Nagising si Maki sa malakas na tilaukan ng mga manok. Nang tingnan niya ang oras sa relong pambisig ay alas singko na ng umaga. Normal na sa kanya na maagang magising dahil na rin sa trabaho niya. Bumangon siya at nag-inat. Mas masarap na ang pakiramdam niya dahil mahimbing ang tulog niya. Paglapat pa lang ng likod niya sa kama ay nakatulog na rin siya dahil na rin sa sobrang pagod niya nang nagdaang araw.
Pero wala siyang klase ngayon. Bakasyon niya. Nasa bahay siya ni Benedikt. Makakasama niya ito sa loob ng dalawang linggo. Ibinagsak niya ulit ang sarili sa kama at tumitig sa kisame. Ang sabi nito ay palalayasin na siya nito ngayong umaga. Paano kung pilitin siya nito na umalis doon? Papayag ba siya? Aalis na lang ba siya ng Bohol at uuwing luhaan sa Isla La Reina? O isisiksik pa rin niya ang sarili niya dito.
Ang layo na ng inabot ko. Nakarating na nga ako dito sa Bohol. Nakapag-overnight na nga ako dito sa bahay niya. Ngayon pa ba ako magpapatalo matapos kong isakripisyo ang maraming bagay? Ang pride ko, ang dignidad ko pati na rin tiwala ng nanay ko sa akin. Wala siyang kamalay-malay na nagsisinungaling ako sa kanya. Pati bestfriend ko ay ginamit ko para lang mapagtakpan na pupunta ako kay Benedikt. Nandito na ako. Wala nang urungan.
Mas matatag na ang loob niya ngayon nang bumangon. Kailangan ay mas maaga siyang magising kay Benedikt. Kailangan din niyang kumilos. Gaya nga sinabi niya noon, gusto niyang mapagsilbihan ito. Naalala niya na noong nobyo pa siya ni Benedikt ay tinrato siya nito na isang prinsesa. Lahat ng gusto niya, kahit na di pa niya sabihin, ay ibinibigay nito.
It was time for her to return the favor. Bumangon siya at lumabas ng kuwarto para maghilamos at magsepilyo nang mapansin niyang bukas ang ilaw ng sala. Naririnig din niyang may tumutugtog doon na jazz music. Gising na ba si Benedikt? Lagot! Naunahan pa yata siya nito. Hindi pa naman siya nakakapaghilamos man lang kaya dapat lang siguro na huwag muna niya itong harapin. Hindi pa siya prepared.
Matapos maghilamos at magsepilyo at nang matiyak na presentable na siyang humarap kay Benedikt ay naglakad papunta sa sala. “Benedikt,” tawag niya sa pangalan nito nang malapit na siya sa pinto ng sala. “Nandiyan ka ba? Gising ka na ba?”
Wala siyang nakuhang sagot mula dito. Nakakunot ang noo niyang pumasok ng sala at naabutan itong nakahiga sa sofa habang nakapatong ang libro sa dibdib nito. Mukhang nakatulugan na nito ang pagbabasa ng libro pati na rin ang pinapatugtog nitong jazz CD sa music player. Bakit sa sala pa ito nagbabasa? Pwede namang sa kuwarto nito. Ni wala man lang itong kumot. Nalukot ang mukha nito nang tampalin nito ang braso dahil marahil sa kumagat na lamok dito.
“Sermon siya nang sermon sa akin na dapat huwag kong papabayaan ang sarili ko tapos siya itong nagpapapapak sa lamok,” usal niya at nagpunta sa kuwarto niya. Kinuha niya ang kumot at ang citronella bug spray niya para di na ito papakin pa ng lamok.
Matapos itong pusitsitan ng bug spray ay kinumutan niya ito. Nakita niya ang bahagyang pagngiti nito at pagpayapa ng mukha. He looked younger when asleep. Kinuha niya ang libro nito at ipinatong sa center table sa harap ng sofa. Matapos matiyak na mahimbing na ang tulog nito ay nagtungo siya sa kusina para tingnan kung anong pwedeng iluto doon para sa agahan.
May chorizo pa sa refrigerator. May danggit din doon. Dahil may natira pang kaning lamig nang nagdaang gabi ay iyon na lang ang isasangag niya. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at sinimulan na niyang magluto. Hindi niya hilig ang magluto pero para kay Benedikt ay gagawin niya. Hindi naman siya nagpapa-impress dito. Gusto lang niya itong alagaan.
Amoy na amoy ang mabangong chorizo at ang bango ng bawang sa sinangag sa buong kabahayan. Nakakatakam din ang danggit na isda. Bandang alas sais na nang matapos siyang magluto. Nakapaghanda na siya at lahat ng pagkain ay mukhang wala pa ring balak na kumain si Benedikt. Nagkasya na lang tuloy siya na sumubo ng konting sinangag at chorizo at saka inikot ang mata sa bahay. Hindi siya pwedeng maghintay lang na magising si Benedikt. Kailangang may iba pa siyang gawin habang nandoon siya.
Akmang maglilinis siya ng bakuran nang makita niya si Manang Lucing kasama ang dalawang dalagita na nagwawalis. “Magandang umaga po,” bati niya sa mga ito nang lapitan niya.
“Magandang umaga din po, Ma’am. Maaga pala kayong nagising.”
Tumango siya. “Sanay po akong maagang gumising. Teacher po kasi ako at sa umaga naman ang klase ko.”
“Si Senyorito Benedikt naman po ay di hilig mag-agahan. Sa labas po siya nag-aagahan kapag nagdya-jogging siya o kaya naman at medyo tinatanghali na po ng gising. Paano po sa Maynila daw po ay di niya iyon nagagawa,” kwento nito.
“Oh!” aniya at lumingon sa bahay. “Tulog na tulog pa nga po siya ngayon. Naipagluto ko pa mandin po siya ng agahan.”
“Kakainin naman po niya iyon pero maya maya na po sigurong alas otso o alas nuwebe.”
Namaywang siya at napaisip. Ibig palang sabihin ay mamaya pa makakain ni Benedikt ang niluto niya. Ano naman ang gagawin niya habang natutulog ito? “Pwede ko po ba kayong tulungan sa paglilinis nitong bakuran?”
“Hindi na po. Trabaho naman po namin ito. Nakakahiya naman. Mamasyal po muna kayo o kaya ay magbasa-basa po kayo. Maraming libro si Senyorito Benedikt na dala-dala tuwing nagbabakasyon siya. May sarili na pong kuwarto na puro libro lang ang laman.”
Bumuntong-hininga siya. Walang mangyayari kung magbabasa-basa lang siya. Nandoon siya para pagsilbihan si Benedikt. Naisip niyang linisin ang loob ng bahay pero baka mabulabog pa niya ang pagtulog nito at lalong uminit ang ulo sa kanya. “Uhmmm… ano pa po bang ginagawa ninyo para kay Benedikt?”
“Mamaya po hahakutin ko ang mga labahin niya.”
Nagningning ang mga mata niya. “Maglalaba po kayo? Ako na lang po ang bahala doon.”
“Kayo po ang maglalaba? Naku! Hindi po pwede iyon, Ma’am. Baka magalit naman sa akin si Sir Benedikt. Bisita po kayo dito.”
“Wala po iyon. Sanay po akong maglaba. Saka masaya po akong gawin iyon para kay Benedikt. Gusto ko po siyang mapagsilbihan.” Ginagap niya ang kamay ng matandang babae. “Sige na po. Kaya po talaga ako nandito para po maalagaan siya. Hayaan na po ninyo ako.”
Mahabang sandali itong nanahimik. Nagkukuli ang isipan nito kung pagbibigyan siya o hindi. “Sige na nga,” sa huli ay nausal nito. “Maglaba kayo kung gusto ninyo. Kaso marunong po ba kayong maglaba?”
“Opo naman. Sanay na sanay ako diyan.”
“Pero senyorita kayo…”
“Noon iyon. Sanay na po ako sa gawaing bahay ngayon. Kaya ako na po ang bahala sa mga labahin ni Benedikt.”
“Basta lusot po ako kapag nagtanong si Sir Benedikt, ha? Ayoko pong magagalit siya.”
“Sasabihin ko po na ako mismo ang nakialam sa mga labahin niya. Ituro na po ninyo sa akin kung nasaan ang madudumi niyang damit para po masimulan ko na.”
PAKANTA-KANTA si Maki habang sinasabayan niya ang Asin Medley sa cellphone niya at nilalabhan ang T-shirt na suot ni Benedikt nang nakaraang gabi. Nangangalahati na ang nilalabhan niyang damit ng binata na hinakot niya mula sa labahan. Para sa isang taong tatatlong araw pa lang sa Baclayon, masyado nang marami ang damit nitong nakatambak. Parang tatlong beses sa isang araw ito kung magbihis.
Hindi madali ang maglaba doon dahil walang gripo sa labas. Kinailangan niyang magtikwas sa sinaunang poso at punuin ng tubig ang mga batya at timba. Sa banyo at kusina lang may linya ng tubig. Mas mabuti pa nga sa bahay nila sa Isla La Reina ay may gripo hanggang sa labahan sa labas.
Nagsisimula nang mangati ang kamay niya dahil mahigit isang oras na siyang nakababad sa labahin. Sensitive ang kamay niya kaya naman pinakaayaw niyang trabaho sa lahat ay ang paglalaba. Pero para kay Benedikt ay titiisin niya. Gusto niyang pagsilbihan ito. Matapos itong maipagluto at maipaglaba ngayon, she felt like… a wife. His wife.
A smile touched her lips. This was absurd. Kahit noong nobyo niya si Benedikt ay hindi niya na-imagine na maipaglalaba niya ito. Well, you are not his wife now. Not even his girlfriend. Mas mukha kang alipin, anang nanunuyang boses sa isipan niya.
Her lips twisted. Wala na siyang pride-pride ngayon. She would do anything to stay there. Kahit na nahihirapan siya ay masaya naman siya. Kahit pa ipaglaba niya ito araw-araw ay okay lang sa kanya.
Mahimbing pa rin ang tulog ng binata kahit na pasado alas otso na ng gabi. Napaisip tuloy siya kung hanggang anong oras ito gising sa kababasa ng libro. Sabagay kahit naman noon ay lagi itong napupuyat dahil sa trabaho. Sana lang ay magustuhan nito ang iniluto niyang agahan. Iyon lang ang nakayanan niya ngayon. Sa susunod ay mamamalengke siya para maipagluto niya ito ng mga paborito nito. Tamad lang siyang magluto pero marunong naman siya. Isa iyon sa training na nakuha niya mula sa madrastang si Santina. Kailangan daw marunong siyang magluto para maging perfect wife.
“Ano kayang iluluto ko sa kanya para sa tanghalian?” excited na tanong niya sa sarili. Naalala niya noon kung paanong hindi matanggihan ni Benedikt ang mga luto niya.
Umiimbay pa ang ulo niya habang ka-duet si Lolita Cabron nang manuot sa headphone na nakapasak sa tainga niya ang sigaw ni Benedikt mula sa loob ng bahay. “Maki! Makiiiii!”
Natataranta siyang hinaklit ang headphone at saka hinugasan ang kamay. Hangos siyang tumakbo sa loob ng bahay dahil parang alalang-alala si Benedikt sa kanya bale sa pagkakasigaw nito. Palabas na ito ng kusina papunta sa likod-bahay nang magkasalubong sila. “Benedikt, gising ka na pala. Good morning,” nakangiti niyang bati dito habang ipinupunas ang kamay sa palda ng bestida niya.
Bakas ang pagkagulat ang pag-aalala sa mukha nito na napalitan ng relief. Pero sandali lang iyon dahil biglang dumilim ang mukha nito at nagsalubong ang kilay. “Nandito ka pa rin?”
Marahan siyang tumango. “Uhmmm… hinihintay ko kasing gumising ka.” Hinawakan niya ang braso niya at niyakag sa hapag-kainan. Tinanggal niya ang takip ng ulam. “Kumain ka na. Ako ang nagluto niyan.”
“Ipinagluto mo ako?”
Tumango siya. “Oo. Sabi ni Manang Lucing di ka daw nag-aagahan o kaya ay sa labas ka kumakain pero baka gusto mong subukan ang luto ko. Pwede ko ring iinit ang sinangag para sa iyo. Di ko naman kasi alam na tanghali ka na kung gumising.”
Ibinalik nito ang takip sa pagkain. “Wala akong ganang kumain,” sabi nito sa malamig na boses. “Ngayong gising na ako, pwede ka na sigurong umalis.”
“Hindi pa ako pwedeng umalis.”
Nalukot ang mukha nito. “Ano? Wala ka bang pamasahe pabalik ng La Reina? Bibigyan kita ng pera. Magkano ba ang kailangan mo?” tanong nito. “You can even use my boat just to bring you home. You can start collecting your things now.”
“Ano kasi,” nagpalipat-lipat ang paa niya sa pagkakatayo, “hindi ko pa kasi tapos ang nilalabhan ko.”
“Anong nilalabhan mo?”
“Damit mo,” nakangisi niyang sagot.
“What the heck!” anito sa dumadagundong na boses at dali-daling nagpunta sa may poso. Sinundan niya ito. Nakita niya kung paano itong mahindik nang makita ang mga labada niya. Galit na galit siya nitong hinarap. “Ano sa palagay mo ang ginagawa mo?”
“Nagmamagandang-loob lang naman ako. Wala naman kasi akong magawa dito habang hinihintay kang gumising. Nalaman ko na hindi pala pwedeng maglaba ngayon si Manang Lucing dahil dadalawin niya ang kapatid niya sa Loay,” sabi niya at pinagkrus ang daliri sa likuran. Of course, siya ang nagbigay ng day-off sa matandang babae para masolo niya si Benedikt. “Naisip ko na kawawa ka naman kung hindi malalabhan ang mga damit mo. Wala pa mandin yatang laundry shop dito.”