"Masakit pa rin ba?" malumanay na tanong ni Benedikt habang dinadampian ng bulsa de yelo ang pisngi ni Maki na sinampal ni Santina. Idinala siya nito sa isang café na di kalayuan sa ospital. Dumating ang sekretarya nito kaya may kasamang magbabantay si Teresina kay Malvar. Nasa isang mesa siya sa sulok kung saan may privacy sila.
Kumikirot-kirot pa rin iyon at pakiramdam niya ay nakabaon na ang palad ni Santina sa kamay niya. Tiyak niyang magkukulay ube iyon. Umaalingawngaw pa rin ang tainga niya sa lakas ng sampal. "Sanay na ako,” mahina niyang usal at naalala niya kung paano siya nitong saktan sa kaunting pagkakamali mula noong bata pa siya. Ang mga pingot at sabunot na di nito ipinapakita sa ama niya. Ngayon lang na sa pampublikong lugar siya nito sinaktan at sa pagkakataong ito ay alam niyang may kasalanan siya. May nasaktan siya sa ginawa niya.
“Pasensiya ka na kung hindi ko napigilan si Tita Santina na saktan ka.” Hinawakan nito ang baba niya at inangat. “Pangako ko na hindi na ito mauulit. Wala nang mananakit sa iyo.”
Umiling siya. “Kahit na saktan mo rin ako, maiintindihan ko naman. Pakiramdam ko kulang pa nga ang ginawa sa akin para makabawi sa kasalanan ko.”
“Siyempre hindi kita sasaktan. Anong palagay mo sa akin?” anitong may bahid ng galit sa boses.
“Pero malaki ang kasalanan ko sa iyo. Sa inyo ng pamilya mo. D-Dahil sa akin kaya inatake sa puso ang tatay mo. Tapos nasira pa ang deal na matagal ninyong pinaghirapan. I am sorry. Hindi ko naman alam na hahantong sa ganito ang lahat.”
Binitiwan siya nito. “Sabihin mo sa akin kung anong nangyari.”
“M-May kaibigan ako. Si Talia. Kaklase ko siya at vocalist siya ng isang folk music band. Isa ako sa mga tagasuporta niya. Hindi siya pwedeng kumanta kahapon dahil masakit ang lalamunan niya. K-Kung pwede daw ako muna ang kumanta para sa kanya.”
“At paano niya nalaman na kumakanta ka?”
“A-Aksidente lang naman iyon. Pinag-compose kami ng kanta sa Sociology subject namin. Doon niya nalaman na kumakanta ako at nakakapag-compose ako ng kanta.”
Naging matiim ang anyo nito. “Nakita ko ang video. Parang sanay na sanay ka at alam mo ang kanta.”
Pinagbuhol niya ang daliri at yumuko. “A-Ako ang nagko-compose ng ilan sa kanta ng banda nila.”
"Naglihim ka sa akin?” anito sa matalim na boses. Masakit nga naman iyon para sa nobyo dahil may tiwala ito sa kanya. Itinago niya ang isang importanteng bagay dito.
Takot niyang inangat ang tingin. “H-Hindi ko naman alam na magugustuhan nila ang mga kanta ko. O kaya magkakaroon ng pagkakataon na…. na makakanta ko iyon sa harap ng maraming tao.” Isinuklay niya ang kamay sa buhok. “P-Pero nang nandoon na ako alam ko na kailangan kong gawin iyon. Kailangan kong bigyan ng inspirasyon ang mga magsasakang iyon kahit sa kanta man lang.”
Tumiim ang anyo nito at uminom ng kape. “Nangyari ang lahat ng ito, sinuway mo ang utos ng magulang mo at hindi mo man lang sinabi sa akin? Akala ko ba magkakampi tayo? Kapag may malaking bagay kang gagawin, akala ko sasabihin mo muna sa akin. O sadyang pinaglilihiman mo na ako ngayon?”
Hinawakan niya ang kamay nito. "Sasabihin ko sana ang lahat ngayong dinner kung anong nangyari. Benedikt, kawawa ang mga magsasaka na iyon. Iyon lang ang paraan ko para suportahan sila. Nang nasa stage ako at kumanta at nakita ko ang saya sa mga mukha nila at pag-asa, parang napalaking accomplishment na sa akin. Hindi pa ako nakaramdam ng ganoong klaseng fulfillment."
Tumiim ang bagang nito. "At my father's expense."
Parang sinaksak ang puso niya. She was talking about her happiness, her accomplishments. Naging insensitive siya sa sakit na nararamdaman nito sa pagkakaratay ng ama nito. Ang kabuhayan ng pamilya nito na nailagay sa alanganin dahil sa kanya.
"Benedikt, ganoon na ba ako kasama ngayon?” tanong niya. “Halos ama ko na si Tito Malvar. Di ko gugustuhing saktan siya. Hindi ko ginusto ito. All I wanted was to sing. Hindi ko alam ang tungkol sa deal ninyo. Malay ko bang… malay ko bang aabot sa ganito."
Malungkot ang mga mata nito at matiim ang labi nang tingnan siya. "Pero di ganoon kasimple ang buhay. Minsan ang mga simpleng galaw natin ay may malaking epekto lalo na kung lumagpas tayo sa mga linyang itinakda sa akin."
"Akala ko kakampi kita. Akala ko maiintindihan at susuportahan mo ako. Hindi ba… hindi ba masaya ka para sa akin tuwing tumutugtog ako? Na sabi mo sa akin na susuportahan mo ako kung sakaling gusto kong kumanta."
"Well I need your understanding and support more than ever,” maigting ang boses nito. “My father is sick, no thanks to you. Gusto kitang intindihin pero may responsibilidad din ako sa pamilya ko at kompanya. May mga tao ding nakadepende sa amin, may mga pamilyang inaasa ang kabuhayan sa amin. Ni hindi ko na nga alam kung paanong ipapaliwanag sa board at sa mga tauhan namin kung bakit hindi na matutuloy ang pirmahan ng malaking project na iyon. We worked hard for it. And now my father is sick. My mother is hurting. Sige nga. Paano ko aayusin ang lahat ng gulong ito?”
Nanginig ang buong katawan niya dahil sa impact ng lahat ng ginawa niya. More than her independence and artistry, mas importante si Benedikt. Ito ang lalaking mahal niya. At nasaktan niya ito. Yumuko siya at umalog ang balikat nang humagulgol siya ng iyak. Pakiramdam niya ay gumuho ang mundo niya. "I am sorry. I am so sorry.”
“Hindi ka isang simpleng babae lang na naghahanap ng kalayaan, Maki. You are a Rubella. An heiress. At magiging asawa kita. May negosyo at pangalang pinangangalagaan ang mga pamilya natin. Isang maling galaw lang natin, makakaapekto iyon sa kabuhayan natin at sa kabuhayan ng negosyong hawak ng pamilya natin. Hindi ka na bata. You should know that.”
Niyakap niya ito. “N-Naging selfish ako. Oo sarili ko ang inisip ko. Maiintindihan ko kung ayaw mo akong makita." Masakit iyon pero kailangan niyang tanggapin. Pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat dito.
"No. Of course not.” Ginagap nito ang kamay niya at hinalikan. “I need you. I love you."
His eyes became glassy. Nakita niya ang takot sa mga mata nito. Takot din itong mawala siya dito. Nag-init ang mga mata niya hanggang tuluyang tumulo ang luha. Paano pa siya nito nagawang mahalin sa kabila ng kapalpakan niya? Sinaktan niya ito, ang pamilya nito at ang lahat ng mahalaga dito. Paano nito nagawa iyon kung sarili nga niya ay parang di niya mapapatawad?
Hinaplos ng daliri niya ang likod ng palad nito. "W-What can I do to make you feel better?"
Tinitigan siya nito sa mga mata. "Mangako ka sa akin na huwag kang magpapadalos-dalos ng kilos sa susunod. Ayoko nang kakanta ka pa sa rally. Kahit anong rally. No more impromptu singing… without my approval.”
Tumango siya subalit hindi siya kumibo. Di niya pinansin ang animo’y di nakikitang kamay na unti-unting sumasakal sa kanya. Ganito rin ang pakiramdam niya tuwing iniisa-isa ni Santina ang mga dapat at hindi niya dapat na gawin.
Pero kailangan niyang tiisin ito. Ginagawa lang ni Benedikt ang makakabuti para sa lahat.
“Kung gusto mong kumanta, sabihin mo sa akin. Pag-uusapan natin.”
Gulat na inangat niya ang tingin dito. “P-Papayagan mo pa rin akong kumanta?”
“Yes. Pero pag-uusapan natin. Kailangan nating matiyak na walang komplikasyon. I want this relationship. Let’s make it work.”
"So do I. Susundin ako ang lahat ng gusto mo. I love you, Benedikt."
Niyakap niya ito at ihinimlay ang pisngi sa dibdib nito. Handa siyang gawin ang lahat basta huwag lang itong mawala sa kanya. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito.