“MAKI, anong plano mo sa sem break?” tanong ni Karen ng kasamahang guro niya habang magkakasama silang nanananghalian. Iyon ang huling araw ng klase para sa semestreng iyon at kinabukasan ay simula na ng dalawang linggo nilang bakasyon.
“Magbabakasyon ako sa best friend ko sa Palawan. Matagal-tagal na rin kasi kaming hindi nagkikita,” nakangiti niyang sagot at sumubo ng adobong pusit gata sa pusit.
“Aba! Gusto rin ni Pareng Robert na mag-Palawan din,” anang kasamahan nilang Filipino teacher na si Miroy saka siniko si Robert. “Di ba, pare? Kakukuha mo pa lang ng loan mo. Sabi mo gusto mong magbakasyon. Baka pwede kang sumama kay Maki. Mag-underground river kayo saka mag-island hopping. Maraming magagandang beach doon.”
“Maki, okay lang bang sumama?” tanong ni Robert sa kanya.
Alanganin ang naging ngiti niya. Ang totoo ay di naman siya pupunta ng Palawan. Nasa Singapore ang kaibigan niyang si Talia para sa tatlong buwang gig sa isang bar doon. Ang totoo ay inimbitahan siyang magbakasyon nito sa Palawan bago pa dumating ang offer na gig sa banda nito. Ngayon ay nakalaan na ang dalawang linggo niya kasama si Benedikt. Ang totoo ay di niya alam ang mangyayari sa kanya. Bukas na ang simula ng bakasyon pero wala pa rin siyang tawag o mensahe na natatanggap mula dito para sa mga plano nito. Hindi naman pwedeng siya pa ang magtanong dito tungkol sa mga balak nito. That would be stupid. Ang magagawa lang niya ngayon ay maghintay. At sa loob ng dalawang linggo ay parang mababaliw na siya sa paghihintay sa mga mangyayari.
“Naku! Pasensiya na. Kasi plano sana naming magkaibigan na mag-bonding nang kami lang. Matagal kasi kaming hindi nagkita. Next time na lang tayo magkasamang pumunta doon. Maganda siguro kung may kasama rin tayong iba,” sabi niya at luminga sa ibang mga kaibigan. “Mas marami, mas masaya.”
“Sige! Maganda iyan,” wika ni Candy.
Nakita niya ang pagkadismaya sa mukha ni Robert. Hindi iyon ang inaasahan nitong sagot mula sa kanya. Wala rin naman itong maasahan mula sa kanya. Akala kasi niya ay hindi na ito magkaka-interes pa sa kanya lalo na’t napapalapit na ito sa co-teacher nilang si Ezel. Pero noong isang linggo lang ay diniretsa na nito ang babae na kaibigan lang ang tingin nito. Siya talaga ang gusto ng binata.
Mabigat ang loob niya nang umuwi sa bahay nila. Nagsinungaling siya sa mga kaibigan niya at nagsinungaling din siya sa pamilya niya para kay Benedikt. Handa na siyang umalis para bukas saan man nito gustong magkasama sila. Two weeks of lies.
Tumatakbo siyang sinalubong ni Ponyang. “Ate, may padala sa iyo. Sulat yata.”
Isang sobre ng kilalang forwarding company inabot sa kanya ng pinsan. Kay Patty galing ang return address. Nagpunta siya sa kuwarto niya at binuksan iyon. Kumunot ang noo niya nang makitang sulat iyon… na may sulat-kamay ni Benedikt.
I am off to paradise. I wish you could come with me. We can play with the waves, swim like fishes in the sea, run like kids while our laughter will echo at the beach. Then I can take you in my arms anytime I want to. We can forget who we are. There would be no past, no pain and we don’t have to think about tomorrow. Come with me, my dear fairy.
Parang tumalon ang puso ni Maki. My dear fairy. Iyo ang endearment sa kanya ni Benedikt. Sulat iyon ni Benedikt para sa kanya. Ibig sabihin ay tuloy ang usapan nila. Gusto siya nitong makasama sa loob ng dalawang linggo.
Paradise. Waves. Beach. Nasaan si Benedikt ngayon?
Binusisi niya ang loob ng envelope. Walang ibang laman iyon kundi ang sulat lang. Walang kahit anong address o palatandaan kung nasaan ang binata. Sa dami ng lugar na napuntahan nila nang magkasama, hindi niya alam kung saan ang tinutukoy nito.
Tinawagan niya si Patty. “Hello!”
“Natanggap mo na ba ang padala ko?” tanong agad nito.
“Oo. Si Benedikt ba ang nag-utos na magpadala nito?” tanong niya habang pakiramdam niya ay nasa lalamunan niya ang puso niya.
“Hindi. Umalis na siya kahapon ng umaga. Naiwan lang niya iyan sa loob ng isang kahon sa drawer niya sa condo niya. Nakita ko kasi may ipinapahanap siya sa akin. Ang totoo marami pa nga ang sulat na iyan sa kahon niya. Mukhang sulat niya lahat sa iyo.”
“Sulat niya sa akin?” tanong niya.
“Oo. Di ko nga alam na nagsusulat pala siya ng love letters. Pero hindi ko naman pwedeng ipadala lahat sa iyo. Mapapagalitan ako ni Sir kapag nahalata niyang may nabawasan. At least iyan, pwede niyang isipin na baka na-misplace lang niya.” Saka humagikgik ang pilyang sekretarya.
“Thank you.” Kung hindi pa dahil kay Patty ay di niya malalaman ang tungkol sa sulat na iyon. And it felt so surreal. Ibig sabihin ay gusto talaga siyang makasama ni Benedikt. Not because he wanted to mock her or out of revenge. The letter was so romantic. Na parang isang lalaki na nagmamahal lang ang pwedeng magsulat.
“Nasaan si Benedikt ngayon?” tanong niya.
“Nasa Bohol. Sa ancestral house ng tatay niya.”
“Sa Baclayon?” tanong niya. Ilang beses na siyang naisama ng binata doon. Isang heritage house iyon na ipine-preserve na lang ng pamilya dahil misyon ng bayan ng Baclayon na magsilbing heritage site ang mga bahay sa Baclayon lalo na’t naroon ang pangalawa sa pinakalumang simbahan sa bansa. “May kasama ba siya?”
“Si Miss Hannah ba ang ibig mong sabihin? Wala. Ang alam ko di pwedeng umalis si Miss Hannah sa resort dahil marami siyang bisita. Lagi lang siyang tawag nang tawag kay Sir Benedikt kaso parang di na sila kasing sweet ng dati.”
“Gaano siya katagal magbabakasyon?”
“Two weeks. Ngayon lang siya nagbakasyon nang ganoon kahaba. Ayaw nga niyang magpaabala sa iba. Kundi lang importante, huwag daw siyang tatawagan.”
Parang may bumundol sa dibdib niya. Dalawang linggo. Nag-iisa ito sa ancestral house nito sa loob ng dalawang linggo. Gaya ng napag-usapan nila.
“Pupunta ka ba, Ma’am Maki? Chance mo na ito. Walang bantay. Wala si Miss Hannah. Alam mo, i-grab mo na ang chance na ito. Malay mo pagkakataon na ito para magkabalikan kayo. Baka pride lang ang umiiral kay Sir Benedikt. Mahal ka pa rin no’n.”
“Salamat dito sa sulat.”
Hindi niya iniisip na magkakabalikan sila. Malabo iyon. Ang tanging nakikita niya ay ang pag-asa na magkasama silang muli sa loob ng dalawang linggo nang di nila iniisip kung sino sila ngayon o sino sila noon. Na hindi nila maiisip kung paano nila nasaktan ang isa’t isa.
Pumikit siya nang mariin. Gusto lang niya ang pagkakataon na makasama si Benedikt kahit dalawang linggo lang. Kung magkakalayo man sila matapos iyon, kung pakakasalan man nito si Hannah o ibang babae, masaya na siya. She had those two weeks to treasure.
“Basta huwag ninyong sasabihin kay Sir Benedikt na ako ang nagpadala ng sulat. Naku! Ayoko talagang masesante,” bilin ni Patty.
“Akala ko ba secured ka na sa pwesto mo bilang sekretarya niya? Indespensable ka, di ba?”
“May tine-train siyang magiging second secretary niya. Lalaki daw para di tsismosa. Naku! Mas tsismoso pa kaya ang mga lalaki.”
“I owe you one,” sabi niya.
“Basta maging masaya lang kayo, Ma’am. Sa dami ng pinagdaanan ninyo ni Sir Benedikt, oras na siguro para maging magkatuluyan na kayo.”
She won’t go there. Alam niya kung ano lang ang kayang ibigay ni Benedikt sa kanya. At natututo na siyang maging masaya sa kung ano lang ang kaya nitong ibigay sa kanya. Kahit na hindi pa siya nakakapagbihis ng uniform ay inilabas na niya ang mga gamit na dadalhin patungong Bohol. Nang mailabas na niya ang mga damit niya at nakakalat na sa kama niya ay natigilan siya. Ano bang isusuot ng sex slave ni Benedikt Valenciaga?
Kumunot ang noo niya nang pagmasdan ang mahahabang palda niya at mga printed soft pants. May pagka-conservative din ang mga blouse niya. Hindi naman siya nagsusuot ng mga damit na maiigsi at mapang-akit sa lalaki.
“Bahala na!” usal niya sa sarili at isinalansan ang damit sa maliit na maleta niya na sa palagay niya ay kailangan niya. Hindi na niya kailangan pang mag-effort na akitin si Benedikt.
Nasa gitna siya ng pag-eempake nang katukin siya ng nanay niya. “Anak, handa na ang hapunan. Kumain ka muna bago mag-empake.”
“Sige po. Konti na lang po ito.”
Abala ang nanay niya sa bar ngayon na mas dumami pa ang customer kaysa dati. Matapos ang balita tungkol sa pagkakakulong ng grupo nito at ang paglaban ng mga ito sa pagtatayo ng airport ay dumami ang mga customers nila sa bar. Karamihan sa mga ito ay mga environment enthusiasts at conservationists. Mas dumami ang suportang nakuha ng grupo para sa pagpapetisyon na ipatigil ang pagtatayo ng airport. Di pa man naibababa ang restraining order pero sa palagay nila ay malapit na ring i-grant iyon ng husgado lalo na’t lumilikha na ng ingay ang katiwalian sa likod ng pagkakapasa ng proyektong paliparan.
“Mukhang excited ka sa biyahe mo, ah!” anang nanay niya nang sa wakas ay samahan niya ito at si Ponyang sa hapag.
“Matagal na rin po kasi namin itong naplano ni Talia,” sabi niya at sumubo ng gulay. Mabuti na lang at malayo si Talia kung hindi ay makukurot siya nito sa singit.
“Anong oras pala ang biyahe mo papuntang Cebu?” tanong ng nanay niya.
“’Yun pong alas diyes na biyahe.” May ferry mula sa Isla La Reina patungo sa Cebu City. Ang alam ng mga ito ay sasakay siya ng flight patungong Puerto Princesa mula sa Mactan International Airport. Pero ang totoo ay plano niyang sumakay ng ferry patungong Bohol. Mas madali kasi iyon. Mula sa Tagbilaran City ay kulang isang oras na lang patungong Baclayon.
“Gusto mo bang ihatid kita?” tanong nito.
Nanlaki ang mga mata niya. “Nay, huwag na po. Kaya ko na po iyon.”
“Tiyang, hayaan na ninyo si Ate Maki. Malaki na iyan. Kung lagi ninyong babantayan, baka hindi makapag-asawa iyan,” pakli ni Ponyang. “Hayaan ninyong mag-enjoy siya doon. Matagal-tagal na rin namang di nahihiwalay si Ate Maki sa palda ninyo.”
“Ponyang, kumain ka lang diyan,” saway niya dito. “Saka huwag mong pababayaan si Nanay dito. Huwag puro text ang inaatupag.”
“Okay ka na ba talaga? ‘Yung kay Benedikt…” Natigilan lang ang nanay niya dahil baka marinig ni Ponyang ang usapan.
Tumango na lang siya. “Opo. Kailangan ko din po ang bakasyon na ito.”
Nakakaunawang tumango ang nanay niya. Alam niyang isang malaking kahangalan na parang iniaalay pa niya ang sarili niya kay Benedikt ngayon. Iiwan niya ang pride niya at ang dignidad niya sa Isla La Reina subalit alam niyang sa pagbalik niya ay marami siyang masasayang alaala kasama si Benedikt.
Dahil ito na lang ang huling pagkakataon na makakasama niya ang lalaking mahal niya.