Plakda at patang-pata ang buong katawan ni Maki habang nakahiga sa kama at nakatulala sa kisama ng kuwarto niya sa bahay ni Benedikt. Pakiramdam niya ay nakipag-mixed martial arts siya sa iba’t ibang martial artists sa loob ng anim na oras at paulit-ulit siyang nagulpi. Sampung mandirigma yata ang katumbas ng mga nilabhan niya mula sa damit ni Benedikt hanggang sa punda ng kumot, kubre-kama, basahan at kurtina. Hindi niya alam kung paano pa siya nabuhay matapos niyon.
Nararamdaman niyang pumipintig ang bawat himaymay ng muscles niya sa buong katawan sa sobrang pagod. Alas kuwatro na yata siya ng natapos sa paglalaba. Hindi na nga niya nagawang kumain dahil ayaw niyang umangal pa si Benedikt sa kanya. Nagawa na lang niyang makapagpahinga ngayon dahil umalis ang binata at mangingisda daw.
Buhay pa ba ako? Pakiramdam ko humiwalay na ang kaluluwa ko sa katawang lupa ko. Ang lupit talaga ni Benedikt. Samantalang dati ni hindi niya ako hahayaang mag-angat kahit isang daliri ko. Ganoon niya ako kamahal.
Iba noon. Determinado na nitong patunayan na di siya nito mahal at wala itong nararamdaman na kahit kaunting atraksiyon sa kanya. At natitiyak niya na gagawin nito ang lahat para lang mapasuko siya nito. Para umuwi na siya sa kanila at tuluyan na itong iwan.
Sanay siya sa gawaing-bahay pero hindi naman siya buwis-buhay pagdating sa trabaho. Pagdating sa labahin ay mas expertise iyon ni Ponyang. O kaya naman ay kumukuha sila ng tutulong ditong labandera kapag maraming labahin dahil gusto rin naman niyang magkatrabaho kahit paano ang ibang maybahay sa kanila.
Hindi pa siya nakaranas nang ganito katinding pagod. Hindi siya halos makagalaw dahil pakiramdam niya ay maiiyak siya sa pagod. Sa huli ay bumagsak na lang siya sa antok at mahimbing na nakatulog.
Naalimpungatan si Maki sa ring ng cellphone niya. Ayaw sana niyang pansinin iyon dahil mas gusto na lang niyang matulog pero mukhang walang balak tumigil ang caller dahil patuloy pa rin iyon sa pagri-ring.
Inangat niya ang mabigat na braso at kinapa ang cellphone na iniwan niyang nakapatong sa bedside table. Nakabukas lang ang isang kamay niya ppara pindutin ang answer button at pumikit ulit nang sagutin iyon. "Hello," aniya sa pagod na boses.
"Maki! Maki, Diyos ko! Nasaan ka na?"
Kumunot ang noo niya nang marinig ang boses ng matalik na kaibigang si Talia. "O! Bakit ka napatawag?"
"Nasaan ka? Nandito ako sa La Reina ngayon."
"Ano?" bulalas niya at napabalikwas ng bangon kahit nagpoprotesta ang mga kalamnan niya. "Anong ginagawa mo sa La Reina ngayon? Hindi ba nasa Singapore ka?"
"May limang araw na bakasyon ang banda ko. Naisip ko na dalawin ka kahit tatlong araw man lang. Laking gulat ko na lang nang malaman kong nasa Puerto Princesa ka daw para dalawin ako. Na dalawang linggo ka doon. Hindi mo ba alam na nasa Singapore ako?”
“Errr… ano kasi…”
“Base sa reaksyon mo kanina, ang alam mo ay nasa Singapore pa ako. At nang tumawag ako sa amin, sabi ni Papa hindi mo pa siya kino-contact. Ni hindi nga daw niya nakita kahit ang anino mo. Maki, what is going on? Nasaan ka?" anito sa nagpa-panic na boses.
"Alam na ba ni Nanay ang tungkol dito?" mahina niyang tanong.
"No. Ayoko munang mag-panic siya gaya ng pagpa-panic ko ngayon. Naisip ko na tawagan ka muna. Kung di ka sasagot, saka ko na siya kakausapin at ire-report sa authority ang nangyari. Sa ngayon ay iniisip lang nilang plano nating sorpresahin ang isa't isa. Nagkasalisi nga lang tayo."
"Uhmmm... pwede ka bang pumunta sa isang lugar na walang tao at walang makakarinig sa iyo?" malumanay niyang tanong.
"Okay. Nasa may tabing-dagat ako. Nasa bar na ang karamihan ng mga tao. Walang tao dito. Nasaan ka ba? Nasa Palawan ka pa rin ba? May ka-date kang ibang lalaki? Nakipagtanan ka ba? Hindi ako magagalit kung ginamit mo man ako na panakip. Promise."
Huminga siya ng malalim. "Nasa Bohol ako."
"Anong ginagawa mo sa Bohol?"
"Nasa Baclayon ako, sa ancestral house nila Benedikt."
"Kasama mo si Benedikt?"
"Yesss," she answered in a hiss.
"Maki, anong nangyari? Nagkabalikan ba kayo? No. Hindi mo itatago sa akin ang ganoon kaimportanteng bagay. Sabi mo sa akin kalilimutan mo na siya. Gulping-gulpi nga ang puso mo sa kanya nitong nakakaraang buwan. Wala ka bang dala? Alam mo na magkaiba na ang mundo ninyo ngayon. Hindi ba't girlfriend niya ang anak ng gobernador?"
"Dating. They are just dating. Hindi ako magtatagal dito kung girlfriend niya iyon."
"Ganoon na rin iyon. What are you doing to yourself? Okay. Anong klaseng relasyon ba meron kayong dalawa?” mas malumanay nitong tanong. “Mahal ka ba niya? Handa ka na bang mabuhay sa mundo niya? Naalala mo na iyan ang mundong tinatakasan mo noon. Kaya mo na bang bumalik sa mundong iyan.”
Sinapo niya ang noo. “Mahirap ipaliwanag ang set-up namin.”
“Paanong mahirap ipaliwanag? Ano bang meron kayo?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Hindi naman niya pwedeng sabihin na alipin siya ngayon ni Benedikt o inalok din siya nito na maging sex slave kapalit ng tulong nito na pakawalan ang nanay niya. Napaka-komplikado naman kasi ng sitwasyon nila ni Benedikt. At oraos na sabihin niya sa kaibigan ang sitwasyon niya at kung paano siya alipinin ni Benedikt dahil gusto niyang patunayan na may nararamdaman pa rin ito sa kanya, tiyak na magpa-panic ang kaibigan niya. Isusumbong siya ni Talia sa nanay niya at tiyak na susunduin siya ng ina sa Bohol. Walang kahit anong paliwanag ang pwedeng magpakalma sa nanay niya.
“Closure, I think,” napilitan niyang sagot dahil di naman papayag si Talia na hindi niya sagutin ang tanong nito.
“Nagkaroon na kayo ng closure dati,” sabi niya sa mataas na tono.
Kahit naman sa sarili niya ay iyon din ang sinasabi niya. Paulit-ulit niyang sinasabi na closure, closure, closure, pero sa huli ay tadhana pa rin ang gumagawa ng paraan para magkasama silang dalawa.
“That is different. Sa palagay namin pareho na meron… meron pa kaming nararamdaman sa isa’t isa. Naisip ko na kung makakasama ko siya sa loob ng dalawang linggo nang kaming dalawa lang, baka mas ma-realize namin kung anong mayroon sa aming dalawa nang walang matang nakamasid sa amin at walang nakikialam.”
“Paano kung hindi nag-work out?” tanong ng kaibigan niya. “Paano kung hindi ka na talaga niya gusto?”
“Then I will set him free. Talia, minsan lang ako nagmahal. Si Benedikt lang iyon. Kahit na anong gawin ko, siya pa rin talaga ang mahal ko.Wala naman kaming ganitong pagkakataon para i-explore ang totoong nararamdaman namin. Dalawang linggo lang. Kung ayaw na ni Benedikt sa akin, wala akong magagawa doon. Gusto ko lang maranasan na makasama siya kahit na sa huling pagkakataon. Naiintindihan mo ba ako?”
Mahabang sandaling hindi nagsalita ang kaibigan niya. Mukhang pinag-iisipan nito kung isusuheto ang kabaliwan niya o hahayaan na lang siya. “Ayoko lang masaktan ka,” sabi nito matapos ang mahabang katahimikan.
“Talia, matanda na ako. Alam ko na kung anong gusto ko. Alam ko kung ano ang limitasyon ko. Kaya kong tanggapin kung anong mangyayari makalipas ang dalawang linggo.” Huminga siya ng malalim. “Sa loob ng maraming taon na nagkahiwalay kami, alam kong nahanap ko na ang sarili ko pero parang di ako masaya. Ginagawa ko kung anong gusto ko bilang bahagi ng pagkatao ko pero may kulang. Nang makita ko ulit si Benedikt, noon ko lang naramdaman na buhay ulit ako. Kahit na nasasaktan ako, buhay na buhay naman ang pakiramdam ko. Alam mo ba kung gaano ako kasaya ngayon na kasama ko si Benedikt. I only have to two weeks to live my life. Babalik na kami sa kanya-kanyang buhay matapos ang dalawang linggo. Maaring magpakasal na siya sa ibang babae. Magiging alaala na lang ito. But I will treasure the memories for the rest of my life. Wala akong pagsisisihan. Sana suportahan mo lang ako sa pagkakataong ito.”
Bukod sa pang-iiwan niya kay Benedikt noon at paglayo niya sa buhay na nakagisnan niya, ang dalawang linggo kasama ang dating nobyo ang pinakamalaking desisyong ginawa niya sa buhay niya at handa siyang pangatawanan ito.
“Hindi ako sang-ayon sa mga ginagawa mo. I think there is something wrong. Pero matanda ka na gaya ng sabi mo. Wala naman talaga akong magagawa kundi hayaan ka sa mga desisyon mo. Ikaw lang naman kasi ang pwedeng makapagdesisyon kung ano ang magpapasaya sa iyo. Sana lang… sana lang kung isinusugal mo na ang puso mo kay Benedikt, maging masaya ka na talaga. You deserve that and more.”
Kahit paano ay nakangiti na siya. “Salamat. Mahalaga sa akin ang suporta mo. Pwede bang huwag mong sabihin ito kay Nanay?”
Umungol ito. “Oo na. Sasabihin ko na nasa Palawan ka. Errr… dahil nalaman mong wala ako doon kaya namasyal kang mag-isa.”
“O pumunta isa isang isla na walang tao at doon nagmuni-muni.”
“Naku! Magsisinungaling pa ako para sa iyo pero para sa kaligayahan mo gagawin ko iyan.”
“Sorry, bes. Pero salamat pa rin sa tulong. I love you.”
“Tse! Basta tatawagan kita pagbalik ko sa Singapore. Aalamin ko kung anong nangyari sa iyo matapos ang dalawang linggo. At nandito lang ako kung kailangan mo ng maiiyakan. Willing akong makinig at damayan ka.”
“Ano palang gagawin mo? Wala naman ako diyan sa La Reina.”
“Na-realize ko na guwapo pala ang co-teacher mo na si Teacher Robert. Ipinakilala kasi ako kanina. Mukhang may tama sa iyo. Pwedeng pa-arbor na lang?”
“Sira ka talaga. Bahala ka diyan. Marami kang karibal diyan.”
Natatawa siyang nagpaalam sa kaibigan nang marinig niya ang dumadagundong na tawag ni Benedikt sa kanya. “Maki! Maki, nasaan ka na?”
“S-Sandali lang.” Napangiwi siya nang bumaba siya ng kama. Nagpoprotesta ang lahat ng kalamnan niya. Dahan-dahan siyang naglakad palabas ng kuwarto sa takot na basta na lang siyang matumba. Dapat talaga ay sinabi niyang ten minutes o kaya ay ten years. Sa bagal ng kilos niya ay ilang taon pa yata ang aabutin bago siya makalabas sa kuwarto.
Pagbukas ni Maki pinto ay nakatayo na doon si Benedikt at mukhang kakatukin siya. “Bakit ang tagal mong lumabas?” pagalit na tanong nito.
“K-Kagigising ko lang kasi. May kailangan ka ba?”
Umalis ito para may dalawing ibang kaibigan sa kalapit na isla ng Panglao at ang sabi nito ay mangingisda ito dala ang speedboat nito.
“Alam mo ba kung anong oras na?”
Luminga siya sa paligid at saka lang niya napansin na madilim na sa labas. “Gabi na?” alanganin niyang tanong dahil di niya alam kung anong oras na.
“Alas otso na ng gabi. Hindi ka pa nakakapagluto man lang kahit sinaing. Ito ba ang aabutan ko dito sa bahay?”
Natigagal siya. Una, hindi niya alam na alas otso na ng gabi. Ganoon katagal pala siyang nakatulog. At lalong di niya inaasahan na doon pa ito kakain ng hapunan. Parang wala kasi itong plano na samahan siyang kumain. “S-Sorry. Hindi ko naman alam na dito ka pala kakain. Sabi mo kasi hindi mo alam kung anong oras ka uuwi.”
“Dito ako laging kumakain sa bahay kahit na anong oras pa ako umuwi.” Bumuntong-hininga ito. “Anong kakainin ko ngayon?”
“M-Magluluto ako agad,” aniya at mabilis na naglakad. Di na niya pinansin ang protesta ng kalamnan niya. Baka mamaya ay sabihin ni Benedikt na umaangal siya. Ayaw niyang mahanapan siya nito ng butas kapag sinabi niyang pagod pa siya o may masakit sa kanya.
“Maghihintay ako. I will give you an hour. May beef sa ref. Gusto ko ng bistek Tagalog na maraming sibuyas,” sabi nito at narinig niyang pumasok sa kuwarto nito.
Umungol siya nang kuhanin niya ang malinis na kaldero sa cupboard para magsaing. Kahit ang simpleng pagkilos lang ay napakahirap na para sa kanya. Ginusto ko ito kaya pangangatawanan ko ito. Iinom na lang ako ng pain reliever.