You’re Still My Man (Filipino) Chapter 67

Nagulat na lang siya nang bigla nitong haklitin ang braso niya at hilahin papasok ng bahay. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na kanina ka pa pala hindi kumakain? Gusto mo talagang magkasakit?” sermon nito. Kung makasisi ito, akala mo ay malaking kasalanan nang di niya sinabi dito na di pa siya kumakain. Kanina nga ay pinapalayas siya nito. Wala itong pakialam kung pagod man siya o delikado ang buhay niya sa paglalakad sa madilim na gabi.

Naguluhan siya. “Saan mo ako dadalhin?” tanong niya.

“Sa loob. Pakakainin kita. Baka mamaya mag-collapse ka na lang sa gutom. Lagi mo na lang pinapabayaan ang sarili mo.”

“Akala ko ba wala kang pakialam sa akin?” tanong niya pero wala namang nagawa kundi sumunod dito sa loob dahil nanghihina na siya. “Sabi mo ayaw mo akong makita. Ayaw mong nandito ako. Kung gusto mo ipakuha mo na lang kay Manang Lucing ang gamit ko at aalis na ako. Tatanungin ko na lang siya kung saan ako pwedeng tumuloy.”

“Kumain ka muna. Saka natin pag-usapan kung saan ka tutuloy. Sasaluhan kita after ten minutes,” anito at tinawag si Manang Lucing. Dali-dali namang lumabas mula sa kusina ang matandang babae. “Manay, huwag po ninyong paaalisin si Maki.”

“Sige po, Senyorito,” sabi ni Manang Lucing.

Saka lang siya binitiwan ni Benedikt at nagpunta sa banyo. Nakaawang ang labi ni Maki at sinundan ng nagtatakang tingin ang binata. Ang weird. Sa isang iglap lang ay nagbago na ang ihip ng hangin. Parang siya pa ang pinipilit nito na manatili doon ngayon.

Matapos magsuklay ay nagpunta na rin sa hapag kainan si Maki. Nakahain doon ang nakakatakam na pagkain mula sa sariwang talbos ng kamote na may sawsawang toyo at calamansi. May itlog na maalat at may inihaw na isda rin. “Huli po ni Senyorito iyan,” sabi ni Manang Lucing. “Bagong ihaw lang po iyan.”

Nanuot sa pang-amoy niya ang nakakagutom na amoy ng pagkain lalo na ang inihaw na isda. Kumalam ang sikmura niya. Kailangan na talaga niyang kumain. Hindi na siya magpapanggap na may pride siya ngayon. Matapos ang pagtatalo nila ni Benedikt kanina ay wala na talaga siyang lakas.

Nang saluhan siya ni Benedikt sa hapag ay nakaligo na ito at nakapagpalit na ng soft pants at white T-shirt. “Bakit hindi ka pa kumakain?” tanong ng binata at kinuha ang plato niya bago pa siya nakahuma. Nilagyan nito ng kanin at ulam ang plato saka inilapag sa harapan niya. “Eat! Ubusin mo iyan,” utos nito.

And with hawk-like eyes, Benedikt watched her as she ate. Nailang tuloy siya ngayon. Kung kanina ay parang ayaw na nitong makita pa siya, ngayon naman ay nakasunod ito sa bawat kilos niya. Paano siya susubo at ngunguya kung nakatitig ito sa kanya?

“Manang Lucing, samahan ninyo kami na kumain,” yaya niya sa kawaksi na nagsasalin ng tubig sa baso.

“Naku! Hindi na po, Ma’am. Isisilbi ko lang sa inyo ang kape na ipinalaga ni Sir at uuwi na rin ako sa amin. Naghihintay na kasi ang mga apo ko sa akin.”

“Ako na ang bahala sa kape, Manang Lucing,” sabi ni Benedikt. “Dalhin na po ninyo ang ibang inihaw na isda sa mga bata. Baka po gutom na sila.”

“Maraming salamat po, Senyorito. Basta ipatawag lang po ninyo ako sa kabilang bahay kung may kailangan kayo,” sabi ng matandang babae. “Ma’am, makapagpahinga na rin po sana kayo. Si Sir Benedikt na ang bahalang mag-alaga sa inyo.”

“Salamat po, Manang Lucing,” nakangiti niyang sabi at makalipas ang ilang sandali ay masaya na ring umalis ang matandang babae.

Wala itong kaide-ideya na mas gusto ni Benedikt na kaladkarin na lang siya palabas ng bahay nito. Aalagaan siya ng binata? Ewan niya kung hanggang saan ang hangganan ng pagiging mabait nito sa kanya.

“Akala ko ba gutom ka?” tanong nito. “Sumubo ka nang sumubo.”

“Hindi ka pa kasi kumakain,” puna niya na di man lang nito nalalagyan pa ng pagkain ang plato nito. Wala na itong ginawa kundi titigan siya.

“Huwag mo akong intindihin. Ikaw itong nagpapabaya sa sarili mo. Hindi ka kumakain on time. At nagpunta ka dito para lang ibigay ang sarili mo bilang sex slave ko. Ayokong isipin na itinatapon mo na talaga ang lahat ng pride mo o matagal ka nang nalilipasan ng gutom kaya kung anu-ano na lang ang naiisip mong gawin. Gaya nga ng sinabi ko, hindi mo na ako kilala. Hindi ka dapat nagpapadalos-dalos sa mga kilos mo.”

Saka nito kinuha ang bandehado ng kanin at sinalinan ang plato nito. Tahimik silang kumain. Pasimple lang niya itong sinusulyapan. Sa kabila ng pagtataboy nito sa kanya, gusto niyang maniwala na hindi naman ito gaanong nagbabago. That he still cared for her. At hindi rin ito nagsisinungaling tungkol sa atraksiyon pa rin nila sa isa’t isa.

Ngayong nakakakain na siya ay unti-unti na niyang inaanalisa kung saan siya nakatayo sa sitwasyon na ito. She had a feeling that Benedikt still wanted her. Pero nilalabanan nito ang atraksyong iyon. Nang makita siya nito kanina ay nagulat ito. Parang nawalan dito ang kontrol sa sitwasyon. Hindi siguro nito inaasahang susundan niya ito. Hindi nito napaghandaan iyon.

She was actually at an advantage. May pakialam pa rin si Benedikt sa kanya. Natitiyak niya iyon. Kailangan lang niyang naisip ng paraan kung paanong makakatagal ang pananatili niya sa poder nito sa loob ng dalawang linggo.

Aakitin ba niya ito? Paano naman kung madali lang dito na tanggihan siya? Paano ba niya ito mapapaamin na gusto pa rin siya nito nang di siya nito itinataboy?

“Hindi ako ang pagkain, huwag mo akong tingnan,” untag ni Benedikt sa kanya.

Kumurap siya at nagulat na lang dahil nakatingin pala ito sa kanya. O mas tamang sabihin na nahuli siya nito na nakatitig dito. “A-Anong sabi mo?” tanong niya at tumuwid ng upo.

“Sabi ko huwag mo akong titigan. Hindi ako ang pagkain. ‘Yang pagkain mo ang titigan mo,” sabi nito at saka sumubo ng inihaw na isda.

“Hindi ko alam na marunong ka na palang mag-spear fishing. Dati kasi ni ayaw mo ngang panoorin kapag sinisibat ang mga isda. Natatakot ka rin. Mas gusto mong gumamit ng fishing rod at matiyagang hintayin na kumagat ang mga isda. You have so much patience.”

“That was then. Kung gusto kong mangisda, ayokong hintayin ang oras na kumagat pa siya. I will get what I want, whenever I want. Saka magandang therapy ang spear fishing. Kaysa naman ilabas ko sa tao ang mga frustrations ko, sa pangingisda ko na lang inilalabas.”

Napangiwi siya. Kawawang mga isda. Naisip tuloy niya kung kasama siya sa mga iniisip nitong sibatin nang mag-spear fishing ito matapos niya itong iwan sa altar.

“What?” tanong nito.

“Wala akong sinasabi.”

“Hindi mo na kailangang itanong. Malamang iniisip mo na lumalabag ako sa animal rights. Next thing I know, you are protesting right infront of me.”

Napaubo siya. “No! Iniisip ko lang na masarap ang isda na huli mo. Ilang taon din akong nakatira sa dagat pero hindi ko napagtiyagaang mangisda.” Inilinga niya ang bahay sa paligid. “It is a good thing that you preserve your old house.”

“Our family pledged that we will preserve this house. Gusto naming protektahan ito bilang isang heritage site, katulad ng Baclayon church at ng iba pang ancestral house dito.”

“Nakaka-relax dito. Kaya siguro gusto mo na pumunta dito taon-taon. Tahimik pa rin dito sa Baclayon. Parang wala kang kailangang isipin. Gugustuhin mo lang mag-relax. Wala kang kailangang isipin. Perfect for an escape.”

“Kapag nandito ako, mas gusto kong mapag-isa. Ayokong may ibang tao dito. Ayokong may ibang nanggugulo. I don’t want unwanted guests,” anito at idiniin talaga ang “unwanted guests”. Patama sa kanya.

Pilit na lang siyang ngumiti at saka pilit niyang inubos ang pagkain. Point taken. Ayaw nitong naroon siya. Nanahimik na lang siya at nang makakain na sila ay sinimulan na niyang ligpitin ang mga kinainan nila.

“Hayaan mo na iyan. Ako na ang bahala diyan,” saway nito sa kanya.

“Pero nakakahiya naman.”

“Pumunta ka na sa kuwarto mo,” utos nito.

“B-Bakit?” kinakabahan niyang tanong. “Kukunin ko na ba ang mga gamit ko? P-Paaalisin mo na ba ako?”

Bumuntong-hininga si Benedikt. “No. Stay for the night. Malapit nang mag-alas nuwebe. Mukhang inaantok ka na at baka tulog na rin ang mga tao sa homestay sa bayan. Baka hindi ka na i-accommodate.”

“Really? Okay lang na matulog ako dito?” Tuwang-tuwa niya itong niyakap. “Oh, thank you, Benedikt! Thank you!” Akala talaga niya ay wala itong pakialam kahit na maglakad siya sa madilim na gabi. “You really are a good man.”

“I am not!” tutol agad ni Benedikt at kinalas ang pagkakayakap niya dito. “Papayagan lang kitang matulog ngayong gabi. Ngayong gabi lang. I am not a nice man, Maki. Not anymore. At bukas din ng umaga ay gusto kong wala ka na dito sa bahay ko. Nagkakaintindihan ba tayong dalawa?”

Isang ngiti lang ang isinagot niya. Kung doon siya matutulog sa bahay sa gabing iyon, sa palagay niya ay may pag-asa pa para mas makasama siya ni Benedikt ng magtagal. Mayroon siyang buong gabi para magplano.

“Okay,” sabi lang niya at nagkibit-balikat. “Good night, Benedikt.” At saka naglakad siya papunta sa kuwarto niya.

“Maki!” tawag ng binata sa kanya nang malapit na siya sa sala.

“Yes?” tanong niya at nilingon ito.

“Lock the door. It is for your own safety.”

“Okay,” sabi lang niya at tumuloy na sa guestroom. Hindi na lang niya sinabi na ito ang dapat na magsara ng pinto nito. She was a woman on a mission. Hindi ganoon kadali na mapapaalis siya sa buhay nito. Titiyakin niyang kasama siya nito sa loob ng dalawang linggo.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.