You’re Still My Man (Filipino) Chapter 71

Matapos maisalang ang sinaing sa gas stove ay inilabas naman niya ang karne ng baka sa refrigerator. Dahil nagyeyelo pa ay ibinabad niya iyon sa tubig at hinarap ang paghihiwa ng sibuyas. Nang hawak na niya ang kutsilyo at akmang hihiwain ang sibuyas ay saka lang niya napansin kung gaano katindi ang panginginig ng kamay niya. Nang hiwain niya ang sibuyas ay dumulas ang kutsilyo at nabitiwan niya. Lumikha iyon ng ingay nang bumagsak sa sahig. Napasigaw siya dahil muntik na iyong bumagsak sa paa niya. Sobrang lakas ng tibok ng puso niya. Sa halip na damputin iyon ay napatitig na lang siya sa kamay na nanginginig pa rin. Parang manhid na manhid iyon. Paano siya makakapagluto nito kung simpleng sibuyas lang ay hindi pa niya mahiwa nang maayos?

“Anong nangyari?” tanong ni Benedikt at hangos na pumasok ng kusina.

“W-Wala. ‘Yung kutsilyo lang kasi…”

Akmang yuyuko siya para damputin ang kutsilyo nang maunahan siya ng binata. “Don’t move!” utos nito at hinawakan ang kamay niya.

Sa halip na damputin ang kutsilyo ay tinitigan lang nito ang kamay niya. “Anong nangyari sa kamay mo?”

“Huh?” tanong niya at napatingin din sa kamay niya. Nakita niya na butas-butas iyon at may sugat-sugat. “Ano… wala lang iyan.”

Pilit niyang binawi ang kamay dito para di na nito makita pa ang mga sugat niya, pero hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kamay niya. Wala itong balak na pakawalan siya. “Anong nangyari sa kamay mo?” mas mariin nitong tanong.

Ngumiwi siya. “Natural lang iyan sa naglalaba.”

“Ganyan ba talaga ang nangyayari sa naglalaba?”

“Benedikt, ang dami ng pinalabhan mo sa akin. Saka may allergy ako sa sabong panlaba.”

“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” pagalit nitong tanong. “Mukhang hindi ka nga pinaglalaba sa inyo.”

Nagtaka siya. Ito pa ang galit sa kanya ngayon. O nakokonsensiya ba ito sa nangyari sa kanya? “Ako ang nagprisintang maglaba. Ako ang namilit sa iyo na maging alipin mo. Huwag mong intindihin ang sugat sa kamay ko. Hindi ko naman ikakamatay iyan.”

“Shut up!” angil nito. “This is ugly. Kaya siguro nalaglag ang kutsilyo dahil masakit ang kamay mo. Nabitawan mo, di ba? Paano kung nadisgrasya ka?”

Yumuko na lang siya. Hindi kasi niya maintindihan ang trip ni Benedikt. Lagi itong may iuutos sa kanya. Kapag naman sinunod niya at di maganda ang konsekwensiya ay siya ang sisisihin nito. Of course, he was battling his own emotions. Gusto niya akong itulak palayo pero nag-aalala din siya sa akin.

Hindi tuloy niya alam kung dapat niyang ikatuwa iyon o ikaasar pero pilit na lang niyang inuuwa. Kaya nga siya nananatili doon dahil sa conflicting emotions nito.

“Umupo ka lang diyan,” utos nito at pilit siyang pinaupo sa antique na upuan. “Huwag kang gagalaw diyan. Wala kang gagalawing kahit ano dito sa kusina.”

Dinampot nito ang kutsilyo at inilagay sa lababo saka naglakad palayo. May kasama pang banta sa mga mata nito nang iwan siya.

Umupo na lang si Maki at hindi na gumalaw. Bukod sa utos ni Benedikt, tingin niya ay hindi rin niya kakayanin na gumalaw pa. Kanina lang niya tinitiis na kumilos. Nakatitig lang siya sa apoy ng sinasaing niya. Saan ba pupunta si Benedikt? Baka naman ipapahanda na nito ang speedboat nito o kaya ay ineempake na ang gamit niya. May magagawa ba siya kapag ipinagtabuyan na siya nito? Paano nga naman niya ito mapagsisilbihan bilang alipin nito kung injured ang kamay niya? Wala na siyang silbi dito. Wala nang rason para manatili siya doon.

Nang bumalik ito ay may dala itong first aid kit. Inilabas nito ang panglinis ng sugat at bulak. Umupo ito sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya. Magaan nitong dinampian ng antiseptic ang kamay niya. Matapos iyon ay nilagyan nito ng aloe vera gel para mas mabilis na magsara ang sugat.

“Bakit ba ang tigas-tigas ng ulo mo? Gusto mo talagang pahirapan ang sarili mo, no? Sana sinabi mo na may masakit sa iyo,” sermon ng binata.

“Tapos pauuwiin mo ako? Hindi na lang,” usal ni Maki at pinagmasdan ito habang ginagamot ang sugat niya.

“Hindi ko gustong mahirapan ka ng ganito.”

Napangiwi nang maramdaman niya ang hapdi ng sugat niya. “Ginusto ko ito.” Pinakiramdaman niya kung galit pa ito sa kanya. Pero nang pagmasdan niya ang mukha ng binata ay maamo ang mga mata nito. Animo’y ingat na ingat din ito sa paghawak sa kanya. Parang gustong magwala ng puso niya. “K-Kaya ko namang gamutin ang sugat ko.”

Tumalim ulit ang mata nito at pinigilan ang kamay niya. Idiniin nito sa binti nito para di siya makagalaw. “Sabi ko huwag kang malikot,” angil nito. Nang natigilan siya ay saka lang nito ipinagpatuloy ang panggagamot sa kanya. “Napagod ka ba kanina?”

“A-Ayos lang ako,” giit niya. “Benedikt, kaya ko ang sugat na iyan.”

“Paanong kaya mo samantalang di mo nga nagamot ang sugat mo o nalinis man lang? Baka nga hindi mo alam na may sugat ka.”

Hindi nga niya napansin dahil iniintindi niya ang matinding pagod kanina. Manhid na nga siya kaya wala siyang naramdaman na sakit. Pero habang ginagamot siya ni Benedikt ay nakadama siya ng sensasyon. Ang magaang hagod ng bulak sa balat niya kahit ang mariing pagkakahawak nito sa kamay niya ay tumatagos sa kamanhiran niya.

Maamo din ang anyo ni Benedikt. Not the guarded businessman that he presented in public nor her bitter jilted groom. Parang kasama tuloy niya ang Benedikt na nakilala niya dati. Ang lalaking handa siyang alagaan at protektahan. Ang Benedikt na nagmahal sa kanya.

“What have you done to yourself, Maki?” he asked with anguish in his voice. Nang iangat nito ang mga mata ay nakita niya ang matinding lungkot at paghihirap doon.

Hindi agad siya nakasagot dahil di niya alam kung anong tinutukoy nito. But there was raw emotion in his eyes. Na parang nasasaktan ito para sa kanya. Nasasaktan para sa kanila.

Napapitlag sila pareho nang biglang sumubo ang sinaing. Akmang tatayo siya para iangat ang takip ng kaldero pero pinigilan siya nito. “Stay put! Sabi ko sa iyo huwag kang gagalaw. Ako na ang bahala diyan.”

Lumapit ito sa kalan at ito na ang nag-angat ng kaldero. “Salamat sa paglilinis ng sugat ko. Uhmmm… kailangan ko na ring iluto ang beef steak.”

“Ako na ang bahala diyan,” sa halip ay sabi nito.

“Ha? Ikaw ang magluluto?” tanong niya. “Marunong ka?”

“Of course. Kung bistek Tagalog lang naman, kaya ko nang iluto iyan. Doon ka muna sa sala,” utos nito.

“Pero…”

Nang di siya sumunod ay nilapitan siya nito. Hinawakan nito ang braso niya at pilit na pinatayo. “Sabi ko sa sala ka muna.”

Napatili siya nang bigla siyang buhatin nito. Nanlaki ang mata niya dahil parang balewala lang dito ang buhatin siya. Napayakap siya sa leeg nito sa takot na baka maibagsak siya nito. “Benedikt, kaya ko namang maglakad.”

“Akala mo ba hindi ko rin napansin na hirap kang maglakad? Hindi mo pa ba sasabihin sa akin kung ano pa ang ibang masakit sa iyo?”

“Hindi mo naman kailangan ng aliping maangal, di ba? Wala akong karapatan na mag-complain. Benedikt, kaya ko naman ang mga trabaho dito,” protesta niya. “Kaya kong magluto, kaya kong maglakad…”

“Kaya mo bang magpahinga muna? Kaya mo bang huwag munang kumontra sa mga utos ko?” tanong nito at tinitigan siya sa mga mata.

Di na lang siya umimik dahil wala siyang panalo kapag nakipagtalo siya dito. Her body was already enjoying the feel of his strong body against hers. Kahit pa umaangal ang pride niya ay naihilig niya ang pisngi sa matipunong dibdib nito. She let out a sigh. Now that was bliss. Pumikit siya at sinamyo ang bango nito. He smelt of man and sea. Very earthy. Very alpha. Ito ang lalaki na inaasahang masusunod ang anumang gustuhin nito. Dominante. Pero kapag kinakailangan ay poprotektahan nito ang babaeng nasa bisig nito. At iyon ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Pinoprotektahan siya nito. From him? Maybe from his self.

Dahan-dahan siya nitong inilapag sa sofa. Itinaas din nito ang binti niya sa center table. Nang di pa ito nasiyahan ay kinuha nito ang throw pillow at ikinatang sa ilalim ng binti niya. “I hope you are more comfortable now. Gusto mo bang manood ng TV o makinig ng music?”

“Okay lang ako dito,” sabi niya.

“As your master, I command that you choose one.”

Huminga siya ng malalim. Command na talaga ang gamit nitong term. Ipinaalala na naman nito na isa siyang alipin at ito ang kanyang panginoon. “Music na lang. Classical.”

“Of course,” anito at nagsalang ng classical CD sa music player sa sala. Maya maya pa ay pumailanlang na ang Four Seasons ni Vivaldi. Awtomatikong sumandal siya sa sofa at ninamnam ang musika na nagmumula sa malamyos na violin. “Relax. Ako na ang bahala sa kusina.” At saka iniwan siya nito.

Isang ngiti lang naglaro sa labi ni Benedikt. Kahit pa domineering si Benedikt at kahit na malaki ang posibilidad na may bentahe ito para paalisin siya sa bahay nito ay na-touch pa rin siya sa pag-aalaga nito sa kanya. At sa tulong ng violin music ni Vivaldi ay unti-unti siyang hinatak ng antok habang nakikinig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.