You’re Still My Man (Filipino) Chapter 78

MAGAGAAN ang hakbang ni Maki habang naglalakad palayo ng bukid ng ubi. Sa isang kamay niya ay bitbit niya ang may limang kilo din na ube na siyang upa niya sa maghapong pagtatrabaho sa bukid. Masaya siya dahil naka-limampung kilo siya ng ubi. Nakapasa siya sa pagsubok sa araw na iyon. Isang araw na naman niyang makakasama si Benedikt.

“Ano pong gagawin ninyo sa ubi na iyan, Ma’am?” tanong ni Manang Lucing.

“Gagawa po ako ng pie. May mabibilhan naman tayo ng durog na graham crackers, di po ba?”

“Naku! Gustong-gusto ni Sir Benedikt iyan. Wala lang talaga akong alam sa mga pie-pie na ganyan kaya ibinibili ko na lang siya,” sabi ni Manang Lucing na kuntodo suporta sa kanya. Maghapon siya nitong binantayan sa bukid at pati ito ay nakibungkal din para tulungan siya.

“Maki, bigyan mo naman kami ng pie na iyan,” anang kasamahan niyang si Tonio.

“Oo naman. Siyempre bibigyan ko kayo. Bilang pasasalamat ko man lang sa pagtulong ninyo sa akin.”

Malaki ang pasasalamat niya sa mga magsasakang tumulong sa kanya sa pangunguna ni Tonio. Hindi naman siya pumayag na ibigay ng mga ito ang naani sa kanya kaya ang mga ito na lang ang tumulong sa kanya na maghukay lalo na kapag malalaki ang ubi na nakukuha niya. Nawala din ang pagod niya dahil sa pakikipagbiruan ng mga ito.

“E, pwede daw bang dumalaw si Tonio sa tinutuluyan ninyo mamayang gabi?” tanong ng kaibigan ni Tonio na si Magno.

“Hindi ako sigurado…” usal niya.

“Bakit naman hindi?” anang si Manang Lucing. “Wala namang boypren si Ma’am Maki.”

Na-freeze ang ngiti niya. Aray! Heto nga siya at ume-effort siya na mapalapit kay Benedikt. Alam naman ni Manang Lucing na si Benedikt ang gusto niya.

“Mauuna na kami. Dadalhin ko na lang ang ube pie ninyo,” sabi niya at nagpaalam na rin sa iba.

Dahil mas maaga siyang dumating sa bahay ay nakapagluto pa siya ng hapunan sa tulong ni Manang Lucing habang ihinahanda ang refrigerated aromatic ube pie na hindi na kailangan pang i-bake. Dalawang hurno ang nagawa niya dahil ang isa ay ibibigay niya kay Benedikt. Bandang alas siyete nang dumating si Benedikt.

“Benedikt, sakto ang dating mo. Kaluluto pa lang namin ng hapunan,” masiglang wika ni Maki na parang hindi niya alintana ang pagod sa maghapon.

Isang tipid na ngiti lang ng binata sa kanya at ibinaling ang tingin sa kawaksi. “Kumusta, Manang Lucing?”

“Siyempre po nakapasa si Ma’am Maki,” pagmamalaki ni Manang Lucing. “Talagang pagkasipag-sipag niya kanina kahit na hirap siya sa pagbubungkal. Iyan nga po iginawa pa niya kayo ng ube pie.”

“Pinapalamig ko na lang sa freezer. Pwede na sigurong kainin iyon matapos maghapunan,” sabi niya.

“Mukha namang hindi ka masyadong nahirapan kanina. Nakita ko nga kung paano kang tulungan ng mga magsasaka doon kasama na si Manang Lucing,” anito sa mabigat na boses at saka matiim na tiningnan ang kawaksi.

Tumiklop bigla ang mas matandang babae. “Ah, eh… Sir, uuwi na po muna ako sa amin. Hinihintay na rin po ako ng apo at mga anak ko. Baka gutom na rin sila.” Tinapik siya nito sa braso. “Ma’am, goodluck na lang po.”

Malakas na malakas ang tibok ng puso ni Maki hanggang makaalis si Manang Lucing. Kailangan nitong tumakas bago pa ito malintikan kay Benedikt. Ibig sabihin ay kailangan niyang harapin ang pakikibakang ito nang mag-isa.

“Pumunta ka sa bukid kanina? Nakita mo ako?” tanong ni Maki at hinawakan ang sarili niyang leeg.

“Napadaan lang ako sa bukid,” kaswal na wika ng binata at humilig sa sinaunang aparador ng mga kasangkapan. “Tinitingnan ko kung gaano kasipag at kung gaano ka kahandang magsakripisyo para lang sa pagmamahal mo sa akin. Tapos nakita ko kung paano mo akong ginugulangan.”

Namutla siya. Ang huling gusto niya ay isipin ni Benedikt na dinadaya siya nito. “T-Tinulungan lang naman nila ako dahil nakita nila na hindi ko kaya. Nagmagandang-loob lang naman sila sa akin.”

“Maki, I trust that you’ll do your best for me. Paanong naging pagmamahal ang panggugulang mo sa akin? Di ko tuloy maiwasang isipin”

Naging defensive agad siya. Siguro dahil guilty siya. Siguro dahil sa naipon na rin ang lahat ng pagod niya para lang ipakita dito ang kaya niyang gawin para dito. O siguro ay dahil nasa gilid na siya ng bangin at anong oras ay maari siyang mahulog. She needed to cling on that last vestige of hope. Mauuwi lang ba sa lahat ang pagod niya? Iiyak na lang ba siya?

Hindi. Hindi siya iiyak sa harap nito. Kailangang lumaban pa rin siya hanggang sa huli hangga’t kaya niya. Ayaw niyang maging mahina sa harap ni Benedikt.

Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. “Talaga bang gusto mong makita kung paano ako magsakripisyo at paghirapan ang pagmamahal ko sa iyo o gusto mo akong makitang pumalpak? Kaya parang napaka-imposible ng mga task na ibinibigay mo sa akin dahil inaasahan mo na hindi ko magagawa. Sa simula pa lang plano mo na akong pauwiin. Wala kang plano na pagtagalin ako dito. Fair is fair. Kung iniisip mo na dinaya kita, mas lalo namang ikaw na sa simula pa lang ay gusto na akong mag-fail. Sino ang mas madaya sa atin?” naghahamon niyang tanong.

Natilihan si Benedikt at napalunok. “That is not the point.”

Ikiniling niya ang ulo. “The point is you gave me impossible tasks. Mga tipong superhuman lang ang pwedeng makagawa. Hindi ko na kasalanan kung may mga taong gustong tumulong sa akin para lang mapatunayan ko sa iyo na mahal kita. Ano naman ang plano mong ipagawa sa akin bukas? Ibaon ako nang buhay at huhukayin mo ako matapos ang isang oras ay titingnan mo pa kung humihinga ako?”

Nagtagis ang bagang binata. Halata naman na guilty rin ito. “I just want you to pack your bags and go home. I don’t want you to stay here. Just go home.”

Hindi nakagalaw si Maki sa kinatatayuan. Ibig sabihin ay dito na talaga aabot ang lahat. She tried to delay it with her arguments but she would be out of his life in the end. Ano nang gagawin niya ngayon? Susuko na lang siya o mag-eempake na? Hanggang dito na lang ba ang pagmamahal niya kay Benedikt?

“Ano iyon?” biglang untag ni Benedikt sa kanya.

Inangat niya ang tingin dito. “Anong ano iyon?” naguguluhan niyang tanong.

“Parang may kumakanta sa labas,” sabi nito.

Hangos na pumasok si Manang Lucing sa bahay na mukhang excited na excited. “Ma’am Maki, may nanghaharana po sa inyo sa labas. Halika po kayo,” anang matandang babae at hinila ang kamay niya papunta sa balkonahe.

Nasa labas si Tonio at kumakanta kasama nito ang mga kasamahang magsasaka. Nakabihis ang mga ito ng polo shirt at pantalong maong. Ang isa sa mga ito ang tumutugtog ng gitara habang back-up singers naman ang iba.

Bohol-anon ang kanta at dahil di siya gaanong marunong ng dialekto ay nagtanong siya kay Manang Lucing. “Ano pong kinakanta nila?”

“Iyan ay pangharana ng mga taga-Bohol. Ibig sabihin kung ikaw daw ay pipili ng mapapangasawa, piliin mo daw ang Bohol-anon. Kasi ang mga lalaking taga-Bohol ay mababait at mapagmahal. Naku! Totoong-totoo iyan, Ma’am. Kaya nga ako na-in love sa asawa ko kahit di siya kaguwapuhan kasi mabait at mapagmahal. Kaya nga di na ako umuwi sa amin. Kinikilig tuloy ako. Baka mamaya di na rin kayo umuwi sa inyo dahil na-in love na kayo dito.”

Natawa na lang siya. Kung alam lang nito na iyon na ang huling gabi niya sa Bohol. Uuwi siya dahil bigo siya sa pag-ibig. At kahit na nababaitan siya kay Tonio, di naman ganoon kadali lang para sa kanya na magmahal ng iba. Aalis siya sa Bohol nang bigo at sugatan. Magandang pagkakataon lang ang panghaharana ni Tonio para ma-distract siya sa totoong nilalaman ng puso niya.

Pumalakpak siya nang matapos kumanta ang grupo nila Tonio. “Magandang gabi po,” sabi ni Tonio at bahagyang yumukod.

“Salamat sa harana, Tonio,” sabi niya.

“Naku! Ang galing-galing mo palang kumanta, Tonio. Nakakatuwa naman,” sabi ni Manang Lucing. “Pati mga kasama mo magagaling din.”

“Magpapaalam po sana ako kung pwedeng manligaw kay Maki,” anang binata.

Bigla tuloy siyang nakadama ng pagkailang dahil di niya alam kung anong susunod na sasabihin dito. Malamang ay di niya ito pwedeng patuluyin sa bahay ni Benedikt. Hindi niya alam kung pwede niya itong i-entertain sa bahay ni Manang Lucing kahit na bilang isang kaibigan. Wala naman sigurong masama doon. Di naman kasi niya pwedeng itaboy ang grupo nila Tonio dahil nakakahiya naman. Mabait si Tonio sa kanya at matulungin. Kahit simpleng pagharap nang maayos ay maipakita niya dito bilang pag-appreciate dito.

“Bawal ligawan si Maki,” anang si Benedikt at tinabihan siya sa may balkonahe.

Gulat niyang tiningala ang binata. “Benedikt,” usal niya sa pangalan nito. Ayaw nito sa kanya tapos ay bawal siyang manligaw. Iniisip ba nito na ie-entertain niya si Tonio sa mismong bahay nito? Hindi naman siya ganoon.

“Bakit naman po, Sir?” anang si Manang Lucing na siyang nagkaroon ng lakas na magtanong.

Napapitlag siya nang bigla siyang hapitin ni Benedikt sa baywang at isinandig siya sa katawan nito. “”Dahil girlfriend ko si Maki.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.