"Sa maniwala ka at sa hindi, masaya ako sa ginagawa ko. Masaya ako na gawin ang kahit anong gusto mo," aniya sa magaang boses.
"Masaya kang nahihirapan? Masokista ka ba?"
"Siguro,” sagot niya at nagkibit-balikat. Dahil sa kabila ng paghihirap ni Benedikt sa kanya ay nakikita pa rin niya kung gaano kalambot ang puso nito. Inaalagaan pa rin siya nito kahit na magsusungit ito. She won't experience this if she kept on staying at the safe side.
Tumayo ito. His expression was menacing. Sa mga rebelasyon niya na desidido siyang manatili sa tabi nito ay nalaman siguro nito na balewala sa kanya kahit ipako pa siya nito sa krus. Masaya siya na pagsilbihan ito.
"Binibigyan kita ng pagkakataon na lumayo. I am being nice to you now but I might not be so generous tomorrow. I am not a nice man anymore, Maki. I am a very ruthless man. Kaya mabuti pang huwag nang matigas ang ulo. Just go home." Kinuha nito ang tray ng pinagkainan niya. "Magpahinga ka na at pag-isipan mo ang sinabi ko."
"Goodnight, Benedikt. Salamat sa massage. Sweet dreams," malambing niyang wika habang naglalakad ito palayo.
He snickered. Isang halakhak ang pinakawalan niya at naglakad patungo sa kuwarto niya. Nakangiti niyang ibinagsak ang sarili sa kama.
Bring out your worst, Benedikt. Hindi ako natatakot sa iyo. I am ready with whatever you want to dish out my way.
Lalong nagiging interesante ang mga bagay-bagay.
NAKANGITING gumising si Maki kinaumagahan. Hindi na mabigat ang pakiramdam niya dahil nakapagpahinga na siya. Umepekto na rin ang gamot na ipinainom ni Benedikt sa kanya. Magandang development ang pag-aalaga nito sa kanya. Siguro naman ay makikita rin ng binata na walang mangyayari sa pagtataboy nito sa kanya. Hanggang kailan ba bago ito tuluyang sumuko at harapin ang nararamdaman nito – na gusto pa rin siya nito. Na kahit gaano pa nito labanan ay hindi nito makokontrol ang puso nito. Nararamdaman niya iyon sa bawat haplos nito, sa pag-aalala nito sa kanya at kung paano siya nito alagaan.
Tiningnan niya ang kamay niyang sugatan nang nagdaang gabi. Mukhang nagsara na ang sugat. Handa na ulit siya sa kung anumang hamon ang ibibigay ni Benedikt sa kanya.
Matapos maghilamos at magsepilyo ay tumuloy agad siya sa kusina para simulan na ang pagluluto ng agahan. Subalit si Manang Lucing ang naabutan niya doon. “Magandang umaga po,” bati niya.
“Magandang umaga po, Ma’am. Nagluto po ako ng sinangag at pritong itlog. Gusto po ba ninyo ng hotdog o corned beef? Meron ding danggit at beef tapa dito.”
“A-Ako na po ang magluluto,” prisinta niya.
“Naku! Bilin po ni Sir Benedikt huwag na kayong magtatrabaho dito sa bahay. Baka ako naman po ang mapagalitan niya.”
Kumunot ang noo niya. “Nasaan po ba siya ngayon?”
“U-Umalis po kanina pa. May ka-meeting daw po siya sa Sagbayan. May kaibigan daw po kasi siyang nagpapatayo ng resort sa may view ng Chocolate Hills.”
Bumagsak ang balikat niya. Mukhang iniiwasan siya ng binata. “Anong oras daw po siya babalik?”
“Wala pong sinabi si Sir. Basta ipinatatanong po niya na anumang oras daw ninyo gustong bumalik sa La Reina ay ipapahanda daw po niya ang speedboat para ihatid kayo.”
Pilit siyang ngumiti. Iniisip ba talaga nito na iiwanan niya ito? Ngayon pa ba siya susuko? “Wala pa po akong planong bumalik ng La Reina. Sobrang ganda po dito sa Bohol. Matagal-tagal din po kasi ako na di nakapunta dito.”
“Kung di daw po kayo uuwi pa, may pupuntahan daw po tayo pagkaligo ninyo. Dapat daw po handa na kayo mamayang alas siyete y media.”
Tiningnan niya ang relong pambisig. Alas sais na ng umaga. Saan kaya sila pupunta ni Manang Lucing? Baka naman susundan nila si Benedikt sa Sagbayan. Excited siyang nag-agahan at naligo pagkatapos. Pinili niya ang bulaklaking dress na pinatungan niya ng bolero. Nagsuot din siya ng strappy sandals. Naglagay din siya ng light make up at nasiyahan nang makitang presentable siya. Ewan lang niya kung matanggihan pa ni Benedikt ang alindog niya ngayon.
Kumunot ang noo ni Manang Lucing nakita ang itsura niya. “Masyado po yatang maganda ang suot ninyo para sa pupuntahan natin.”
Niyuko niya ang damit at ibinuka ang palda. “Hindi po. Ayos lang po ako.”
“Magpalit po kaya kayo muna ng T-shirt at pantalon?” suhestiyon nito.
Umiling siya. “Hindi po. Ayos na po ako dito.”
Gusto niyang magandang-maganda siya kapag kaharap niya si Benedikt. Di niya alam kung kakaladkarin siya nitong umakyat ng Chocolate Hills o papasok sila kuweba pero bahala na. Tiis-ganda na lang siya para sa pag-ibig.
Nagkibit-balikat ang matandang babae. “Kayo po ang bahala.”
Pakanta-kanta pa siya habang naglalakad sila ng kalsada nang mapansin niyang hindi sila dumaan sa kalsada kung saan may mga bus at jeep na pwedeng magdala sa kanila sa area ng Sagbayan. Sa halip ay naglakad sila ni Manang Lucing sa kalsada sa likod ng Baclayon Church. Maya maya pa ay pumasok sila sa isang tindahan na may nakalagay na Linda’s Traditional Broas. Nanuot sa pang-amoy niya ang bango ng nilulutong tinapay.
“Paborito ni Sir Benedikt ang mga broas dito,” sabi ni Manang Lucing.
“Bibilhan po ba natin siya para dalhin sa Sagbayan?” tanong niya. Naalala niya na may laging binibiling broas si Benedikt pero hindi naman siya nito naisama doon dati.
Bago pa nasagot ni Manang Lucing ang tanong niya ay isang matabang babae na sa palagay niya ay nasa forties na ang lumabas mula sa loob. “Lucing, siya na ba ang sinasabi ni Benedikt?”
“Oo, Linda. Ito si Ma’am Maki. Ma’am, si Linda. Siya ang may-ari ng pinakamasarap na pagawaan ng broas dito sa Baclayon,” pagpapakilala ni Manang Lucing.
“Magandang umaga po,” magalang niyang sabi. Kung ganoon ay naiku-kwento na pala siya ni Benedikt sa iba.
Tiningnan siya ni Manang Linda at bakas sa mukha nito ang pagtutol. “Talaga bang dito iyan magtatrabaho? Parang hindi naman siya handa sa trabaho niya.”
“M-Magtatrabaho ako dito?” naguguluhang tanong ni Maki. “H-Hindi tayo pupunta kay Benedikt sa Sagbayan?”
“May problema ba?” tanong ni Manang Linda. “Ayaw ata niyang magtrabaho dito.”
“Hindi naman, Linda. Hindi lang siya napaliwanagang mabuti. Ikaw na lang ang bahalang magturo sa kanya.” Pinisil ni Manang Lucing ang braso niya. “Huwag kang mag-alala. Mabait naman si Linda at ang mga tauhan dito. Sabi ni Senyorito kailangan mo daw makapag-pack ng dalawang daang broas buong maghapon. Kung hindi mo daw magagawa, umuwi ka na lang.”