You’re Still My Man (Filipino) Chapter 76

Wala silang kibuan ni Benedikt nang makarating sa bahay nito. Tumuloy agad sila sa kani-kaniyang kuwarto. Kahit na pagod sa buong maghapon si Maki ay hindi siya makatulog. Ayaw manahimik ng isipan niya. Ipagsisiksikan pa ba niya ang sarili kahit Benedikt kahit na alam niyang masasamang alaala lang ang dala niya dito?

Sa huli ay sumuko siya at lumabas ng kuwarto. Gusto niyang sumagap ng malamig na hangin sa labas. Baka sakaling makatulong iyon para antukin siya. Mababaliw lang siya sa loob ng kuwarto niya. Napansin niyang bukas ang pinto papunta sa balkonahe at ang ilaw. Naabutan niya si Benedikt na nakaupo sa mesa doon habang nagta-type sa laptop nito.

Sumandal siya sa hamba ng pinto at humalukipkip. "Nakabakasyon ka na pero nagtatrabaho ka pa rin. You are so workaholic, Benedikt.” At pakiramdam niya ay mas workaholic ito at mas driven kaysa dati.

Nilingon lang siya nito. Suot nito ang salamin at saka ibinalik ang tingin sa laptop nito. "I can't help it. Kailangan kong asikasuhin ang mga tauhan ko. Hindi rin naman ako makakatulog. May iniisip pa ako."

Umupo siya sa tabi nito. "Care to share it with me?"

Hindi niya alam kung gugustuhin siya nitong makausap. O kung mas makakabuti nga para sa kanya na malaman kung ano ang tinatakbo ng isipan nito. Pero mahalaga sa kanya ang mga ganitong pagkakataon na nagbubukas si Benedikt sa kanya, kahit pa nga hindi maganda ang nagiging resulta niyon sa huli dahil na rin sa masasamang alaalang iniwan niya dito.

Tinanggal nito ang salamin at direkta siyang tiningnan. "Ikaw. Bakit kahit anong gawin ko ayaw mo pa ring sumuko? Pinahihirapan na kita pero parang balewala lang sa iyo. Wala ka namang kailangang patunayan bukod sa kaya mong pangatawanan ang mga pangako at salita mo ngayon, Maki. What do you really want?"

"Gusto kitang makasama."

"Bakit?"

Tinitigan nito ito sa mga mata habang halos di humihinga. "Dahil mahal pa rin kita."

Nanlaki ang mga mata ni Benedikt na parang nagulat ito sa rebelasyon niya. Naroon din ang saya subalit mabilis na nagdilim ang mga mata nito. Ang saya ay napalitan ng kalungkutan at kalaunan ay galit. Saka ito tumingala ay nagpakawala ng malakas na halakhak. Subalit pagak ang halakhak nito. Walang emosyon. Kung mayroon man ay may bahid ng kapaitan.

“Mahal mo pa rin ako? Wow! That is really something, Maki,” sarkastiko nitong sabi at saka binigyan siya ng matiim na tingin. As if he was telling her to cut her bullshit. Yes, her love was a big bull for him. "You left me."

Parang binagsakan ng adobe ang puso niya. Dahil sa sukatan ng pag-ibig, iyon ang pinakamalaking pagkakamaling ginawa niya sa lalaking mahal niya. Isang bagay na hindi na niya kayang ituwid pa.

Kinuyom niya ang palad. "Hindi naman kuwestiyon ang pagmamahal ko nang iwan kita o kahit walong taon tayong di nagkasama. Hindi iyon nagbago kahit na lumipas ang panahon. Hindi iyon magbabago kahit pahirapan mo ako o saktan mo pa ako nang paulit-ulit ngayon."

Tumayo ito at mahigpit na hinawakan ang hamba ng balkonahe. Isang buntong-hininga ang pinakawalan nito bago tumingin sa madilim na gabi. "You are years too late, Maki. Years too late. May sarili na akong buhay ngayon na di ka kasama. Wala na ring halaga sa akin ang pagmamahal mo. Hindi na natin maibabalik ang dati."

Lumapit siya at tumayo sa likuran nito. Gusto niyang hawakan ito sa balikat at paharapin sa kanya pero hinayaan na lang niya ito. Kahit na nagkapatawaran na sila, hindi iyon sapat para naisin nitong tanggapin pa ang pag-ibig niya. Pumikit na lang siya habang pakiramdam niya ay tinapak-tapakan nito ang puso niya. "I know. Hindi ko hinihingi na mahalin mo ulit ako. Gusto ko lang na makasama ka kahit sa loob ng dalawang linggo. Kahit na pahirapan mo ako tatanggapin ko basta makasama ka lang. Pwede mo bang ibigay sa akin iyon? Huwag mo naman sana akong tanggihan."

Humarap ito sa kanya at saka sumandal sa hamba ng balkonahe. Humalukipkip ito at pinagmasdan siyang mabuti. Parang tinitimbang-timbang nito kung ano ang dapat gawin sa kahilingan niya. Tahimik siyang nanalangin. Sana naman ay hayaan siya nito. Minsan na lang naman ito.

"Sige,” sa wakas ay wika nito. “Kung magagawa mo ang lahat ng ipinagagawa ko sa iyo, pwede kang tumagal ng isang araw dito sa bahay ko. Kung makakapasa ka sa lahat ng ipagagawa ko." Mababa ang boses nito na may halong pagbabanta.

Hindi niya pinansin ang bantang iyon. Impit siyang tumili at tuwang-tuwang niyakap ito. Lumayo siya sa pagkakayakap dito at masayang pinagmasdan ang mukha nito. "Gagalingan ko talaga, Benedikt. Kahit ano pa iyan ang ipagawa mo ay gagawin ko.”

Isang araw. Pakonti-konti ay makaka-survive din siya. Kahit na araw-araw pa siya nitong pahirapan sa loob ng isang taon o sampung taon o isang daang taon. Kahit na gaano pa katagal basta magkasama lang sila.

"Matulog ka na at huwag masyadong excited. Malay mo hanggang bukas ka na lang dito,” sabi nito at binitbit ang laptop saka pumasok papasok ng bahay.

"ANO? Mag-aani ng limampung kilong ubi?" nanlalaki ang matang tanong ni Maki habang nakatingin sa malawak na lupain na may tanim na naggagapangang ubi.

"Opo. Iyon po ang sabi dito ni Sir Benedikt,” sabi ni Manang Lucing.

Bumuga siya ng hangin at itinakip ang palad sa noo. Alas nuwebe na ng umaga at matindi na ang sikat ng araw. Nang gumising siya nang araw na iyon ay ihinanda na niya ang sarili niya. Gaya nang nagdaang araw ay wala na naman si Benedikt sa bahay. Akala niya ay ibabalik na naman siya sa pagawaan ng broas o lady finger.

Sa halip ay sa agricultural center sila nagpunta kung saan naka-display ang mga produktong gawa sa ubi. Aromatic purple yam o ubi na nagmula sa Bohol at tinatawag na kinampay. Iyon ang pinakamabangong ube sa buong mundo. Patok na patok sa mga turista ang mga ube products lalo na't doon lang iyon matatagpuan. Ine-export ang powderized purple yam. Iba daw iyon sa ube ayon sa mga taga-Bohol.

Naaliw pa siya sa kwento dahil sagrado ang naturang ubi sa Bohol dahil iyon daw ang sumagip sa mga Bohol-anon tuwing magkakaroon ng taggutom noong unang panahon. Ubi lang daw kasi ang tumutubo kahit pa may tagtuyot sa lalawigan.

Akala niya ay magbabantay lang siya sa tindahan ng agricultural center at magbebenta sa mga bisita at turista na dumadalaw doon. Iniisip niya na baka kailangan niyang maka-quota at maka-quota ng malaking halaga para pumasa siya sa pagsubok. Sa halip ay idinala siya sa bukid. Hindi pala iyon isang tour kung hindi doon na siya magtatrabaho.

But seriously, mag-ani sa bukid? Hindi niya forte ang agriculture. Wala siyang tiyaga sa pagbubungkal ng lupa. Alam ni Benedikt iyon. Napalunok siya. Matindi ang pagsubok na ito. Mukhang hindi basta-basta ang mag-ani ng ubi isama pa ang matinding init ng araw. Hindi niya maisip kung paano niya malalampasan ang pagsubok na ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.