Hindi na napigilan ni Maki na umiyak habang maingat na isinasalansan ang broas sa plastic. Alas sais na ng gabi at siya na lang ang naiiwan sa packing area pero nasa mahigit one hundred fifty pa lang ang naeempake niya mula kaninang umaga.
Ang paggawa ng broas ay isang matandang tradisyon na mate-trace pa mula nang dumating ang mga Kastila sa Bohol. Dahil puti ng itlog ang ginagamit sa pagtatayo ng simbahan, ginagamit naman ang eggyolk sa paggawa ng tinapay para walang sayang.
Hindi naman pala ganoon kadali na mag-pack ng broas. Kapag hindi maingat ang pagkaka-empake ay madudurog iyon. At dahil mataas ang quality ng Linda’s Broas kaya naman inabot siya ng siyam-siyam bago magamay ang pag-eempake. Heto at inabot na siya ng paglubog ng araw at di pa niya nakukuha ang quota na kailangan para manatili siya sa Bohol. Hindi niya matanggap na matatalo siya nang dahil lang di siya nakapag-empake ng dalawang daang pack broas. Napaka-pathetic naman na matalo sa pag-ibig sa ganitong paraan. Wala man lang siyang kalaban-laban. At malamang ay alam ni Benedikt na matatalo siya sa pagkakataong ito. Wala na siyang magagawa kundi sundin ang gusto ng binata - ang tuluyan na siyang mawala sa buhay nito.
Nilapitan siya ni Manang Linda. “Maki, tama na iyan. Magsasara na itong tindahan. Ikaw na lang ang naiwan dito.”
“H-Hindi po. Malapit na po akong matapos,” sabi niya at pilit na nagpakayuko-yuko para hindi nito makitang umiiyak siya.
“Huwag mo nang ipilit iyan. Umuwi ka na.”
Naalarma siya. Ibig bang sabihin ay hanggang dito na lang siya? Inangat niya ang paningin at nagmamakaawang tiningnan ang mas matandang babae. “Manang Linda, maawa na po kayo sa akin. Kailangan ko po talagang matapos ito. Ayoko pong umuwi. I-Importante po talaga ito para sa akin.”
“Neneng, wala ka nang magagawa. Iilang piraso na lang ang ie-empake mo. Kasya na lang iyan sa isang balot. Di na iyan kakasya sa dalawang daan. Sumuko ka na.”
Bumagsak ang balikat niya dahil nang mga oras na iyon ay isa siyang talunan. “B-Baka may iba pa pong paraan. Kailangan ko po talagang magawa ang gusto ni Benedikt.”
“Hindi ko alam kung bakit ipinagagawa ito ni Sir Benedikt sa iyo. Kahit naman ang normal kong tauhan di aabot ng dalawang daang balot sa isang araw. Huwag kang mag-alala. Sasabihin ko sa kanya na nakapag-empake ka ng dalawang daan.”
Nanlaki ang mata niya. “Talaga po”
Tumango ang mas matandang babae. “Sa sipag at tiyaga mo, dapat lang naman siguro.”
Impit siyang tumili at niyakap ang matandang babae. “Salamat po, Manang Linda. Sobrang saya ko po talaga! Hulog po kayo ng langit sa akin.” Isa iyong senyales ng langit na di niya dapat sukuan si Benedikt.
“O, siya. Huwag ka nang umiyak. Baka umalat pa ang ibinabalot mong broas. Iuwi mo na iyan at ibigay kay Sir Benedikt,” sabi nito at ipinunas ang laylayan ng apron nito sa luhaan niyang mukha na parang isa siyang paslit. “Tapos huwag ka munang umuwi. Samahan mo kami sa may baluarte. Sumama ka na sa aming maghapunan. Para naman makapagpahinga ka rin matapos ang maghapong trabaho.”
“Pero si Benedikt po…”
Tinapik nito ang likod niya. “Ako na ang bahalang mag-text sa kanya. Saka mukhang crush ka ng ibang tauhan ko. Gusto ka daw makilalang mabuti.”
Hindi naman na siya tumutol pa dahil mababait naman ang mga kasamahan niya. Ang mga ito ang nagturo sa kanya ng pag-eempake at lagi siyang tinutulungan. Wala namang masama kung makasama niyang kumain ang mga ito kahit na sandali. Uuwi na lang siya agad para makabalik siya kay Benedikt.
Punong-puno ng tao ang baluarte na di kalayuan sa Baclayon Church. Kilala iyon na fort bago pa man dumating ang mga Kastila. Ngayon ay dinadayo na iyon ng mga taga-Baclayon at maging mga turista tuwing gabi dahil sa magandang tanawin at sa masarap na pagkain.
Nakahilera doon ang mga nagtitinda ng iba’t ibang pagkain, karamihan ay inihaw. Nang dumating sila ni Manang Linda ay halos puno na ang mga lamesa. Nakagawian na kasi ng mga taga-Baclayon maging ng mga turista na doon kumain ng hapunan.
Naiilawan din ang baluarte na isang reclaimed area at relaxed ang pakiramdam niya kahit pa maraming tao dahil na rin sa malamig na simoy ng dagat. Mula doon ay tanaw ang lighthouse pati na rin ang pantalan kung saan sumasakay ng bangka ang mga turista na patungo sa Pamilacan Island na kilala sa whale and dolphin watching.
“Linda, dito kayo!” tawag ni Mang Rudy, ang asawa ni Mang Linda na may hawak pa na baso ng beer sa kabilang kamay. Nasa mesa na rin ang mga tauhan ng pagawaan ng broas. “Mabuti naman at naisama mo si Maki.”
“Ayaw pa nga niyan. Aba’y gusto pa ring makapag-empake ng dalawang daang balot ng broas kahit na walang ieempake,” sabi ni Manang Linda at pinaupo siya sa tabi nito.
Katabi naman niya sa kabila ang kasamahang si Luningning. “Naka-order na kami. May gusto ka pa bang order-in?” tanong nito.
Tumango siya. Kailangan niyang magpa-take out ng barbeque, inihaw na pusit at isaw na manok para kay Benedikt. Umorder na siya dahil may katagalan din daw bago maluto ang order nila sa dami ng bumibili. Matapos makabayad ay sinamahan na niya ang mga kasamahan sa mesa at kumain nang bahagya. Masayang nagku-kwentuhan ang mga ito tungkol sa masasayang nangyari sa trabaho pati na rin kung anu-anong balita.
Mabait ang mga taga-Bohol. Doon din nanggaling ang pamilya ng ama niya kaya naman alam niya na likas na masayahin at hospitable ang mga tagadoon. She felt at home with their company. Kahit pa walang siyang masyadong kilala sa pinag-uusapan ng mga ito, hindi niya nararamdaman na naa-out of place siya.
“Maki, tagasaan ka ba?” tanong ni Mang Rudy.
“Taga-Isla La Reina po ako,” nakangiti niyang sagot at sumubo ng chicken barbeque.
“Saan ka tumutuloy?” tanong ni Mikoy, ang disiotso anyos na binata na kanina pa nagpapa-cute sa kanya. “Pwede ka bang dalawin?”
“Hoy, totoy! Mag-aral ka muna,” saway ni Manang Linda dito. “Di ka pa ata tuli gusto mo nang umakyat ng ligaw.”
“Binata na ako, Manang Linda. Saka matagal na akong… alam n’yo na,” sabi ni Mikoy na biglang nahiya. “Masama bang magka-crush?”
“Ako pwede nang manligaw,” anang si Nonoy na iniliyad pa ang malapad na dibdib. Ang alam niya ay nasa mid-thirties na ito at siyang kinakikiligan ng mga kababaihan dito. Kaso ay wala daw girlfriend dahil choosy ito.
“Tanungin muna natin si Maki kung may boyfriend na siya,” sabi ni Mona.
Umiling siya. “Wala pa pero may gusto ako.”
“I-describe mo naman siya sa amin,” kinikilig na sabi ni Luningning.
“Uhmmm… guwapo siya, matangkad, moreno, matalino, mabait at kahit may kasungitan siya, alam ko na aalagaan niya ako at poprotektahan. Hindi niya hahayaang may manakit sa akin,” aniyang di maiwasang mapangiti habang idine-describe si Benedikt.
“Naku! Ganyan din ang crush ko. Guwapo, matalino, matangkad, moreno, medyo suplado pero nakakakilig pa rin kahit di niya ako pinapansin,” sabi ni Luningning.
“Ako rin! Si Sir Benedikt!” tili ni Mona.
Itinulak ito ni Luningning sa balikat. “Bruha ka! Inunahan mo pa ako.”
“Kayo talagang dalawa, akala ko ako ang mahal ninyo. Mga taksil!” bulalas ni Nonoy. “Saka di naman kayo papansinin ng Benedikt na iyon. Balita ko nobya daw niya ang anak ng gobernador ng Siquijor. Maganda at mayaman iyon. Talbog kayo doon.”
“Ang tsismoso mong lalaki ka!” singhal ni Mona sa babae.
Natahimik naman si Maki at ipinagpatuloy ang pagkain pero nararamdaman niya ang titig sa kanya ni Manang Linda. May alam ba ang matandang babae?
“Maki, bakit hindi mo pa pala boyfriend ang lalaking gusto mo? Aba! Kung hindi niya napapansin ang ganda mo, ako na lang ang boyfriend mo,” sabi ni Nonoy.
“Magandang gabi sa inyong lahat,” anang boses na pinakahihintay niyang marinig sa buong araw na iyon.
Nahigit ni Maki ang hininga at nakitang nakatayo sa dulo ng mesa ang lalaking sumilo ng puso niya. “Sir Benedikt!!!” sabay na tili nina Mona at Luningning.