You’re Still My Man (Filipino) Chapter 62

LUMULUTANG pa si Maki sa antok habang naghihiwa ng dadalhing tanghalian para sa nanay niya. Alas nuwebe na ng umaga noon at kauuwi pa lang niya galing sa pagbabantay sa presinto sa nanay niya. Hindi rin naman siya halos makatulog sa dami ng tumatakbo sa isipan niya. Mahirap matulog sa presinto at masyadong maraming alalahaning tumatakbo sa isipan niya. Pakiramdam niya ay pasan-pasan niya ang problema ng mundo.

Dahil mas naunang nagising sa kanya si Ponyang ay ito ang umuwi para magluto ng agahan nila. Matapos ang agahan ay ito ang iniwan niya para magbantay sa presinto. Mas masigla pa sa kanya ang nanay niya. Parang balewala lang dito ang pagkakakulong. Parang di man lang nito iniinda ang mga banta dito, di gaya niya na daig pa ang nahatulan ng reclusion perpetua sa sobrang pagka-haggard.

Hindi niya alam kung makakalaya ang nanay niya o maisasampa ang kaso dito. Ang alam lang niya ay nenerbiyusin siya sa buong araw na iyon. Oras na maisampa ang kaso, kailangan niyang harapin ang mahabang laban kay Governor Marasigan. Kung hindi naman maisasampa ang kaso at makakalaya ang nanay niya, kailangan nilang magtuos ni Benedikt at alam niyang personal na laban ang haharapin niya.

Muntik na siyang mayukyok sa hinihimay na kangkong para sa ilulutong ulam nang mag-ring ang cellphone niya. Biglang umangat ang ulo niya at dinampot ang cellphone na nakapatong sa mesa. Dinampot niya iyon at saka kinusot ng likod ng palad ang mga mata bago sumagot. “Hello.”

“Maki, si Robert ito. Kumusta ka na?”

“Oh! Robert, ikaw pala.” Nang tingnan niya ang relo ay oras na ng recess kaya nakatawag ito sa kanya. “Ayos lang ako. Magdamag akong nagbantay sa presinto. Babalik pa ako doon mamaya para dalhan ng tanghalian si Nanay. Nai-check mo ba ang mga estudyante ko? Nagagawa ba nila ang activities na iniwan ko?”

“Oo. Dumaan ako mismo para obserbahan sila. Tahimik naman ang mga estudyante mo at mukhang nag-e-enjoy sila sa art activity na iniwan mo.” Egg mosaic ang activity ng mga bata at marami sa mga estudyante niya ang nag-e-enjoy sa art subject na kasama sa itinuturo niya dahil nare-relax daw ang mga ito. Marami sa mga ito ay may potensiyal sa sining.

“Mabuti naman kung tahimik sila at masunurin. Nag-aalala talaga akong iwan sila.”

“Marami naman kaming naghahaliling sumilip sa mga estudyante mo. Intindihin mo na lang diyan si Aling Lupita.”

Ngumiti siya kahit di siya nito nakikita. “Salamat.” At di niya mapigilang humikab.

“O! Mukhang di ka pa nakakatulog. Magpahinga ka naman, Maki. Baka mamaya napabayaan mo na ang sarili mo. Mahirap iyan. Baka mag-alala pa ang nanay ko.”

“Hindi kasi ako masyadong nakatulog.” Pinakamalaking alaahanin niya si Benedikt. Tutulungan ba siya nito o gusto lang nitong pagkatuwaan ang sitwasyon niya. Masarap ba sa pakiramdam nito na kailangan niyang magmakaawa dito? “Huwag kang mag-alala. Kundi man makalabas si Nanay ngayon, bukas din ay maiuuwi ko na siya.”

Handang-handa na ang pera niya para oras na maisampa ang kaso ay makakapag-piyansa agad ang nanay niya. Masakit sa ulo kung sakaling matuloy ang kaso ng grupo ng nanay niya. Bagamat may pro-bono na abogadong hahawak sa kaso ay malaki ang psychological effect para sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang handang gawin ni Governor Marasigan para lang gipitin ang mga tumututol sa proyekto nito.

“Maki, alam mo naman na kasama kaming mga guro sa ipinaglalaban ninyo. Hindi lang kami makakilos dahil nag-aalala ang iba na maapektuhan ang mga trabaho namin. Alam mo naman na hawak tayo ng gobyerno. Kakarampot lang ang sahod natin, baka ipitin pa.”

“Naiintindihan ko naman. Kaya nga madali tayong gipitin na mahihirap dahil hawak tayo sa leeg ng mga pulitiko na iyan na akala mo ay personal na pera nila ang ipinapasweldo natin at hindi pera ng taumbayan na galing din naman sa tax na kinakaltas sa atin,” mapait niyang sabi. Hindi naman niya masisisi ang mga kasamahan. May kanya-kanyang pamilya ang mga ito. At sa hirap ng buhay ay mahirap mawalan ng magandang trabaho. Kahit naman yata sa saan sa panahon ngayon ay problema ang pulitika.

“Huwag kang mag-alala. Handa naman kaming mag-ambag-ambag ng tulong kung kailangan ng pampiyansa. Saka hindi muna kami magpa-practice ng choir mamaya para makadalaw kami sa nanay mo,” masiglang sabi ni Robert.

“Salamat. Malaking bagay ang suporta ninyo.” Pera naman talaga ang problema ng grupo nila. Hindi naman kasi sila mayayaman at di madaling pondohan ang ipinaglalaban nila. Bagamat may pampiyansa siya para sa kanyang ina, wala namang pampiyansa ang mga kasamahan ng nanay niya. Gusto rin niyang makalaya ang mga ito kung sakaling matuloy ang pagsasampa ng kaso.

“Kung gusto mo samahan kitang magbantay sa nanay mo mamayang gabi,” suhestiyon ni Robert. “Nabanggit ko naman iyon sa nanay ko.”

“Hindi na kailangan. Siksikan na rin naman doon. Nakakahiya naman sa mga pulis. Nakiusap lang kami ni Ponyang na doon matulog dahil gusto kong makabantayan si Nanay. Saka makakalaya na rin si Nanay. Huwag mo nang intindihin.”

“Ikaw ang bahala,” malungkot nitong sabi. “Basta dadalaw pa rin ako. Dadalhan ko kayo ng paborito ninyong kakanin.”

“Salamat. Paano, kailangan ko pang tapusin itong niluluto ko. Bye, Robert.”

At tinapos na niya ang tawag bago pa humaba ang usapan. She felt wretch. Bakit ba di na lang siya ma-in love dito? Mas madali siguro para sa kanya na tanggihan si Benedikt kagabi. Hindi na siguro nito kailangan pang guluhin ang isipan niya.

She lost her cool last night. Ang totoo ay nadala siya ng emosyon niya. Di naman siya masisisi dahil di niya inaasahan ang mga rebelasyon mula kay Benedikt. Pinaglalaruan man siya nito o hindi, natitiyak niyang may atraksyon pa ring nararamdaman ang lalaki para sa kanya. And if it was her love and his attraction for her would clash, she would be ruined in the end.

Baka naman hindi rin niya tulungan si Nanay. Mas pabor naman sa kanya na kampihan ang mga Marasigan. Wala naman siyang mapapala sa akin. If he wanted a willing body, nariyan naman si Hannah. Problema ko nang mag-isa ang nanay ko.

Pinili niyang umidlip muna sa sala kahit na kalahating oras bago magluto nang may kumatok sa pinto. Umungol siya. Kung pwede sanang huwag na lang pansinin iyon pero naisip niyang baka importante iyon at may kinalaman sa nanay niya.

“Sandali lang,” aniya at halos hilahin ang sarili papunta sa pinto. Nang buksan niya ang pinto ay natulala siya nang makita doon ang nanay niyang si Aling Lupita. “’Nay? A-Anong… P-Paanong…” Natutulog lang ba siya? Nananaginip? Nasa harap niya ang nanay niya.

“Malaya na ako, anak,” sabi nito at tuwang-tuwa siyang niyakap. “Malaya na ako.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.