You’re Still My Man (Filipino) Chapter 56

“Sino kung ganoon?” mataray nitong tanong.

Nagkibit-balikat siya. “Sa mga rally di naman maiiwasan na may nahahalong ibang grupo na gusto talagang manggulo. Maayos ang protestang isinasagawa ng grupo nila Nanay. Hindi naman sila masasamang tao. Hindi lang nila matanggap na kinailangang may mandaya para lang maituloy ang project na ito ay may mga taong mawawalan ng tahanan para lang sa airport. Gusto lag nilang ipahayag ang mga damdamin nila.”

“At anong gusto mong palabasin? Na bukod sa mandaraya ang Papa ko, ginagamit niya ang airport para sa pansariling interes? Na ang airport na iyon ay iniba ang plano para sa interes ng resort? Sa susunod sasabihin mo na sa akin na si Papa ang nag-utos na batuhin ang party niya mismo at wala siyang pakialam kahit masaktan ako na anak niya,” mataray nitong sabi at saka namaywang.

Walang kangiti-ngiti niya itong tiningnan. “Wala akong sinasabi. Ikaw ang nagsabi niyan. After all, may ebidensiya naman kaming ipinasa sa husgado tungkol sa fake na resultang environmental assessment. May mga nasaktan din naman sa nangyari kasama na ang nanay ko. At makikita naman doon na walang sinuman sa kanila ang lumaban nang saktan sila ng mga tauhan ng ama mo at mga pulis. Wala silang dalang sandata. Ibig sabihin ay wala silang planong manakit. Baka nga baligtad pa at ang tauhan pa ng ama mo ang masampahan ng kaso.”

“Aba’t!” namapaang ito pero mabilis na hinamig ang sarili. Sa halip ay nagkasya na lang ito na kuyumin ang palad. Sa pagkakataong ito ay alam na niya kung anong ipinaglalaban niya. She won’t back down. Not to this woman. Dahil kahit saan sila makarating, alam niyang nasa tama siya. “Alam ko naman na nandito ka para ipakiusap ang tungkol sa nanay mo. Walang problema sa akin kung magprotesta man sila at pagbintangan nang kung anu-ano si Papa pero di ko mapapalampas na nasaktan si Benedikt dahil dito. I don’t care if they will all rot in jail.”

“Si Benedikt ang nasaktan. Siya ang gusto kong makausap tungkol dito,” aniya sa matatag na boses at matapang na sinalubong ng tingin si Hannah. Pangangatawanan na niya ito tutal ay sinimulan na niyang lumaban. Si Benedikt lang ang pwedeng magsabi sa kanya kung gusto nitong ituloy ang pagsasampa ng kaso tungkol sa nanay niya.

Napailing na lang ang babae. “The nerve! At ang lakas ng loob mo na sabihin sa akin iyan. Sino ka ba sa buhay ni Benedikt? Ang kapal ng mukha mong sabihin na kaibigan mo siya para lang makakuha ng access sa kanya kanina. Hindi ka makakalapit sa kanya. At hindi ka na makakatapak sa ospital na ito. Naiintindihan mo ba? And I don’t care if your mother and her cohorts spend forever in jail after what they did.”

“Kahit na inosente sila?” naghahamon siyang tanong. “Kahit na hindi talaga sila ang nanakit kay Benedikt? Kahit na totoo ang lahat ng sinasabi nila?”

Halos umusok ang butas ng ilong nito sa inis. “Get out,” mariing utos nito at saka lumingon sa guwardiya sa di kalayuan. “Guard! Guard!”

Hangos na lumapit ang guwardiya dito. “Yes, Ma’am?”

“Please escort Miss Veracruz out. Ayokong makapasok siya sa ospital na ito habang nandito pa si Benedikt. Hindi ninyo gugustuhing magalit ako,” banta ni Hannah at saka naglakad pabalik sa private ward area.

“S-Sandali!” aniya nang hawakan siya ng guwardiya sa siko.

“Pasensiya na po, Ma’am. Napag-utusan lang ako, Ma’am. Sila Governor Marasigan po ang may-ari nitong ospital. Mahirap na pong mawalan ako ng trabaho kapag di ako sumunod sa utos,” malumanay na wika ng guwardiya.

“Ibig sabihin kapag mamamatay pala ako at isinugod ako sa ospital na ito, di ninyo ako tatanggapin kahit na labag iyon sa batas?” di niya maiwasang sabihin sa sobrang inis.

Napakamot na lang ng ulo ang guwardiya. “Sumunod na lang po tayo, Ma’am. Kaysa naman po mga bodyguard pa ni Governor ang humila sa inyo palabas.”

Nang lingunin niya ang nakalinyang mga kalalakihan sa labas na masama ang tingin sa kanya ay di na niya nagawang umangal. Mukhang walang sasantuhin ang mga ito. Base sa nakita niyang pasa-pasa sa nanay niya at sa mga kasamahan ng mga ito, mabuti nang huwag siyang lumaban. “Sige. Aalis na ako. Hindi mo na ako kailangang itaboy.”

Saka taas-noo siyang naglakad ng ospital. Di rin siya nagpakita ng takot nang daanan ang naglalakihang mga bodyguard ng gobernador. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad hanggang makarating sa gilid ng ospital. Napaupo na lang siya sa sementadong harang ng mga halaman doon sa panlalambot. Parang nauupos siya sa ilalim ng sikat ng araw.

Hindi rin pala niya nagawa ang pakay niya doon. Hindi niya nakausap si Benedikt. Ang alam lang niya ay posibleng masama ang kondisyon nito lalo na’t tinamaan sa ulo. Kailangan pa itong obserbahan. Hindi rin niya magagawang palabasin ang nanay niya nang mas maaga o hindi maisampa ang kaso laban dito.

Palpak siya. Sana ay di siya nagpadala sa pride niya. Sana ay di na lang niya sinagot-sagot si Hannah para di ito lalong nagalit sa kanya. Sana ay nagpaawa na lang siya para sa nanay niya. Pero wala na siyang magagawa. Nasabi na niya ang gusto niyang sabihin. Nakita niya kung paano ma-rattle si Hannah sa mga argumento niya. Dapat ay isang tagumpay iyon para sa kanya. But it was a hollow victory.

Hindi niya alam kung hanggang kailan mananatili ang nanay niya sa kulungan. Ang gusto talaga niya ay huwag na itong masampahan man lang ng kaso. Pero sa klase ng pananalita ni Hannah, parang gusto nitong ipakulong ang grupo ng nanay niya nang tuluyan. At sa klase ng kapangyarihang mayroon ang ama nito ay walang imposible.

Pakiramdam niya ay tumanda siya ng sampung taon sa kaiisip sa posibleng mangyari at kung paano niya mapoprotektahan ang nanay niya.

Napapitlag siya nang mag-ring ang cellphone niya. Wala sa sariling sinagot niya iyon.

“Hello,” aniya nang di man lang tiningnan kung sino iyon.

“Ma’am Maki, si Patty po ito,” anang nasa kabilang linya.

“Patty?” Pumitlag ang puso niya at tiningnan kung sinong caller ang naka-rehistro. Si Patty iyon, ang sekretarya ni Benedikt. “Patty! Patty, si Benedikt…”

“Alam ko po. Nandito ako ngayon sa La Reina. Kasama nila ako nang nagkagulo kanina. Nasa ospital pa ba kayo, Ma’am?”

“Pinalabas na ako ni Miss Hannah at bawal daw akong pumasok sa ospital. G-Gusto ko lang makita si Benedikt,” aniya at kinagat ang labi. “Kumusta na siya?”

“Magkita na lang tayo sa labas, Ma’am. Mahirap na dito. Masyadong maraming tainga at mata si Governor.”

Mahigpit niyang hinawakan ang cellphone. Ito na ang pagkakataon niya na makumusta si Benedikt. Malaking bagay sa kanya na makausap si Patty. “Sige. Magkita tayo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.