Tahimik lang na pinapanood ni Maki si Patty habang kumakain. Sunud-sunod ang subo nito ng kanin at ulam na adobong atay ng manok na parang tatlong araw itong di pinapakain. Magandang-maganda ito sa suot na light blue sleeveless blouse na naka-tuck in sa itim na slacks pero kung kumain ito ay daig pa ang construction worker.
Sa isang karinderya sa dulo ng bayan sila nagkita dahil malayo iyon sa maiinit na mata ng mga bataan ni Governor Marasigan. Gusto niyang maging maingat ang kilos nila dahil ayaw naman niyang mapahamak si Patty dahil sa kanya.
Inabutan niya ito ng tubig. “Sige. Kain pa ng kain.”
“Salamat,” anito kahit namumuwalan at saka tinungga ang tubig. Huminga ito ng malalim at saka kinabog ang dibdib. “Hay, salamat! Mabuti na lang dito tayo nagkita. Di kasi ako makakaing mabuti doon sa resor. Laging pang-diet ang ino-order ni Miss Hannah para sa akin kaninang umaga nang dumating kami ni Sir Benedikt. Tapos di na ako nakakain nang mag-inspect kami sa airport kasi nga nagkagulo bago pa mag-lunch. Ngayon lang ako nakakain. Nakaka-stress talaga ang mga pangyayari. Mukhang masarap din ang bopis nila, no?”
Tumango siya at tinawag ang dalagitang tagasilbi sa karinderya para umorder ng bopis para kay Patty. Hindi naman niya masisisi kung parang construction worker ito kung kumain. Di nga naman simple ang pinagdaanan nito. Di pa sumisikat ang araw ay nasa airport na ito para sa flight nito at masyado itong maraming pinagdaanan sa araw na iyon.
“Hindi ka ba kakain?” tanong nito nang maisilbi na ang bopis.
Umiling siya. “Ayos lang ako.”
Nalipasan na siya ng gutom sa dami ng nangyari. At dahil walang katiyakan kung anong mangyayari sa nanay niya at di pa niya alam ang kondisyon ni Benedikt ay lalo siyang nawalan ng gana na kumain.
“Kumusta na si Benedikt?” tanong niya. “Okay na ba siya?”
“Tinamaan ang bandang gilid ng ulo niya. Ang laki ng bato. Ga-kamao ko. Tumama malapit sa tainga niya kaya sobrang daming dugo. Sa sobrang hilo nga ni Sir Benedikt muntik na siyang mawalan ng malay. Kinailangan lang siyang panatilihing gising dahil delikado nga ang injury niya sa ulo,” kwento nito.
“A-Anong sabi ng doktor? Sana naman walang nangyaring masama kay Benedikt,” kinakabahang sabi ni Maki at pinagsalikop ang palad. “Sana naman superficial lang ang sugat niya at hindi nakaapekto sa utak niya.”
“Sa palagay ko naman okay lang si Sir pero para makatiyak kaya oobserbahan pa siya ng mga doktor at may isasagawa pang tests. Ang dami na ngang inuutos sa akin kanina habang isinusugod sa ospital. Ewan ko na lang kung severe ang injury ng ganoong tao.”
Pinagkiskis niya ang mga palad. “Nag-aalala talaga ako sa kanya. Gusto ko sana siyang makita pero di ako pinayagan ni Miss Hannah.”
“Naku! Pati nga ako ayaw sana niyang magbantay kay Sir Benedikt. Pati ako gustong pagselosan. Mabuti na lang maraming utos si Sir Benedikt sa akin kaya di ako nakaalis. Huwag kang mag-alala. Babalitaan kita agad kapag lumabas na ang resulta ng test sa kanya.”
“Salamat ng marami.” Makakaluwag sa dibdib niya kung may malalaman siyang balita tungkol kay Benedikt. “Kumusta ka? Sabi mo nakasama ka sa inspection ng airport kanina. Hindi ka ba nasaktan nang magkagulo?” nag-aalalang tanong niya.
Umuling si Patty. “Hindi. Si Sir Benedikt lang naman ang tinamaan ng lumipad na bato tapos pinalibutan na kami ng mga bodyguard. Naawa nga ako sa mga raliyista. Maayos naman silang nagpoprotesta. Di naman sa direksyon nila nanggaling ang bato. Parang galing sa isa sa mga bakod sa paligid ng area. Kaso sila ang pinagbibira ng mga pulis at mga tauhan ni Governor. E halata namang wala silang kalaban-laban lalo na ang mga babae. May matatanda pa nga doon pero di man lang nila pinatawad.”
Nanlaki ang mata niya. “Talaga? Nakita mo na hindi sa kanila galing ang bato?”
Tumango ito. “Oo. Kasi palingon-lingon ako noon kaya nakita ko na papunta sa direksiyon ko ang bato. Akala ko pa nga ako ang tatamaan. Galing sa kaliwa ko ang bato habang nasa harap naman ang mga raliyista.”
Hinawakan niya ang braso nito kasabay ng pagsikdo ng dibdib niya. “Nasabi mo na ba iyan kay Miss Hannah o kay Governor Marasigan ang tungkol diyan?”
Umiling ito. “Hindi ko na nasabi. Parang wala naman silang balak makinig. Basta gusto na lang nilang idiin ang mga raliyista at balita ko nga ipinakulong nila. Mukhang sarado din kasi ang utak ng mga iyon.”
“Kaya mo bang mag-testify na hindi sa direksiyon ng mga raliyista galing ang bato?”
Puno ng pagtataka ang anyo ni Patty nang lingunin siya. “Bakit naman interesado ka sa mga raliyista na iyon?”
“Ang nanay ko ang pinuno ng mga raliyista. Kasama siya sa mga nakakulong ngayon. Kasama siya sa mga sinaktan ng mga pulis at tauhan ni Governor kahit na wala siyang kalaban-laban. Inosente ang nanay ko. At ayoko nang makulong siya ulit.”
“Ulit?” tanong ni Patty. “Nakulong na ang nanay mo dati?”
Tumango siya at ikinuwento niya dito kung anong nangyari sa pamilya niya noon. Kung paanong pinalabas na nangangalunya ang nanay niya para mailayo sa kanilang mag-ama. Na pinagbintangan itong isang rebelde. At kung paanong nakulong ito sa loob ng sampung taon kahit na wala itong kasalanan.
Nasapo ni Patty ang dibdib. “Ay, grabe naman, Ma’am! Kaya naman pala mas gusto mo na lang takasan ang pamilya mo. Pang-teleserye levels pala ang family life ninyo.”
“Masisisi mo ba ako kung ayoko nang bumalik pa ulit sa kulungan ang nanay ko? Kahit isang minuto, ayoko na siyang magtagal doon.” Umiling ito habang medyo nakatulala. Parang di pa ata ito nakaka-recover sa mga naikwento niya. “Kaya kailangan ko ang tulong mo. Kailangang malaman ang totoo para mapalaya ang nanay ko at mga kasamahan niya.”
Natigilan ang babae. Di agad nakasagot sa kanya. Pagkuwan ay lumunok ito at uminom ng tubig. “Kanino ko naman sasabihin iyon? Kay Governor? Kay Miss Hannah? E baka mamaya pati ako pag-initan din nila. Mukhang plano nila talagang ipakulong ang grupo ng nanay ninyo, Ma’am. Kasi… kasi nga naman nakakasira sa reputasyon nila ang protesta sa pagpapatayo ng airport. Nagpapa-interview na nga sila sa mga reporter para sa damage control.”
“Kay Benedikt. Sabihin mo kay Benedikt. Maniniwala siya sa iyo. Kung makukumbinsi mo si Benedikt, madali na lang para sa kanya na kumbinsihin si Hannah at si Governor na huwag magsampa ng kaso.”
“Hindi ko alam kung makikinig sa akin si Sir… Kayo na lang kaya ang kumausap?”
“Di kaya makasama pa kapag ako ang kumausap?” Paano kung tratuhin din siya nito gaya ng malamig na pagtrato ni Hannah sa kanya? “Saka hindi ko alam kung paanong makakapasok sa ospital kung ban ako doon.”
“Anong ginagawa ko? Susunduin kita. Konting disguise lang ang kailangan mo para di ka masyadong makilala doon sa ospital. Saka susunduin naman kita sa gate pa lang para hindi ka na makapalag. Wala naman silang magagawa kapag kasama kita.”
“Paano si Miss Hannah?” tanong niya. Pwede niyang malusutan ang guwardiya ng ospital at security ni Governor pero hindi si Hannah. Gustong-gusto nito si Benedikt. Di basta-basta mapapalayo sa binata ang babae.
“Hmmm… ako ang bahala,” sabi ni Patty. “Huwag kang mag-alala. Mapapalayo ko si Ma’am Hannah mamayang gabi kahit siguro dalawang oras.”
“Talaga? Gagawin mo iyon para sa akin?”
“Oo naman. Naniniwala kasi ako sa first love never dies, Ma’am. Fan ako ng love team ninyo si Sir Benedikt.”
Mariin siyang pumikit. “Patty, wala naman iyon sa isip ko. Gusto ko lang talagang matulungang makalaya si Nanay.”
“Huwag mong sabihing wala ka nang nararamdaman kahit katiting kay Sir Benedikt?” nakataas ang kilay nitong tanong. “I am sure nataranta ka nang malaman mong injured siya.”
“Natural nag-aalala ako sa kanya.”
“Kasi nga mahal mo pa siya. Malay mo second chance na ito para sa inyo. Kaya magpaganda ka kapag nagharap kayo mamaya,” kinikilig nitong sabi.
“Wala na kaming pag-asa.”
“At least maganda ka pa rin kapag nagharap kayong dalawa. Lamang lang naman si Miss Hannah sa iyo ng isang paligo kasi hindi ka naka-make up. Saka kailangan mo iyon sa disguise mo mamaya para makapasok ka.”
“Fine. Magpapaganda ako mamaya.” Para sa nanay niya… at kay Benedikt.
HINDI mapakali si Maki habang nakasalampak sa semento sa labas ng selda ng nanay niya. Inaantok na siya pero masakit sa likod ang malamig na dingding ng presinto kahit pa nga nakasandal siya sa unan. Sa tabi niya ay malakas ang hilik ng pinsan niyang si Ponyang na nakanganga pa at tumutulo ang laway. Nang maglatag pa lang siola ng banig kanina ay nakatulog na agad ito. Siya naman ay pasulyap-sulyap pa sa cellphone habang hinihintay ang tawag o ang text mula kay Patty na maari na siyang pumunta ng ospital.
“Anak, umuwi ka na sa bahay at magpahinga,” anang si Aling Lupita na pilit hinaplos ang buhok niya sa pagitan ng rehas. “May pasok ka pa bukas.”
Ikiniling niya ang ulo niya para maabot siya nito. Mabuti at nagmagandang-loob ang hepe ng pulisya para hayaan siyang matulog sa labas ng kulungan nang mabantayan niya ang nanay niya. Matapos ang interview ng mga reporter at ang pagtatanong ng mga ito kung bakit pati mga di lumalabang raliyista ay nasaktan, naging mas mabait na sa kanila ang mga pulis para nga naman di na madagdagan ang reklamo nila sa mga ito.
“Hindi po ako papasok bukas. Dito lang po ako at babantayan kayo.”
Umiling ito. “Hindi mo naman ako kailangang alalahanin. Maayos naman ang kondisyon ko dito. Maluwag dito sa kulungan. Komportable na ako sa banig, unan at kumot na dala mo saka may electric fan naman dito kaya di kami maiinitan. Di rin naman malamok dito. Mas malala pa dito ang naging kondisyon ko noon pero nakayanan ko naman.”
Parang may sumakmal sa puso niya nang ngumiti ang ina. Kahit pa sabihin nito na sanay na ito sa kulungan dahil sampung taon itong nakulong noon ay di pa rin siya masasanay sa ideya na nagpalipas ng magdamag ang nanay niya sa kulungan. Hindi naman na ito bata. May edad na ang nanay niya. Sa dami ng hirap na pinagdaanan nito, she didn’t deserve this.
“Basta gagawin ko po ang lahat para makalaya kayo dito. Kung pwede lang pong huwag nang matuloy ang pagsasampa ng kaso sa inyo…”
“May isang reporter na nag-cover na nakuhanan daw ng picture ang namato. May nagsabi na supporter iyon ni Governor kaya malaki ang tsansang mapatunayan na hindi talaga namin kasalanan ang nangyari. Ayoko namang maapektuhan pa ang trabaho mo dahil dito. Graduating ang mga estudyante mo, di ba?”
“Ako na po ang bahala sa mga estudyante ko. Pwede naman po akong umabsent kahit isa o dalawang araw para mabantayan kayo.”
“Anak, kaya ko na ito. Sabi ko naman sa iyo na makakalaya din kami. Naghahanda na ang lahat para sa piyansa namin. Maraming sumusuporta sa amin. Mas marami pa kaysa sa dati lalo na’t nakita na nila ang tunay na kulay ni Governor Marasigan. Hindi naman kami pababayaan ng Diyos.”