“Pwede na po ninyong simulan,” untag sa kanya ni Manang Lucing.
"Pero ang suot ko..." anang si Maki at niyuko ang sarili. Nakasuot siya ng dress na may manggas pero di pa rin matatakpan ang buong braso niya. Di iyon bagay sa bukid.
Inilabas nito ang plastic bag na may lamang damit. "Naipaghanda ko na po kayo ng damit. Ihiniram ko po kayo sa anak ko. Saka may sombrero din po ako dito para di kayo mainitan."
Long sleeve na light blue at malambot na pants ang ipinahiram sa kanya ni Manang Lucing. Natanaw niya ang mga trabahador na nagbubungkal sa bukid sa kabila ng mainit na sikat ng araw. At puro mga lalaki ang nandoon.
"Kaya mo ba, Ma'am?" tanong ni Manang Lucing. “Pwede naman po tayong umuwi kung ayaw na po ninyo itong gawin.”
Napatitig siya sa mas matandang babae. Kung uuwi na sila ngayon, ibig sabihin ay kailangan na rin niyang i-empake ang mga gamit niya at tuluyan nang umalis sa buhay ni Benedikt. Matapos niyang ipagtapat ang pag-ibig dito kagabi, mukhang mas desidido na ito na mawala siya sa buhay nito. Hindi na mahalaga kung sa puso nito ay gusto siya nitong makasama. Malinaw na gagawin ng binata ang lahat para lang mapasuko siya.
Pero ganoon na lang ba niya kadaling isusuko ang laban? Marami na siyang pinagdaanan para lang makasama ito. Ngayong alam na nitong mahal niya ito, mas dapat siyang maging pursigidong ipakita dito na totoo ang nararamdaman niya. Kapag ngayon pa niya ito sinukuan, pinatunayan lang niya na walang kwenta ang pagmamahal niya dito sa simula pa lang. Kahit sa loob ng dalawang linggo man lang ay mapatunayan niyang totoo ang sinasabi niya dito. Na magsasakripisyo siya makasama lang ito.
Paglabas pa lang niya sa banyo ng kubo sa bukid suot ang ipinahiram ni Manang Lucing sa kanya ay init na init na siya. Parang hihimatayin na siya sa init. Lalo naman nang tumapak siya sa bukid at wala na siyang ibang masisilungan.
Ibinigay sa kanya ni Manoy Berting ang pambungkal na gawa sa metal at mukhang malaking paa ng manok. “Magsimula ka na, Ineng. Marami-rami din ang aanihin mo. Simulan mo na dito sa gitna. Naani na kasi ang mga nasa gilid.
Parang mahihilo si Maki nang umuklo sa harap ng panamin at sinimulan iyon na hukayin. Simula pa lang ay tumatagaktak na ang pawis niya. Grabe naman si Benedikt. Talaga bang ipapagawa nito sa kanya ang magbungkal ng ubi?
Hindi biro ang ginagawa niya. Bagamat may pambungkal ay kailangan din niyang kamayin ang lupa. Akala niya noong una ay parang kasing laki lang ng kamote na madaling hukayin. Subalit habang nagbubungkal siya ay palalim iyon nang palalim. Nanlalaki na lang ang mata niya dahil parang palaki pa iyon nang palaki sa ilalim.
“Manoy Berting, talaga po bang ubi ang nakatanim dito sa ilalim?” Parang higanteng bato na kasi ang nahuhukay niya.
“Oo naman.”
“Gaano po ba kalalaki ang mga naaani ninyo dito?”
“Mula isang kilo ang laki hanggang anim na kilo.”
Nanlaki ang mga mata ni Maki. “Ano po? Ganoon po kalaki?”
“Oo. Ganoon talaga ang klase ng ubi na iyan. Hindi iyan katulad ng mga kamote o ube na nabibili sa palengke sa kung saan na maliliit lang.”
Napapikit si Maki at parang lalo siyang nahilo. Kung mas malaki ang bubungkalin niya ay mas matagal-tagal siyang magbubungkal sa ilalim. Ang pakonswelo na lang niya ay kung malalaking tipak ang mahuhukay niya, mas madali siyang makaka-limampung kilo.
Hindi niya alam kung gaano katagal bago niya nakuha mula sa ilalim ng lupa ang pinaka-unang ubi niya. Limang kilo ang timbang niyon. Nakakalimang kilo pa lang siya pero nananakit na ang likod niya. Marami-rami pa siyang bubungkalin.
Lalong nanlambot si Maki nang dumating ang oras ng tanghalian ay wala pang beinte kilo ang nahuhukay niya. Parang di naman siya bumibilis sa pagbubungkal. Wala pa siya sa kalahati. Paano niya matatapos ang pagsubok ni Benedikt sa kanya?
Bumuga siya ng hangin at isinandal ang likod sa puno. Gumuguhit na ang sakit sa likod niya kayuyuko. Sanay na siya na manakit ang likod sa maghapong pagtuturo sa klase. Pero ngayon lang siya napasubo na magbungkal nang nakabilad sa init ng araw. Inom lang siya ng inom ng tubig dahil pakiramdam niya ay nag-evaporate na ang lahat ng tubig sa katawan niya.
Napatitig lang siya sa bukid habang tinutungga ang tubig. Matapos ang tanghalian ay karaniwang nagsi-siesta ang mga nag-aani para bandang hapon na ipagpatuloy ang trabaho, subalit di niya magawang magpahinga o kumain man lang. Wala na siyang oras para magpahinga o kumain. Kung ipagpapatuloy niya ang trabaho niya, baka sakaling makahabol pa siya at mapuno din niya ang limampung kilo bago matapos ang araw na iyon.
“Ma’am Maki, sumalo na po kayong mananghalian. Nagluto din po ako ng maliit na lobster na inaani nila sa ilog. Masarap po iyon. Tikman ninyo,” yaya sa kanya ni Manang Lucing at itinuro ang grupo ng mga trabahador na nagsisimula nang mananghalian.
“Hindi po ako kakain.”
“Busog pa po ba kayo?”
Umiling siya. “Kailangan ko pong bumalik sa trabaho,” aniya at nagmartsa pabalik sa bukid.
“Neneng, saan ka pupunta?” tanong ni Manay Ising, ang may-ari ng taniman.
“Sa bukid po. Marami pa po kasi akong kailangang habulin.”
“Aba! Kumain ka man lang muna. Hindi naman aalis ang mga ubi. Maaani mo pa iyan mamaya. Masarap ang tanghalian natin,” pang-aayo nito.
Umiling siya. “Importante po kasi ito sa akin.”
“Miss, huwag kang magpakamatay. Kahit kami di magtitiis sa ganyan katinding sikat ng araw. Mahirap magkasakit ngayon,” anang si Tonio na anak ni Manay Ising. “Gaano ba kasi kaimportanteng makaani ka ng limampung kilo ng ubi?”
“Importanteng-importante,” mariin niyang sabi. “Ito na lang ang pagkakataon na mayroon ako.” Hindi na lang niya in-elaborate kung para saan iyon.
“Mabuti pa kumain ka muna tapos magpahinga ka. Mamaya kapag mas makulimlim na, tutulungan ka namin sa limampung kilo mo,” sabi ni Tonio.
“Talaga?” tanong niya.
“Mga kasama, tutulungan natin si Miss Ganda, hindi ba?” tanong nito sa mga kasamahan na trabahador.
“Sila na ang bahala sa iyo,” sabi ni Manay Ising at tinapik siya sa balikat.
“Ako na po ang bahala kay Sir Benedikt,” anang si Manang Lucing. “Sige na po. Kailangan ninyong makabawi ng lakas.”
Tumango siya at sumama na sa ibang mga magsasaka na kumakain sa dahon ng saging. Hindi naman siya pababayaan ng Diyos sa mga pagsubok na ito lalo na’t may mga taong nariyan para tulungan siya. Tatagal pa siya ng isang araw sa piling ni Benedikt.