You’re Still My Man (Filipino) Chapter 63

"Parang himala talaga. Basta na lang tayong pinakawalan ni Governor. Walang kasong isinampa sa atin. Ni hindi man lang nakipag-negotiate sa atin na iuurong natin ang protesta at hindi sila magsasampa ng kahit ano. Totoo ba iyon?" tanong ni Ondoy na tinungga ang idinulot ni Ponyang na buko juice.

"Parang kahina-hinala nga ang nangyari. Pwede ba iyong pakawalan na lang kayo nang hindi man lang kayo nasasampahan ng kaso samantalang malaki ang atraso ninyo sa kanila. Boypren ng anak ni Governor ang napuruhan. Huli ko ngang balita ang plano ay sampahan kayo ng patong-patong na kaso para i-discourage ang protesta laban sa pagpapatayo ng airport," sabi ng asawa ni Ondoy na si Neneng na ipinagbalat pa ito sinigang na sugpo na niluto ni Maki para sa tanghalian.

Masayang nagsasalo-salo ang grupo ng nanay niya sa simpleng tanghaliang pinagsama-sama ng pamilya ng bawat isa. Inilabas ang mga upuan at mesa sa loob ng bar at sa buhanginan sa labas ihinilera ang upuan sa ilalim ng mga puno ng niyog. Kahit na simple lang ang mga pagkain ay mistulang piging iyon. Isang malaking tagumpay na nakalaya ang mga ito at wala man lang naisasampang kaso. Parang lutang ang lahat at takang-taka sa natanggap na utos na palayain na lang ang mga ito.

"Naku! Natakot lang siguro sila Governor dahil lumabas na kagabi ang report sa Bagong-Bagong Balita na tauhan nila ang namato sa nagra-rally. Balita ko pinag-uusapan na rin sa internet ang nangyari. Akala nila ay ganoon-ganoon lang kasi tayo. Di lahat sa media ay kaya nilang bayaran. Lumabas tuloy na malupit siya at isang manloloko," anang si Kapitan Torre na tumayo pa at kumumpas-kumpas na akala mo ay na miting de avance sa eleksyon. "Tayo naman talaga ang dehado dito. Tayo na ang mapeperhuwisyo ng airport nila, tayo pa ang sasaktan habang milyon-milyon ang kita nila."

"Oo nga. Takot lang nila lalo na ngayong mabubulgar na sa mga tao ang pandaraya nila sa resulta ng environmental assessment sa isla. Sana nga mabilis nang ibaba ang temporary restraining order para sa pagpapatayo ng airport. Oras na maibaba iyon, mas malaki ang tsansa na hindi na matuloy ang proyekto," sabi ng nanay niya.

Tahimik lang si Maki sa paglalagay ng buko juice sa baso at nakikinig sa usapan ng mga ito. Habang nag-iisip ang mga ito kung anong himala ang nangyari, siya naman ay isang sagot lang ang tumitining sa isipan - si Benedikt. Si Benedikt ang nakagawa ng imposible.

Kung ang mga reporter lang at ang expose ng mga ito ay hindi matitinag ang grupo ng gobernador. Madali lang para sa public relations team nito na balewalain ang mga akusasyon dito kahit na matibay ang ebidensiya. Kaya rin ng mga ito na impluwensiyahan ang batas at bulukin sa kulungan ang nanay niya kung nanaisin nito.

But he just let the protestors off the hook without a hitch. Saka umalingawngaw sa isipan niya ang sinabi ni Benedikt. “Hindi kita aalukin kung hindi ko kayang gawin ang ipinangako ko. Ikaw mismo ang nagsabi na kaya kong kumbisihin si Hannah at si Governor Marasigan. And I am not Mr. Nice Guy anymore. I want some sort of reward for my efforts. And I want you.”

At sa kanya ako sa loob ng dalawang linggo, usal niya sa sarili. Nag-estima siya sa isipan. May dalawang linggo pa bago ang semester break.

"Anak, ayos ka lang ba?"

"Po?" tanong ni Maki at saka lang napansin na katabi niya ang ina. "May sinasabi po ba kayo?"

Bumuntong-hininga ito. "Ayos ka lang ba? Parang malalim pa rin ang problema mo." Hinaplos nito ang nakakunot niyang noo. "Malaya na ako. Wala namang isinampang kaso sa atin. Ano pa ba ang inaalala mo?”

Iniwas niya ang tingin dito. “Hindi naman po iyon ang iniisip ko.”

“Si Benedikt ba?” Nahigit niya ang hininga at nanlalaki ang matang tiningnan ang ina. Mabuti na lang at medyo malayo sila sa umpukan kaya di basta-basta maririnig ang pinag-uusapan nila. There was a know-it-all look in her eyes. Of course. Wala siyang maitatago sa nanay niya. “Nag-aalala ka ba sa kondisyon ni Benedikt? Gusto mo bang dalawin natin?”

Umiling siya. “H-Hindi po tayo papayagan ni Miss Hannah at ni Governor. Mahigpit sila sa mga bisita at baka mamaya ipakaladkad pa po tayo sa guwardiya at security nila. Masaktan na naman kayo.”

“At nalaman mo ito dahil pinuntahan mo si Benedikt?” panghuhuli nito.

Bumagsak ang balikat niya dahil binawalan siya ng ina na puntahan ang binata. “Hindi ko lang po talaga maiiwasang mag-alala sa kanya.”

Nakakaunawang tumango ang ina. “Iniisip mo rin siguro na baka masama ang impresyon nila sa atin. Gusto mo bang magpadala tayo ng sulat? Ang buong grupo na para na rin magpaliwanag na wala naman tayong intensiyon na masama sa kanya at hindi ang grupo ang bumato sa kanya. Kung hindi tatanggapin sa ospital, kahit sa opisina na lang niya ipadala.”

“G-Gagawin po talaga ninyo iyon?”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Oo naman. Alam kong masakit para sa iyo na nakulong ako at si Benedikt pa ang dahilan. At makakaluwag sa loob mo siguro kung malalaman niyang gusto natin na gumaling siya at makakapagpaliwanag din kami ng side namin.”

Niyakap niya ang ina. “Salamat po, ‘Nay.”

Hindi na kailangang malaman ng nanay niya na may ibang dahilan siya kung bakit inaalala si Benedikt at kung ano ang partisipasyon ng binata sa paglaya nito. She was just happy that her mother won’t go to jail. Sa ngayon ay makakatulog siya ng mahimbing. Kung anumang nakaambang sakripisyo ang gagawin niya, she knew it would be worth it. Kahit ano para sa nanay niya.

KAHIT na pagod na pagod na at inaantok ay di pa rin tuluyang nakatulog si Maki. Alas tres na noon ng hapon. Tahimik na ang paligid. Nagsiuwian na ang mga kasamahan ng nanay niya matapos pag-usapan ang mga susunod na hakbang sa pagpoprotesta. Tuloy pa rin ang plano ng mga ito na pigilan ang airport lalo na’t nakakita ang mga ito ng advantage.

Wala sa sariling kinapa niya ang cellphone at tinawagan si Patty. “Hello, Ma’am Maki! Kumusta na po?” excited na tanong nito.

“Good news. Nakalaya na sila Nanay kaninang umaga. Gulat na gulat nga ako dahil basta na lang bumungad dito sa bahay. Sinorpresa na lang niya ako. Pinalaya siya nang di sinasampahan ng kaso o walang kahit anong kondisyon,” masayang balita niya. “Maraming salamat sa tulong mo.”

“Mabuti naman at effective ang ginawa natin. Naku! Kung nakita lang ninyo ang nangyari kaninang umaga. Nagalit si Sir Benedikt habang kaharap sina Miss Hannah at si Governor. Ipinakita niya ang report sa diyaryo tungkol sa supporter ni Governor na siyang namato sa kay Sir. Nagalit din siya dahil nga sa pananakit sa grupo ng nanay ninyo kahit na walang kalaban-laban. At kinompronta din niya si Governor tungkol sa environmental assessment na ibinigay mo sa kanya.”

“T-Talaga?”

“Pagbalik ko dito sa suite matapos kitang ihatid sa labas, ipinahanap niya sa akin ang kopya ng original assessment ng environmental group na pinagbasehan ng report at hindi ang bagong report na isinumite para aprubahan ang airport. Totoo nga. Magkapareho ang original assessment at ang assessment ng Nature’s Keepers. Sinabi ni Sir Benedikt na kapag sinampahan pa rin ng kaso ang grupo ng nanay mo, siya mismo ang tutulong sa grupo ng nanay ninyo para ipanalo ang kaso.”

“S-Sinabi talaga niya iyon? Hindi ka nagbibiro? K-Kinalaban niya si Governor?”

“Oo naman. Iyon talaga ang nangyari. Naku! Parang teleserye. Bumaha ng luha. Galit na galit si Governor pero nakiusap si Miss Hannah para pagbigyan na lang si Sir Benedikt. Patay na patay talaga ang isang iyon kay Sir,” kwento ni Patty.

Bumaba siya ng kama at nagpalakad-lakad. Ipinaypay niya ang palad sa sarili. Hindi pa rin siya makapaniwala na ipinagtanggol ni Benedikt ang nanay niya at ang katotohanan. Ni hindi man lang ito natakot. Di naman siya naniniwala na ginawa lang iyon ng binata para gawin siyang sex slave. Kahit na sabihin nitong wala itong good nature ay alam niyang buhay pa rin sa puso nito ang Benedikt na nakilala niya – mapagmahal, mabait at ipagtatanggol kung ano ang tama. Hindi naman ito masyadong nagbago.

“Sorry nga nang sorry si Miss Hannah kay Sir Benedikt. Napahiya kasi. Ewan ko lang kung magkakatuluyan pa sila. Parang tinabangan si Sir Benedikt sa kanya.”

“Nakakaawa naman siya,” mahina niyang usal.

Malamang ay nasasaktan ang dalaga. Gustong-gusto talaga nito si Benedikt. Tama siya dahil gagawin nito ang lahat para sa binata. Siya ang nalulungkot para dito dahil parte siya ng dahilan kung bakit parang lumayo ang loob ni Benedikt dito. Gusto niyang ma-guilty pero sa bandang huli ay ginawa lang niya ang lahat para sa pagmamahal niya sa nanay niya at para maigawad ang katarungan.

“Nasaan pala kayo?” tanong niya.

“Nandito kami sa café sa airport. Pabalik na kami ng Manila.”

“Ha? Aalis na kayo? Hindi ba may injury pa si Benedikt? Di pa siya dapat nagbibiyahe.”

“Binigyan na siya ng clearance ng doktor. Saka kailan ba siya nagpapigil? Mababaliw siya kapag hindi nasunod ang schedule niya.”

“Pwede ko ba siyang makausap?” tanong niya.

“Sandali. Mukhang tapos na ang kausap niya sa phone.” Gamol na ang sumunod niyang narinig pero naulinigan niya na sinasabi ni Patty na may gustong kumausap sa binata.

Sumunod na niyang narinig ay ang mababa ngunit pormal na boses ni Benedikt. “Hello.”

“H-Hi, Benedikt! S-Si Maki ito,” aniyang nanginginig na sa simpleng hello pa lang nito.

“Maki, how’s your mother?”

“Nakalaya na siya kaninang umaga at wala ring kasong isinampa sa grupo niya.”

“Great! That’s good to hear.” Kahit kaswal lang ay nahimigan niya ang sinseridad sa boses nito. Masaya talaga ito para sa kanya.

“S-Salamat nga pala sa tulong mo. Naikwento sa akin ni Patty na dinepensahan mo ang grupo nila Nanay kay Governor. Sinabi mo rin ang tungkol sa original na report ng environmental group na kinuha nila. Maraming salamat dahil hindi na makukulong si Nanay. Hindi ko talaga inakala na magagawa mo iyon.”

Kahit di niya nakikita ay nararamdaman niyang matalim nitong tinitigan si Patty sa pagitan ng katahimikan bago ito muling nagsalita. “My secretary really doesn’t know how to shut up. Siguro kailangan ko na siyang i-fire dahil sa kadaldalan niya.”

“Ako lang ang magtitiis sa inyo, Sir Benedikt,” narinig niyang wika ni Patty. “Pero sa akin marami nang namimirata dati pa. Your loss, not mine.”

Hindi niya maiwasang matawa dahil sa sagot ni Patty. Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng binata sa kabilang linya dahil talo nga naman ito sa argumento. “Go fetch some coffee,” utos nito sa sekretarya bago siya muling kinausap. “My dear, you know that my help doesn’t come for free.”

“Alam ko,” aniya sa matatag na boses. “Gusto ko pa ring magpasalamat. Kung anuman ang kailangan mo sa akin, maliit na sakripisyo lang iyon kumpara sa makita kong malaya ang nanay ko. Ayoko nang makita siya ulit sa kulungan. Ayoko nang maulit ang bangungot na iyon para sa aking dalawa. Nang makita ko siya sa pinto ng bahay namin kanina at sinabi niyang malaya na siya, alam ko na handa akong gawin ang lahat para sa kanya. Tungkol nga pala sa usapan natin…”

“Miss Veracruz, I must go,” he said in a curt voice. “Boarding time na namin.”

“O-Okay. Salamat ulit.”

“Bye,” anito at pinutol na ang tawag.

Nagtaka siya. Parang di na ito interesado sa usapan nila. O siguro ay hindi lang iyon ang panahon at lugar para mag-usap sila. Siguro ay ipapadala na lang nito ang detalye. Siguro ay…

Bakit parang siya pa ang excited?

Ibinagsak niya ang sarili sa kama. Dalawang linggo na lang mula ngayon at magkakasama silang muli ni Benedikt. Ibibigay niya ang sarili dito sa loob ng dalawang linggo.

She could always appeal to him, but she must keep her part of the bargain. Ito ang kapalit ng kalayaan ng nanay niya. Bahala na kahit na magkagutay-gutay na naman ang puso niya matapos ang dalawang linggo.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.