iniisip mong pumunta ng ospital para makita si Benedikt, ‘di ba?”
“Kasi po…” Ganoon ba siya ka-transparent o sadyang alam lang ng nanay niya kung paano tumakbo ang utak niya? Bakit naman kasi ganito ang nangyari? Nasaktan si Benedikt at nakakulong ang nanay niya dahil doon. Napakahirap hatiin ng katawan niya at puso niya.
“Hindi kita papayagan na makita siya.”
Nanlaki ang mata niya. “Nay!” Iniisip ba nito na gagawin na naman niyang tanga ang sarili niya pagdating kay Benedikt? Na magpapakahangal na naman siya dito?
Tumingin ito sa may bintana. “Ayokong pumunta ka sa kanya para magmakaawa na huwag akong sampahan ng kaso at palayain ako. Hindi kay Benedikt o hindi kay Governor Marasigan. Kaya kong makalabas dito nang hindi ka nagpapakababa sa kanila. Wala naman akong ginawang kasalanan.”
Isa rin iyon sa dahilan kung bakit pupunta siya kay Benedikt. She wanted to plead her mother’s case. Sinabi naman niya kanina na kung kailangang magmakaawa siya ay gagawin niya para lang mapalaya ang nanay niya.
“Anak, may ipinaglalaban ako. Ayokong magkaroon tayo ng utang na loob sa kanila kahit pa nobyo mo pa iyang si Benedikt. May interes ang kompanya niya sa pagpapatayo ng airport. Maaring di na rin siya ang Benedikt na kilala mo dati. At hindi ko planong isuko ang ipinaglalaban namin para lang sa pansamantalang kalayaan ko.”
“Ayoko na po kayong makitang nakakulong, Nay. Matanda na po kayo para dito.”
“At ilang taon din akong nakulong dahil sa walang katuturang dahilan. Ito pa kayang may ipinaglalaban ako?” Pinisil nito ang balikat niya. “Huwag mo akong alalahanin. Kaya ko ito, anak. Sinabi naman ni Attorney na makakalaya din ako oras na maisampa na ang kaso at makapag-file ako ng bail o kaya ay kung wala naman silang maisasampang kaso. Basta manindigan lang tayo sa pinaniniwalaan natin. Kailangan mong maging matatag. Okay?”
Napilitan siyang tumango nang tapikin nito ang pisngi niya. Alam niyang pinipilit lang ng ina niya na maging matatag kahit na nahihirapan ito. Pagdating naman sa bail ay nagtutulong-tulong na ang mga kababayan niya para maihanda ang perang kakailanganin doon. May pera din siya para mailabas ang nanay niya. Hindi siya nawawalan ng pag-asa na makakalaya din ang mga ito at mapapatunayang walang kasalanan. Pero sa bagal ng justice system sa Pilipinas at dahil malakas ang kalaban nila, parang nanghihina na siya.
“Dito po ako matutulog kasama ninyo mamaya,” sabi ni Maki sa ina.
Tinapik ni Aling Lupita ang kamay niya. “Hindi mo kailangang gawin iyon, anak. Baka di ka payagan ng mga pulis. Ipagdala mo na lang ako ng unan at banig kung gusto mo. Basta huwag mo lang pahirapan ang sarili mo. May pasok ka pa bukas.”
Parang di yata siya makakapagturo nang maayos bukas habang iniisip niya na nasa kulungan ang nanay niya at di pa rin niya alam ang kondisyon ni Benedikt.
Nang ibalik sa kulungan ang nanay niya ay nagpaalam na rin siya. Ibinilin muna niya sa ibang mga tao doon na bantayan ito. Tinawagan niya ang pinsang si Ponyang para bilinan itong dalhan ng mga gamit ang nanay niya na kakailanganin nito habang nakakulong. “Ikaw muna ang bahala kay Nanay. May importante lang akong pupuntahan.”
“Sige, Ate. Ano palang sasabihin ko kapag Tiyang kapag hinanap ka?”
Bumuntong-hininga siya. “Sabihin mo may binalikan lang ako sa eskwelahan.” Matapos ang pag-uusap nila ay pinara niya ang tricycle. “Sa La Reina Doctor’s Hospital po tayo.”
Malakas kaba ni Maki habang bumibiyahe. May labinlimang minuto rin ang ospital mula sa presinto. Hindi niya alam kung anong naghihintay sa kanya sa pagdating niya. Balwarte iyon ni Governor Marasigan. Pero kahit ano ay gagawin niya makita lang si Benedikt at makausap lang ito tungkol sa nanay niya. Alam niyang tutol ang nanay niya sa gagawin niya pero kailangan niyang gawin ito para sa ikatatahimik niya. Hindi siya pwedeng umupo lang sa isang tabi habang di niya nalalaman ang kondisyon ni Benedikt at di niya sinusubukang ilabas ng kulungan ang nanay niya nang mas maaga. She must do this.
Sa wakas ay ibinaba din siya sa harap ng La Reina Doctor’s Hospital. May mga taong nagkakampo sa labas. May mga lalaking matitikas pa ang anyo na sa palagay niya ay mga tauhan ni Governor Marasigan. Kalmado lang siya habang naglalakad papasok ng ospital. Puno ng pagsususpetsa ang mga ito nang sundan siya ng tingin. Malamang ay nasa loob pa sina Governor Marasigan at si Hannah. Maaring di siya makalapit kay Benedikt, but she would take her chances anyway.
“Good afternoon, Ma’am,” bati ng guwardiya sa kanya. “Saan po sila?”
“Dadalawin ko po si Benedikt Valenciaga. ‘Yun pong isinugod dito dahil nasaktan sa rally,” sabi niya at pilit na ngumiti.
“Kaano-ano po kayo ng pasyente, Ma’am?”
“K-Kaibigan po.”
“Sandali lang po, Ma’am. Itatawag ko lang po sa taas. Mahigpit po kasi ang bilin ni Governor Marasigan mismo. Hindi po maaring magpapasok basta-basta ng bisita kahit pa po kaibigan. Delikado po kasi.”
Nanlamig siya pero napilitang tumango. “Naiintindihan ko.”
“Ano pong pangalan nila?”
“Miss Veracruz. Maria Makiling Veracruz,” sabi niya at kinagat ang pang-ibabang labi nang tumalikod ang guwardiya para tumawag sa intercom.
Pinilipit niya ang sariling kamay habang naghihintay ng verdict mula sa itaas. Alam niyang malabo na hayaan siyang makita si Benedikt pero ayaw niyang sumuko. Sana ay hayaan siya na makita ito kahit na limang minuto lang. O kahit makumusta lang niya ito.
“Ma’am, pababa na daw po si Ma’am Hannah,” sabi nito. “Pwede po muna kayong umupo habang naghihintay.”
Nanlalamig ang buong katawan ni Maki habang hinihintay ang pagdating ng bagong nobya ni Benedikt. Hindi niya alam kung anong pagtanggap na gagawin nito sa kanya pero kailangan na niyang ihanda ang sarili. Alam niyang hindi magiging madali ang lahat.
Maya maya pa ay nakita niyang palapit si Hannah. Nakataas ang noo nito at seryosong-seryoso ang mukha. “Good afternoon, Miss Hannah,” magalang niyang bati dito.
“What are you doing here?” tanong nito sa malamig na boses.
“G-Gusto ko lang sanang dalawin si Benedikt. O-Okay lang ba siya?”
“Ang ibig mong sabihin matapos siyang tamaan ng malaking bato sa ulo ng mga nagpoprotesta na basta na lang sumugod sa akin, of course he is not okay.”
Nahigit niya ang hininga. “Tinamaan siya sa ulo?”
“Yes. Dahil pinrotektahan niya ako. Kailangan pa siyang obserbahan ngayon ng mga doktor para tiyakin na walang damage sa kanya.” Nagtagis ang bagang nito. “Ngayong nakumusta mo na siya, siguro naman hindi mo na siya kailangang makita. Matapos ang pananakit na ginawa ng mga kasamahan mo sa pangunguna ng nanay mo, sa palagay mo ba palalapitin ko pa ang mga katulad mo kay Benedikt?”
“S-Sandali lang. Hindi naman iyon kasalanan ng grupo ni Nanay. Wala naman silang intensiyong masama. Gusto lang nilang protektahan ang kinabukasan ng isla. Gusto lang nilang protektahan ang tahanan at kabuhayan nila pati na rin ang kalikasan ng La Reina. Hindi naman sila ang namato sa grupo ninyo.”