You’re Still My Man (Filipino) Chapter 79

DAHIL girlfriend ko si Maki. Dahil girlfriend ko si Maki.

Paulit-ulit na naririnig ni Maki sa isipan niya ang sinabi ni Benedikt. Pakiramdam niya ay halusinasyon lang ang lahat. Nakaestatwa na lang siya sa balkonahe ng bahay ng binata hanggang makita na lang niyang inaalalayan ni Manang Lucing palabas ng gate ang malungkot na grupo nila Tonio. Hindi na nga siya nakapagpaalam ng maayos sa mga ito dahil hindi pa rin mawala sa kanya ang imprenta ng init ng katawan ni Benedikt. Nararamdaman pa rin niya ang labi nito na nasa ibabaw ng ulo niya. Ano bang nangyayari? Nananaginip ba siya?

“Pumasok na tayo sa loob. Gutom na ako,” anang si Benedikt sa malamig na boses.

Saka lang siya natauhan nang iwan siya nito sa balkonahe at pumasok ito sa loob ng bahay. Anong nangyari? Matapos nitong sabihin na girlfriend siya nito sa ibang tao at itaboy ang mga bisita niya ay ganoon-ganoon lang iyon? Babalik na naman sila sa dati.

Napilitan tuloy si Maki na sundan ito sa loob. Naabutan niya ito sa dining area na inaayos ang mga plato sa mesa. “S-Sandali lang. Bakit ginawa mo iyon? Bakit pinaalis mo ang mga bisita ko?”

“Maki, you pledged that you love me and you will do everything for me. Tapos gusto mo na mag-entertain ng manliligaw sa bahay ko? Anong gusto mong itawag ko doon?”

“Benedikt, hindi ko naman sila ie-entertain dito sa bahay mo. Siguro doon kami kay Manang Lucing. Saka di naman ako magpapaligaw. Kaibigan ko sila. Sila ang tumulong sa akin…”

“Para makapasa ka sa pagsubok ko sa iyo? I know.”

Kinuyom niya ang palad. “Ano ba ito, Benedikt? Gusto mo lang talagang sumama ang loob ko? Aalis na nga ako bukas. Ano pa bang gusto mo? Hindi mo na kailangang sabihin sa kanila na girlfriend mo ako para lang itaboy mo sila.”

“Gagawin ko kung anong gusto ko sa bahay na ito,” anito sa mabigat na boses. “At ayokong may tatapak sa lupain ko na ibang lalaki na may gusto sa iyo.”

“Bakit?” tanong niya. “I am leaving anyway.”

Iniwan nito ang ihinahaing pagkain at nilapitan siya. “Yes, you are leaving tomorrow. Pero hindi ka uuwi sa La Reina. You are coming with me.”

“Saan?”

“Anywhere. Kung saan ko gusto.”

“At bakit mo naman gagawin iyon?”

Ngumiti ito at pinisil ang baba niya. “Your wish is granted, my fairy. Sa natitirang araw ng usapan natin ay makakasama mo ako.”

“Bilang ano? Alipin mo? Alalay mo?”

“As my girlfriend, of course. Iyon ang sinabi ko kanina, hindi ba? Come. Maghapunan ka na. Alam ko na nahirapan ka sa pagpapatunay na mahal mo ako.”

NAHIHILO na si Maki sa sunud-sunod na instruction ni Benedikt sa kanya sa kung anong mga damit ang dapat niyang isukat at iparada sa harap nito. Wala siyang matinong tulog nang nakaraang gabi dahil hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng bagong pangyayaring ito – siya bilang nobya ni Benedikt Valenciaga.

And this was what it would entail. Umaga pa lang ay gumising na sila at idinala siya nito sa Tagbilaran City para mamili sa isang boutique. Alas otso pa lang ng umaga ay bukas na ang boutique at sinalubong na sila ng may-aring matandang babae. They were assisted hand and foot by the staffs. Habang parang di pa mai-proseso ng utak niya ang mga nangyayari.

“Try this floral dress,” sabi ni Benedikt at inabot sa kanya ang damit. Nang di siya agad gumalaw ay pumitik ito na parang gusto siyang gisingin sa pagkatulala niya. “Go! We don’t have much time.”

“Benedikt, kailangan ko pa ba talagang isukat iyan? Kanina pa ako nagsusukat dito,” angal ni Maki. Hindi naman niya alam kung anong magugustuhan ni Benedikt. Kada sukat kasi niya ay parang di naman ito masaya. Parang di naman bagay sa kanya.

She was really lost with what’s in with fashion. Isa iyong bagay na di niya napagtuunan nang nagdaang mga taon at hindi naman mahalaga sa La Reina. The clothes in Emerald Boutiques were really elegant. Mukhang up-to-date ito sa kung ano ang trend di lang sa fashion world sa Pilipinas kundi sa ibang bansa. The colors were bold and the fabrics were heavenly to the skin. Nae-enjoy sana niyang magsukat ng damit kung alam lang sana kung ano ang plano ni Benedikt para sa kanya. Kahapon pa ito umaakto nang kakatwa simula nang sabihin nito sa grupo ni Tonio na nobya siya nito.

“Pagod ka na bang magsukat?” Sinenyasan nito ang sales attendant na dala ang lahat ng pinili ni Benedikt na isukat niya. “We will get everything.” At saka inilabas ng binata ang platinum credit card nito saka ibinigay sa attendant.

Nanlaki ang ulo niya. “T-Teka lang. Anong ginagawa mo?”

“Ibinibili ka ng damit.”

Pinigilan niya ang kamay nito nang akmang kukuhanin na ng attendant ang credit card. “Hindi mo naman ako kailangang ibili ng ganyang karaming damit. May sarili naman akong damit.”

Nanunuri siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa. “You are mine for ten more days. You are my girlfriend, right? You have to look the part. Hindi bagay isuot ng girlfriend ko ang mga damit na dala mo.”

Parang sinampal si Maki. “Anong sabi mo?”

“I said as my girlfriend, you must look like one. I am Benedikt Valenciaga. Kapag oras na para bumalik ka sa Isla La Reina at ayaw mo na sa damit mo, pwede mo namang itapon, sunugin, ipamigay o ibenta kung gusto mo. Do whatever you want. I really don’t care. Pero habang girlfriend kita, isusuot mo kung anong gusto mo.” Tinanguan nito ang shop attendant. “Please pack everything fast. We don’t want to get late.”

“Yes, Sir,” sagot ng shop attendant.

Bigla siyang nanliit sa sarili niya. Of course, hindi na nga naman siya ang dating heredera ng mga Rubella. She was now a lowly elementary school music teacher. Hindi na niya kayang bilhin ang mga isinusuot niya dati na babagay sa nobya ni Benedikt Valenciaga. At bilang “nobya” nito ngayon, babalik na naman siya sa dati.

Wala namang problema kung umaakto ito bilang nobyo niya gaya nang dati kung saan malambing ito at laging nakangiti sa kanya. Malambing din ito kung magsalita. Ngayon ay sunud-sunod ang utos nito sa kanya. That was not his ways as her boyfriend then. Parang sinapian ito ng madrasta niyang si Santina na nag-uutos sa kanya kung ano ang dapat niyang isuot o maging ayos kapag kasama niya ito.

“May problema ba?” tanong ni Benedikt sa kanya.

Marahan siyang umiling. “W-Wala.”

“Good.” Kumuha ito ng isa pang dress na gawa sa chiffon at puro pastel ang kulay. “Wear this one. Then we are leaving.”

Bumuntong-hininga si Maki at napilitang pumunta sa fitting room. Hinubad niya ang cotton blouse at ang jeans-leggings saka isinuot ang dress. She looked a bit elegant, at least. Mas presko din ang damit na iyon na nagpapakita ng magandang hugis ng katawan niya.

“Dress the part as Benedikt Valenciaga’s girlfriend. Great,” nakangisi niyang usal. “His temporary girlfriend for ten more days.”

Nang lumabas ito ay tumango ito bilang pagsang-ayon sa damit niya. Dali-dali namang lumapit ang isa pang attendant at pinagsukat siya ng sandals na babagay sa dress niya. Binigyan din siya nito ng shades, wide-brim hat at eleganteng water lily bag na bagamat gawa sa Pilipinas ay latest craze daw sa Amerika at Europa ngayon.

“Now that is perfect. Let’s go,” anang si Benedikt at inalalayan siya sa siko palabas ng boutique. Kasunod nila ang mga shop attendant na dala-dala ang dalawang dosena yata ng paper bag na naglalaman ng pinamili nilang damit at iba pang accessories para sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.