UMAALINGAWNGAW ang tunog ng kampana nang dumaan ang sinasakyang jeep ni Maki sa simbahan ng Baclayon, ang pangalawa sa pinakamatandang simbahang Katoliko sa bansa. Hudyat iyon na alas sais na ng gabi.
Bumuntong-hininga siya nang makita ang kulay kahel na kalangitan na humahalik sa mistulang gintong karagatan. Lumubog na ang araw. Isa-isa nang nagbubukas ng ilaw ang mga bahay-bahay. Banayad lang ang alon sa dagat at di gaanong malakas ang hangin. It was refreshing para sa isang taong halos buong araw nang naglalakbay.
Ginabi na siya ng dating sa Baclayon, Bohol. Magulo ang buhok niya, pawisan, nanlalagkit at ang gusto na lang niya ay makapaghilamos o makaligo at magpahinga. She was dead tired, pero hanggang ngayon ay wala pa rin siya sa bahay na tinutuluyan ni Benedikt.
It was such a long, long journey for her. Dapat ay maaga siyang dadating doon. Tantiya nga niya ay naroon na siya alas dos pa lang ng hapon dahil may bagong ferry line na direktang bumibiyahe mula Isla La Reina patungong Bohol.
Sa kamalas-malasan naman ay ihinatid siya ng nanay niya sa pantalan. Mami-miss daw siya nito at gusto nitong tiyakin na maayos ang biyahe niya. Dalawang linggo nga naman siyang mawawala at big deal na iyon sa nanay niya. Hindi lang siya basta ihinatid. Binantayan siya nito mula sa pagbili ng ticket hanggang sa makasakay siya ng barko. Pikit-mata niyang sinabi sa ticketing officer na bentahan siya ng ticket patungong Cebu City. At di pa nasiyahan ang nanay niya dahil ihinatid siya nito hanggang sa mismong ferry. Hanggang makalayo ang barko sa pantalan ay kaway pa rin ito nang kaway.
Wala naman siyang magawa kundi tuluyang tumuloy ng Cebu City kung saan dapat ay may “flight” siya. Hindi naman kasi siya pwedeng tumalon ng ferry pabalik ng pantalan para lang lumipat sa ferry na papuntang Bohol. Kaya naman alas dos ng hapon siya nakarating sa Bohol. Hinabol pa niya ang ferry na papuntang Tagbilaran City. Fast-craft ang ferry pero dahil sa bilis ng takbo ay hindi siya nakatulog nang mabuti sa biyahe. Nang dumating sa Tagbilaran ay nagtungo pa siya sa mall doon para makasakay papuntang Baclayon.
Nang sa wakas ay ibinaba siya ng jeep sa sentro ng Baclayon ay napangiwi nang halos di tumatagos ang daliri sa buhol ng buhok niya. Parang sinagap na rin niya ang lahat ng alikabok. Ganito ba ang itsura niya kapag humarap siya kay Benedikt?
Pumara siya ng tricycle para magpahatid sa San Roque. Paakyat iyon sa mas mataas na bahagi ng Baclayon pero nagpapakita ng magandang view ng karagatan. Makalipas ang sampung minuto ay bumaba siya ng tricycle. Naririnig na niya ang huni ng mga kuliglig at bukas na rin ang fluorescent lamp sa sinaunang bahay.
Itinayo ang bahay na iyon noong panahon pa ng Kastila at gawa sa matitibay na kahoy. Hindi iyon mala-mansion, subalit pag-aari na iyon ng pamilya ng binata noon pa mang panahon ng Kastila. Hindi pa sagana ang buhay noon ng mga Valenciaga na nagsimula lang umangat sa lolo ni Benedikt. Doon lumaki si Benedikt. At kahit pa maunlad na ang buhay ng pamilya nito at marami nang pag-aaring mansion at condo sa iba’t ibang lugar sa bansa ay hindi pa rin isinusuko ng mga ito ang simpleng bahay na iyon.
Kinatok niya ang bakal na gate. “Tao po! Tao po! Benedikt!” pagbabaka-sakali niya at tinawag ang pangalan nito. Ayon nga sa sekretarya nitong si Patty ay nag-iisa lang ito doon.
Isang babae na sa palagay niya ay nasa singkwenta anyos ang nagbukas ng gate. “Sino po sila? Anong kailangan ninyo kay Sir Benedikt?” tanong nito.
“Manang Lucing!” tuwang-tuwa niyang usal nang makilala ang caretaker ng ancestral house. “Hindi na po ba ninyo ako nakikilala? Ako po si Maki.”
“Maki?” nakakunot ang noo nitong tanong at pinagmasdan siyang mabuti na parang sinisino siya.
“Maria Makiling Rubella po. Dati po akong isinasama ni Benedikt dito. Ipinagluluto pa nga po ninyo ako lagi ng sweet and sour na lapu-lapu,” paalala niya. Hinawi pa niya ang buhok niyang magulo palayo sa mukha niya para mas makilala siya nitong mabuti.
“Maria Makiling? Rubella? Isang babae lang naman ang naisama ni Sir Benedit dito. ‘Yung dating nobya niya na nang-iwan sa kanya sa simbahan.”
Naging alanganin ang ngiti niya. Patay! Iyon talaga ang naaalala sa kanya ng mga tao. The runaway bride. “Ako nga po iyon,” pag-amin niya.
Saka lang umaliwalas ang mukha ng matandang babae. “Ay! Kayo na pala iyan, Ma’am. Ano nang nangyari sa inyo? Parang malaki na ang ipinagbago ninyo.”
Siyempre hindi na siya mukhang prinsesa. Nang mga oras na iyon ay mukha siyang busabos. “Kumusta na po kayo?”
“Heto. Lola na agad at nag-asawa ang dalawa kong anak menor de edad pa lang. Ano palang ginagawa ninyo dito? Di yata nabanggit sa akin ni Senyorito na dadating kayo.”
Pinag-krus niya ang daliri sa likuran. “Uhmmm… Kasi di naman niya alam kung tatanggapin ko ang imbitasyon niya na pumunta ako dito. Gusto ko po siyang sorpresahin.”
“Masosorpresa tiyak iyon. Nag-spear fishing siya sa may harap ng simbahan. Pumasok na kayo sa loob. Mukhang napakalayo ng pinanggalingan ninyo,” sabi nito at napausal siya ng pasasalamat dahil sa wakas ay pinapasok siya nito.
“Galing po ako sa Cebu,” pagso-short cut na lang niya sa kwento. “Kanina pa nga po akong umaga bumibiyahe papunta dito.”
“Dapat talaga sinabi ninyo kay Senyorito na dadating kayo.” Pumalatak ito. “Malamang hindi pa kayo kumakain. Siya kasi ang nagluluto ng makakain niya. Dumaan lang ako para dalhan siya ng mga gulay na ani sa bukid.”
“Anong oras po ba siya uuwi?” tanong niya.
“Baka po mamaya pang alas otso. Mas mabuti siguro kung magluto na ako para sa inyo. Ihahanda ko na rin ang guestroom para makapagpahinga kayo.”
“S-Salamat po.”
“Mukhang nagkabalikan na kayong dalawa ni Senyorito. Akala ko talaga hindi na siya magkaka-interes ulit sa babae. Di naman ako tsismosa. Napansin ko lang na malulungkutin siya mula nang maghiwalay kayo. Mas gusto niyang makapag-isa.”
“H-Hindi pa naman po kami nagkabalikan. Ano… kasi…” Ano bang dapat niyang sabihin? Sinundan niya si Benedikt sa Bohol at sila lang dalawa sa bahay na iyon kung sakali. Alangan namang sabihin niya kay Manang Lucing na two weeks siyang sex slave ng binata.
“Mabuti pa maglinis na kayo ng katawan para magkabalikan na kayo nang tuluyan,” nanunukso nitong wika. “Ipagpapainit ko kayo ng tubig na pampaligo.”