HINDI agad nakagalaw si Maki sa kinauupuan. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya habang pinagmamasdan si Benedikt sa maong nitong jacket na may puting T-shirt sa loob at maong na pantalon na butas pa. Medyo nagulo pa ng malakas na hangin ang buhok nito at nakadagdag sa kakisigan nito ang stubbles na tumutubo sa panga nito. Parang nawalan ng lasa ang kinakain niyang chicken barbeque dahil mukhang mas yummy ito.
“Benedikt, samahan mo na kaming kumain,” yaya ni Manang Linda dito.
“Hindi po. Salamat po. Gusto ko lang malaman ang tungkol sa pabor na hiningi ko sa inyo,” sabi ni Benedikt at tumayo sa likuran.
“Naka-two hundred naman si Maki sa binalot niya. Nakapasa siya,” nakangiting sabi ni Manang Linda. “Naku! Masipag ang batang iyan.”
Napalunok si Maki dahil damang-dama niya ang init ng katawan ni Benedikt. She missed him all day. Napaka-miserable nang pakiramdam niya nang maisip na hindi na niya ito makakasama pa kanina. Kahit na di siya nito hawakan, sapat na ang presensiya nito para mawala ang lahat ng pagod niya sa buong araw. Napawi na rin ang pangamba niya. She could still stay with him for another day.
“Ganoon po ba?” tanong ni Benedikt sa mababang boses at nahimigan niya ang pagkadismaya doon. Tiningala niya ito at nagkasalubong ang mga mata nila. Ngumisi lang siya. Hindi na siya nito basta-basta mababakbak sa buhay nito. “Hindi na rin po ako magtatagal. Maki, kung tapos ka nang kumain, magpasalamat ka na sa kanila at magpaalam. Marami ka pang gagawin bukas. Maaga ka pang gigising.”
Nagulat siya dahil di niya inaasahan na ire-recognize ni Benedikt ang koneksyon nila. Na di lang sila basta magkakilala kundi higit pa doon. Nakita niya ang nagtatakang tingin ng mga kasamahan. Maging sina Manang Linda ay parang nagkakahinala na.
Ininom niya ang tubig at saka nagpaalam sa mga kasamahan. “Salamat po sa tulong ninyo sa akin ngayong araw na ito. Uuwi na po ako.”
“Maki, magkikita pa rin naman tayo, di ba?” tanong ni Nonoy.
“Oo naman.” Baka bukas ay dalawang daan ulit ang ipa-empake sa kanya ni Benedikt na broas. Nakuha na niya ang loob ni Manang Linda at ng mga kasamahan niya. Mas magiging magaan na lang ang trabaho niya.
“Halika na,” sabi ni Benedikt at hinila ang kamay niya papunta sa kalsada.
“Teka lang. Kukunin ko ang in-order ko para sa iyo. Malamang di ka pa kumakain,” sabi niya at nag-follow up sa tindahan ng binili niya. Di nagtagal ay ibinigay din ang order niya na nakalagay sa plastic.
“Ano iyan?” nakakunot ang noong tanong ni Benedikt at sumilip pa sa plastik.
“Pork barbeque, inihaw na pusit at isaw na manok. Alam ko paborito mo ang mga ito,” nanunukso niyang sabi dito. “Saka may ipinabigay din na broas si Manang Linda sa iyo. Ako pa mismo ang nagbalot niyan.”
Mariin lang na nagdikit ang labi ng binata. “Kumain ka na pala. Di ka man lang nagsabi na hindi ka sasabay sa akin.”
“Hindi ka pa kumakain? Kung gutom ka na ba, pwede namang dito ka na kumain. Maganda ang view dito at saka malamig.” Hinila niya ang manggas ng jacket nito. “Huwag muna tayong umalis, Benedikt. Sige na.”
“Hindi na. Kumain ka na,” nagtatampo nitong sabi.
“Light lang ang kinain ko kasi sasabayan talaga kitang maghanapunan.” Nilapitan nila ang isang tindahan. “Anim na puso po,” tukoy niya sa kanin na binalot at niluto sa nilalang dahon ng niyog na sikat na sikat sa Cebu at sa Bohol.
“Sige na. Pero isang oras lang tayo dito.”
“Yes!” usal niya sa sobrang saya. Mahaba na ang isang oras para makasama niya ito. Parang reward na iyon sa buong araw niyang pagbabalot ng broas.
Inokupa nila ang bahagi ng mahabang breakwater na nakaharap sa dagat at sa di kalayuan ay nakatindig ang Baclayon Church na pangalawa sa pinakamatandang simbahang Katoliko sa bansa. Huminga siya ng malalim at tumingala para samyuin ang malamig na hangin mula sa dagat. Ibinuka niya ang mga kamay na parang niyayakap niya ang kagandahan sa kapaligiran niya.
"Ang ganda talaga dito. The nature, the history and the people. Lahat maganda. Kaya siguro gustong-gusto mo na dito magbakasyon," sabi nito. "Parang hindi lumalakad ang panahon kahit na malapit lang naman ito sa city."
"I guess that is the charm of this place. Hindi lang ang Baclayon kundi ang buong Bohol. Na-preserve ang history ng lugar at ang kultura ng mga tao."
Kahit na parehong galing sa Bohol ang pamilya nila ay mas malapit ang puso ni Benedikt sa naturang lalawigan. Mas pinalaki si Maki sa lungsod lalo na nang si Santina na ang tumayong ina niya. She wanted to mold her into a perfect social butterfly just like her.
"And you can lay down your hair without caring what the world will say. Kasi hindi ikaw ang sikat na construction tycoon sa lugar na ito. You are just Benedikt."
"And you seem to be enjoying your anonimity here as well. Kung nasa La Reina ka, tiyak na mag-iiba ang tingin nila sa iyo oras na malaman nilang nasa isang bahay lang tayo tumutuloy at nagpapa-alila ka sa akin."
"Well, this is not Isla La Reina. Walang mga matang nakabantay sa akin at manghuhusga. Wala ring ipinagkaiba noon na kapag tayo lang ang magkasama dito sa Baclayon ay nagagawa natin ang lahat ng gusto natin. Dito lang tayo nakakakain ng ihaw-ihaw nang wala si Mommy Santina para sabihin kung anong dapat kainin ng isang gaya ko na nasa status ko dati."
"Matagal na akong hindi kumakain dito," anang si Benedikt at malungkot na tiningnan ang madilim na karagatan.
"Bakit naman? Hindi ba dito ka nag-spear fishing? Saka ikaw ang laging nagyayaya sa akin dito."
"It reminds me of you."
Natigilan siya sa pagkain ng isaw. Of course, there was so much memories. Masasaya ang alaala nila sa lugar na iyon. Doon niya nararamdaman ang kalayaan niya. Pakiramdam niya ay normal siya.
"Mahilig ako sa barbeque at isaw. Kapag birthday mo, iyan ang kinakain ko. Those are good memories, Benedikt. Sumasaya ako kapag naiisip iyon. Kapag naalalala kita."
"It is different on my part. I don't want to remember. Ubusin mo na lahat. Then we are leaving."
Bumagsak ang puso ni Maki nang makita ang matinding lungkot sa mukha nito at alam niyang siya ang may kasalanan ng lahat. She brought him so much pain. At mas mabuti na lang para dito kung tuluyan siyang kalimutan. Anuman ang nararamdaman nito sa kanya ay mas gusto na lang nitong pigilan dahil isang kahangalan iyon. Kahit na dalawang linggo lang ay hindi nito susuko sa kanya. O kahit isang araw man lang.
Hindi na rin niya naubos ang pagkain. Nawalan na siya ng gana kaya binalot na lang niya iyon. Dala ni Benedikt ang Honda Cruiser nito na motor kaya umangkas siya dito. Nakayakap siya sa baywang nito at ihinilig niya ang pisngi sa likod nito para maprotektahan siya nito sa lamig pero lalo lamang nanlamig ang puso niya. Kahit na magkadikit pa ang katawan nila ay parang napakalayo naman nito sa kanya.