You’re Still My Man (Filipino) Chapter 58

Mabait nga ang Diyos pero marami pa ring halang ang kaluluwa na kayang pilipitin ang batas para pumabor sa mga ito at nagagawa ang anumang masamang hangarin ng mga ito. Walang ipinagkaiba si Governor Marasigan sa ginawa ng madrasta niyang si Santina. Natuto na siya sa mapait na leksyon na iyon. Ayaw na niyang magdusa pa ulit ang nanay niya.

Hindi na rin niya ipapakipagsapalaran na maisampa pa ang kaso. Napakadali para sa gobernador na mag-deny na ito ang nag-utos sa tauhan nito para mamato at maibintang sa grupo ng nanay niya. May sarili siyang alas. Kung magagamit niya iyon nang tama ay wala nang maisasampang kaso at mapapalaya na ang nanay niya at ang kagrupo nito. Kailangan lang niya ng tamang pagkakataon para maisagawa ang plano. Sana lang ay hindi pumalpak si Patty. Baka wala na siyang pagkakataon bukas.

Nagsisimula na siyang makatulog nang biglang mag-beep ang cellphone niya hudyat na may pumasok na text message. Sa naniningkit na mata ay nakita niyang galing iyon kay Patty. Mit u @ d hospital gate in 30 min.

K, sagot lang niya at nilingon ang nanay niya. Mahimbing itong natutulog sa selda. Halos ala una na noon ng madaling-araw. Tulog na rin ang mga nakapiit at ang tanging gising na lang ay ang mga bantay na pulis.

Tinapik ni Maki ang pisngi ng pinsang si Ponyang. “Ponyang,” mariin niyang bulong. “Ponyang.”

Umungol ito at dahan-dahang dumilat. “Ate naman! Ganda ng panaginip ko.”

“Mamaya ka na managinip. Aalis ako. Bantayan mo si Nanay.”

“S-Sige,” anito at pinunasan ng likod ng palad ang basang gilid ng labi. “Ano nga palang sasabihin ko sa kanya kapag hinanap ka?”

“Sabihin mo may kukunin lang ako sa bahay. Babalik din ako.”

“Okay,” sabi lang nito at hinablot ang unan niya, niyakap at saka bumalik sa pagtulog.

Matapos magpaalam sa mga desk officer na nakabantay sa presinto ay sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa bahay nila Ondoy. Naroon ang asawa nito at naroon na din ang damit na pambihis niya. “Pasensiya ka na, Neneng. Nang-aabala pa ako.”

“Wala iyon. Ma’am. Alam ko naman na para sa mga mahal natin sa buhay ang gagawin mo. Salamat pa rin dahil pinagkatiwalaan mo ako,” anang babae na kalong ang isang taong gulang nitong anak na himbing sa pagtulog. Sa gabing iyon ay wala itong ama dahil nakakulong si Ondoy. Dito lang niya nasabi ang sekreto niya na kailangan niyang pumasok ng ospital para makausap si Benedikt para huwag nang ituloy ang kaso.

Nag-atubili ito noong una dahil nag-aalala itong delikado pero sa huli pumayag ding tumulong dahil determinado siya. Wala kasi siyang ibang mapagbibihisan ng damit sa malapit na pwede niyang mapagkatiwalaan sa plano niya. Kung babalik pa siya sa bahay niya ay baka mawalan na siyang oras. After all, ayon kay Patty ay mahalaga ang timing sa plano nila. Limitado lang din ang oras nila kaya kailangang wala silang sayanging sandali.

“Basta huwag na lang makakarating ito kay Nanay. Pagagalitan tiyak niya ako.”

Tumango ito. “Walang problema.” Inabot nito sa kanya ang asul na ecobag. “Dito ka na sa kabilang kuwarto magbihis. Wala namang tao diyan.”

“Salamat,” aniya at pumasok sa bakanteng kuwarto.

Dali-dali niyang inilabas ang costume niya at isinuot. Matagal din niyang pinag-isipan ang tungkol sa isusuot niyang disguise para hindi siya makilala ng mga guwardiya at makapasok sa ospital. Hindi pwede ang plano ni Patty na magsuot siya ng sexy na damit at kulapulan ng make up ang mukha. That was not her thing. Sa halip ay umiba siya ng direksyon.

Kumatok si Neneng. “Kailangan ba ninyo ng tulong, Ma’am?”

“Oo. Ito na lang belo ang isusuot ko,” sabi niya.

Tinulungan siya nitong iayos ang abuhing belo kung saan nakatakip sa buhok niya at paikot sa hugis ng mukha niya. Sa huli ay isinuot niya ang salamin na may makapal na rim. Nasiyahan siya nang makitang bagay sa kanya ang abuhing sutanang pangmadre na ginamit niya sa Christmas party ng mga teacher last year kung saan nag-ala-Sister Act sila.

“Ma’am, wala na pong makakakilala pa sa inyo ngayon.”

“Maraming salamat sa tulong. Babalik na lang ako mamaya.”

Niyakap siya ni Neneng. “Sana ay magawa mo ang pakay mo. Sana ay pumayag silang huwag nang sampahan ng kaso sila Ondoy. Ipagdadasal ko talaga iyan.”

“Maraming salamat.”

“Mag-ingat po kayo, Ma’am.”

Baon ang panalangin at ang environmental assessment mula sa Nature’s Keeper sa Isla La Reina ay naglakad siya sa patungo sa ospital na may limang minutong lakarin mula sa bahay nila Aklay. Tahimik na lang siyang naglakad at nang malapit na siya sa ospital ay natanaw pa niya ang paglabas ng mamahaling sasakyan na ginagamit ni Hannah na napapagitnaan sasakyan ng mga bodyguard nito.

Umangat ang gilid ng labi niya. Ibig sabihin ay tagumpay ang plano. Pero naghintay pa rin siya sa gate at pinadalhan ng text message si Patty.

D2 n ako.

Maya-maya pa ay sumagot na ito. Sunduin n kta.

Matiyaga siyang nakatayo sa labas ng gate. Itinatapik niya ang paa habang binibilang ang oras ng pagdating ni Patty. Sana lang ay gumana ang plano niya. Natatakot siya dahil baka mamaya ay di sapat ang disguise niya para makalusot siya sa mga guwardiya. Hindi pa rin niya makakalimutan kung paano siyang itaboy kanina ni Hannah. Oras na mahuli siya sa pagkakataong ito ay wala na siyang tsansa na makausap nang masinsinan si Benedikt.

Makalipas ang ilang minuto ay nakita niyang lumabas ng gate si Patty. Palinga-linga ito sa paligid habang nakadikit ang cellphone sa tainga nito. Naglakad ito papunta sa direksiyon niya habang nagri-ring naman ang cellphone sa kamay niya. Di na niya sinagot iyon. Nang dumaan ito sa harap niya ay nilampasan lang siya nito. Di ba siya nito napansin.

Kinalabit niya ang balikat nito. Napatili ito at biglang humarap sa kanya. “Ay, sister! Good evening po. Good morning na pala. Peace be with you. Praise the Lord. Hallelujah!”

Mukhang hindi siya nito nakilala dahil sa disguise niya. “Patty, ano ka ba? Ako ito – si Maki.”

Nanlaki ang mata nito at inilapit pa ang mukha sa kanya para pakatitigan siya. “Ma’am Maki?” Napaurong ito at saka pinagmasdan ang ayos niya. “Susmaryosep! Bakit ganyan ang itsura ninyo? Sabi ko magpaganda at magpa-sexy ka para maakit si Sir Benedikt.”

“Baka lalo akong di papasukin ng guard dahil isipin na bayarang babae ako. At least kapag nakasuot ako ng pangmadre di nila iisipin na iba ang pakay ko. Di rin nila ako basta mapaghihinalaan dahil alagad ako ng simbahan.”

Saglit itong nag-isip at pagkuwan ay tumango. “Sabagay may point kayo diyan, Ma’am. Mabuti pa pumasok na tayo sa loob.”

“Paano mo pala napaalis si Miss Hannah?” tanong niya. “Nakita ko ang sasakyan niya na lumabas ng gate.”

Ngumisi ang babae habang naglalakad sila sa walkway. “Sabihin nating may utang sa akin ang isang dating kaibigan na importanteng guest ngayon sa hotel. Siya ang kliyenteng di gugustuhing mawala ng katulad ni Miss Hannah. Di ko alam kung anong ginawa niya. Ang mahalaga ay wala ang pinakamatinding bantay ni Sir Benedikt maliban sa dalawang bodyguard na nasa labas ng kuwarto.”

Nanigas ang buong katawan niya. “May bodyguard…”

“Ako ang bahala doon. Kaya nating lusutan iyon.” Pakembot-kembot pa ito nang harangin sila ng guard. “Hi, Kuya! Sinundo ko lang si Sister. Doon kami kay Benedikt Valenciaga sa private suite.”

“Good morning, sister,” bati ng guwardiya at itinaas pa ang sombrero nito. “Pwede po bang makuha ang ID ninyo? Saka piling bisita lang po kasi ang pinapapasok sa suite ni Mr. Valenciaga. Mahigpit po ang bilin sa kanya.”

Nanigas ang katawan niya. Wala siyang dalang ID. Nagkatinginan sila ni Patty.

“Kuya, si Mr. Valenciaga nga mismo ang nagpasundo sa kanya. Sekretarya ako ni Mr. Valenciaga. Spiritual adviser niya si Sister Maria. Gusto mo pa ng ID, kami na nga ang nang-abala sa kanya. Aba! Nakakahiya naman kay Sister!” mataray na sabi ni Patty at hinampas pa ang mesa ng guwardiya.

Napamaang ang guwardiya. “P-Pasensiya na po, sister. S-Sige po tumuloy na kayo.”

“Pagpalain ka sana,” sabi niya sa guwardiya at saka naglakad palayo.

Nararamdaman pa rin niya ang nakasunod na tingin ng guwardiya at nakahinga lang siya ng maluwag nang umakyat na sila sa pangalawang palapag ng ospital kung saan naroon ang mas pribadong mga silid. “Whew! Akala ko talaga ipipilit pa nila ang ID ko.”

“Sabi ko naman ako ang bahala sa iyo. Kailangang magmadali tayo dahil maswerte nang mai-hold ng isang oras si Miss Hannah. Ayaw niyang malayo kay Sir Benedikt.”

Maki held her breath. Nakabantay sa labas ang dalawang malalaki at matitikas na security na nakaupo sa labas ng kuwarto ni Benedikt. Nagsitayo ang mga ito nang lumapit sila. “Boys, si Sister Maria, ang spiritual adviser ni Sir Benedikt.”

“Wala yatang nabanggit sa amin na may dadalaw siyang spiritual adviser kaninang kausap namin si Sir Benedikt,” anang mas matangkad sa dalawa.

Pinisil ni Patty ang baba nito. “Ikaw naman, Pogi. Biglaan lang naman ito.”

“Mukhang inuumaga po tayo,” bati ng isa mas maliit sa dalawang security.

“Walang pinipiling oras ang paglilingkod sa Diyos,” sagot naman ni Maki.

“Sa susunod ako naman ang magpapatawag sa inyo, sister. Marami po kasi akong dinadamdam sa buhay,” sabi nito.

Tinapik niya ang balikat ng lalaki. “Subukan mong magsimba at manalangin. Minsan kulang lang tayo ng pakikipag-ugnayan sa Diyos.”

“Papasok na kami. Baka mainip si Sir Benedikt,” sabi ni Patty at hinila siya papasok ng suite. Pareho silang humihingal nang makapasok sa loob. “Whew!”

“Patty, ikaw ba iyan?” narinig niyang tanong ni Benedikt. “Saan ka galing?”

“S-Sa labas lang po, Sir,” sabi ni Patty at lumapit sa paanan ng kama ni Benedikt. “Sir, may gusto pong kumausap sa inyo.”

Kumunot ang noo ng binata nang humakbang siya palapit at nakita siya nito. “Sister…”

Tinanggal niya ang salamin at ang belo. “Si Maki ito, Benedikt.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.