You’re Still My Man (Filipino) Chapter 8

I hope you are okay. I miss you.

Bumuntong-hininga si Maki nang mai-send ang mensahe kay Benedikt. Pang-ilan na bang mensahe niya iyon na hindi nito sinasagot? Abala na ito ngayon sa trabaho. Lumaki ang responsibilidad nito at dumami ang trabaho dahil sa pagkaka-ospital ng ama nito. Hindi niya pwedeng asahan na sasagot ito. Kasalanan niya kung bakit nasa ganitong kondisyon ito. At ngayon pa lang ay marami nang magbabago - ang relasyon nila ni Benedikt, ang relasyon niya sa mga magulang nito at ang buhay niya.

Malungkot niyang tiningnan ang maskuladong babaeng nakaupo di kalayuan sa kanya. Nakabantay. Nagmamasid-masid. Ang bodyguard niya na magsisilbing anino niya at nakasunod sa kanya sa kahit na saan pumunta. Ito ang senyales ng kawalan ng tiwala ng magulang niya sa kanya.

Pagdating niya sa bahay matapos ipahatid ni Benedikt, akala niya ay sesermunan siya nang umaatikabo. Baka nga masampal na naman siya ni Santina. Pero ayon sa kawaksi ay nagkulong agad sa kuwarto ang mga ito at hindi na lumabas. Sa agahan na sila nagkaharap-harap. Walang kibo si Santina at di siya pinapansin kahit nakikita niya na parang gusto na siyang hablutin ng kamay nito base sa pagkakakuyom ng palad nito. Ang ama niyang si Franco na ang kumausap sa kanya.

Hindi na daw siya nito sesermunan. Basta ipinakilala na lang sa kanya nito ang bodyguard na si Monette at huwag na daw niyang tangkain pang lumabag sa utos ng mga ito dahil baka hindi na daw siya nito palabasin pa ng bahay.

At dahil alam niyang siya ang may kasalanan, wala siyang ibang mapagpipilian kundi ang sumunod. hanggang mapatawad na siya ng mga ito at bumalik ang tiwala sa kanya.

"Kumusta?" bati ni Talia sa kanya at umupo sa harap niya.

"Hi!" matamlay niyang bati.

"Alam mo ba na naikwento ko sa banda na sasali ka na sa amin? Naku! Lalatagan ka daw nila lagi ng red carpet,” excited nitong wika. Parang siguradong-sigurado na ito sa puwang niya sa banda.

Umiling siya. "P-Pasensiya na. Hindi na ako pwedeng makasama sa banda ninyo. H-Hindi na rin ako magsusulat ng kanta."

"Siguro dahil last sem mo na. Natural lang iyan. Pero ilang buwan na lang naman at graduate ka na..."

"Hindi na talaga ako pwedeng kumanta o mag-compose,” putol niya sa iba pang sasabihin nito. “Malabo na rin na makanood ako ng mga tugtugan ninyo. Masyado nang magulo ang mga nangyari matapos ang pagkanta ko noong isang araw."

Bakas ang pag-aalala sa mukha nito. "M-May nagawa ba kaming hindi mo nagustuhan? I thought we are good. Nagkausap pa tayo kahapon."

Umiling siya. "Hindi kayo ang problema. Ako ang problema. Nalaman ng magulang ko ang tungkol sa pagkanta ko sa rally."

"Ano?" bulalas nito.

Bumagsak ang balikat niya. "O mas tamang sabihin na nalaman ng kompanyang kliyente sana ng kompanya ni Benedikt. Nang magkakapirmahan na ng deal, ipinakita sa kanila ang video ko na kumakanta sa rally. Sila ang kalabang kompanya ng mga magsasaka, ang Trident Corp.”

“Dahil lang sa pagkanta mo para sa mga kalaban nila kaya nila ibabagsak ang isang magandang deal? Ano bang klaseng kompanya iyon?”

“Makaluma at chauvinist ang may-ari ng Trident Corp. Naniniwala siya na dapat ay doon siya sa kompanyang kaya ng mga lalaki na kontrolin ang mga babae. At sa kaso ko, pakiramdam daw nila ay di ako kayang kontrolin ng ama ko o ng lalaking pakakasalan ko. Dahil doon kaya inatake sa puso ang ama ni Benedikt. At dahil din doon kaya may bodyguard ako ngayon. Guwardiyado na ang lahat ng kilos ko. Kasalanan ko kung bakit nangyari ang lahat ng ito,” aniya at isinubsob ang mukha sa palad. “Galit silang lahat sa akin.”

“Siraulo pala ang Trident Corp na iyon e. Bakit ikaw ang sisisihin ng pamilya mo o ng pamilya ng nobyo mo? Nakita mo na kung gaano kasama ang ugali ng kompanyang iyon? Una, nanggigipit ng magsasaka. Tapos kinantahan mo lang ang mga magsasaka, kung anu-ano nang sinasabi. Hindi naman ninyo kailangan ng ganoong klaseng kompanya, hindi ba?”

Umiling siya. “Pareho tayong walang alam sa mudo ng negosyo, Talia. Masyadong maraming pulitika. Mahalaga sa kompanya nila Benedikt ang deal na iyon. Oras na makuha nila ang project, magbibigay iyon ng daan para makakuha sila ng project sa ibang bansa. Ilang taon nilang pinagsikapang makuha ang project na iyon. May mga tauhan din sila na umaasa sa kanila. Naiintindihan mo ba ako?”

Nagkibit-balikat ang kaibigan niya. “Malay mo bang may ganoon pala silang deal.”

“Kasalanan ko ito. Nagpadalos-dalos ako.”

Bumuntong-hininga ito. “Sorry. Ako ang may kasalanan nito dahil pinilit kitang kumanta. Di ko naman alam na ganyan pala ang mundo ng mga mayayaman. Akala ko mahirap lang ang naaapi. Sorry na talaga.”

“Pasensiya ka na, ha? Mahalaga sa akin ang musika pati na rin ang pagtulong ko sa ibang tao. Pero mahalaga din sa akin ang pamilya ko. Kahapon akala ko tuluyan nang mawawala sa akin ni Benedikt. Akala ko makikipag-break na siya sa akin dahil muntik nang mamatay ang papa niya.”

“Anong sabi niya sa iyo?”

“Hindi daw niya ako pakakawalan dahil mahal niya ako pero hindi rin ako pwedeng basta-basta gumalaw nang wala ang permiso niya. Mas mabigat na ang responsibilidad niya ngayon bilang tagapagmana ng kompanya nila at oras maikasal siya ay sa kanya din ipapamahala ni Papa ang business namin. Wala akong maitutulong sa kanila kundi gawin ang dapat bilang isang Rubella at bilang babaeng nakatakda niyang pakasalan.”

Hinawakan nito ang balikat niya. “Nandito pa rin ako para sa iyo. Bilang kaibigan mo. Pwede mo pa rin akong takbuhan kung kinakailangan.”

“H-Hindi ka mawawala sa akin?”

Her friend gave her a comforting smile. “Hinding-hindi.”

KUMATOK muna si Maki sa pinto ng hospital suite ni Malvar bago iyon binuksan. May dala siyang basket ng prutas at ang bagong release na libro ng paborito nitong economist. Ayon kay Benedikt ay gising na ito subalit hindi pa rin mailalabas ng ospital dahil kailangan pa itong obserbahan. Makulit daw kasi ito dahil gusto nang bumalik sa trabaho.

Marahan siyang pumasok pero nakakatatlong hakbang pa lang siya nang harangin siya ni Teresina. "Anong ginagawa mo dito?" nakataas ang kilay nitong tanong. “Wala si Benedikt dito ngayon. Makakaalis ka na.”

Isa sa dahilan kung bakit ayaw niyang dumalaw sa ospital ay baka makaharap niya ito. Mabait naman sa kanya si Teresina pero alam niyang kakaiba din itong magalit lalo na’t kaya nitong makipagsabayan ng katarayan kay Santina. Alam niyang malupit ito sa mga kakalaban dito at sa pamilya nito at nang mga oras iyon, she was not in her good side.

"Dadalawin ko po si Tito,” malumanay niyang sabi at nanginginig ang labi na ngumiti.

"Gusto mo bang atakihin na naman siya? Gusto mo ba talagang mabiyuda na ako?" tanong nito sa mataas na boses.

“H-Hindi ko naman po kailangang makita si Tito. I-Ibibigay ko lang po itong basket ng prutas a-at saka po bagong release na libro ng paborito niyang economist. Naikwento po niya sa akin ang tungkol dito. Aalis din po agad ako. Iiwan ko na lang po ang dala ko.”

Lumapit sa kanila ang private nurse ni Malvar. “Ma’am, pinatatanong po ni Sir kung si Miss Maki po ang narinig niya.”

Naging matigas ang anyo ni Teresina. “Sabihin mo hindi siya.” At sa isang tango ay bumalik na ang nurse sa loob ng silid, sa tabi marahil ni Malvar.

Di nagtagal ay narinig na nila ang boses ni Malvar. “Teresina! Teresina!”

Pinanlakihan siya ng mata ni Teresina.”Huwag kang aalis diyan.”

Maya maya ay bagsak ang balikat nitong bumalik. “Pumasok ka na. Sisigaw at sisigaw daw siya hangga’t hindi ka nakakausap. Alam daw niyang nandito ka.”

“T-Thank you po, Tita.”

Bigla nitong pinigilan ang braso niya. “This is your last chance. Don’t do anything stupid anymore. Hindi mo magugustuhan ang pwede kong gawin sa iyo kahit mahal ka pa ng anak ko.”

“Y-Yes, Tita,” bulong niya at marahang sumunod dito.

Kinuha ng nurse sa kanya ang basket ng prutas at naiwan lang sa kanya ang libro. Di agad siya makalapit kay Malvar at nakatayo sa dulo ng kama. Hindi kasi niay alam kung anong dapat sabihin dito ngayon. Paano kung galit din ito sa kanya tulad ni Teresina?

Ngumiti ito at inangat ang kamay. “Lumapit ka sa akin, hija.”

Maluha-luha siyang lumapit dito. Umupo siya sa bangko sa tabi ng kama at hinawakan ang kamay nito.”T-Tito, I am so sorry. H-Hindi ko naman po alam na may transaction kayo sa kompanyang kalaban ng mga magsasaka. Gusto ko lang – gusto ko lang pong kumanta.”

“Killjoy lang talaga ang kompanyang iyon kaya ako inatake. Hindi mo kasalanan iyon.”

“Pero Tito…” Umiling siya. Lalo lang siyang na-guilty dahil mabait pa rin ito sa kanya kahit na siya ang may kasalanan kung bakit di natuloy ang importanteng deal ng Valenciaga Builders at ng Trident Corp. She didn’t deserve his kindness. “Hindi ko pa rin po maiwasang sisihin ang sarili ko. Gusto ko pong makabawi.”

“Gusto mo ba talagang makabawi?” tanong nito.

“Opo. Sabihin lang po ninyo ang kailangan kong gawin.”

“Magpakasal kayo ni Benedikt sa lalong madaling panahon. Gusto kong makita na ang mga apo ko sa inyo bago pa ako mawala sa mundo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.