You’re Still My Man (Filipino) Chapter 83

IPOKRITA si Maki kung sasabihin niya na hindi niya na-enjoy ang spa at massage treatment niya. Pakiramdam niya ay bagong tao siya. Sa loob ng apat na oras ay inasikaso siya ng mga staff ng resort. Mula sa body scrub, sauna, massage kasama na pati ang manicure at pedicure. Iyon ang ultimate reward sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan niya nang nagdaang araw. Parang nasa langit siya at matagal nang panahon nang huli niyang naranasan ang ganoon kabonggang treatment.

Sa loob ng siyam na taon ay puro pangangailangan lang niya ang ginagastusan niya. She felt too guilty to indulge with anything so expensive. Wala siyang luho sa katawan dahil kakarampot lang naman ang sweldo niya. At ayaw niyang isipin ng nanay niya na nami-miss niya ang dati niyang buhay at nagsisisi siya sa pagsama dito.

Sa ngayon ay wala siyang iisiping ibang bagay. Iisipin lang niya ang kaligayahan niya at ang itinitibok ng puso niya. She didn't want to think about the guilt, only the pleasure. Dahil susulitin niya ang sampung araw para maging masaya kasama si Benedikt.

Mukhang gustong tiyakin ni Benedikt na perpekto siya sa gabing iyon. Nagpadala pa ito ng hair stylist at make up artist para magmukhang elegante siya. Itinali ang buhok niya at saka kinulot ang dulo. Ipinasuot ni Benedikt ang single shoulder gown niya na gawa sa peach na chiffon at may accent ng diamante sa balikat. Dahil wala naman siyang masyadong alahas ay nagtiyaga na siya sa fancy jewelry na dala-dala niya. Pwede na iyan kaysa sa wala.

Maya maya pa ay kumatok na si Benedikt at pumasok sa kuwarto niya. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Pagkuwan ay nalukot ang mukha nito. "Ano iyang suot mo?"

"Alin?"

"Your accessories. Hindi bagay sa iyo."

Umikot ang mga mata niya. "Because they are fancy jewelries? Anong gusto mo? Magsuot ako ng diamante?"

"Yes," he answered in a hiss.

Naggiyagis ang ngipin niya. Nang-iinis ba ito? Alam naman nitong wala siyang mamahaling alahas. "At magma-magic ba ako ng diamante?"

"Let me do the magic." Mula sa loob ng dinner jacket nito ay isang maliit na kahon ang inilabas nito. "Try this." Binuksan nito ang kahon at tumambad sa kanya ang set ng alahas na gawa sa diamond naka-set sa ginto. "Don't be scared. Hindi nangangagat iyan."

Nang di siya gumalaw ay si Benedikt mismo ang nag-alis ng nakakawit na hikaw sa tainga niya. Nahigit niya ang hininga nang maglaro sa ilong niya ang panlalaking cologne nito. It made her feel so heady as it assaulted her senses. Pakiramdam niya ay nahihipnotismo siya at hindi siya tututol sa anumang iutos nito sa kanya.

"I don't want my date to look anything less than perfect," bulong nito sa tainga niya. Umurong ito nang sa wakas ay matanggal ang dalawang hikaw sa tainga niya. "There."

Pumunta ito sa likuran niya at tinanggal ang kuwintas na nakasabit sa leeg niya. Tumingin siya sa gilid niya at nakita niya kung paano nito isuot ang kuwintas sa likuran niya. Pumitlag ang puso niya nang mapagmasdan ang G-cleft pendant kung saan tinalunton ng diamante ang ginto. "This is..."

"Expensive?"

"Beautiful," sa halip ay sagot niya at nakangiting nilingon ito.

He planted a brief kiss on her nape. "Anything for my girl." Sumunod naman nitong inilagay ang bracelet sa braso niya.

Anything for my girl. If she didn't know better, those words might get into her head. Lagi iyong sinasabi sa kanya ni Benedikt noong handa pa itong ialay ang buong mundo sa paanan niya. Hindi na iyon ang Benedikt na nasa harapan niya ngayon. He was doing this because he wanted her to look like some sort of trophy girlfriend. She wanted her to look the part. Hindi nito ginagawa ito para sa kaligayahan niya. Kung nariyan pa rin ang Benedikt na nagmamahal sa kanya, malamang ay sinisikil nito.

Ngumiti na lang siya nang tumayo ito at inalok sa kanya ang bisig nito. “Let’s go.”

Taas-noo siyang naglakad sa hallway hanggang pababa ng grand staircase. Kinalimutan niya kung sino siya – ang simpleng guro ng Isla La Reina. She could feel the air of opulence whaffing around her. Dahil sa lugar na iyon, siya ang huling heredera ng Rubella. Every part of the house was telling her that.

Nakatulong din na bago na ang mga staff na nasa resort. Wala nang nakakaalala sa kanya. Pawang bata ang mga ito at marahil ay anak ng mga dating trabahador doon. Hindi na siya maaalala pa ng mga ito.

Ang malawak na bulwagan sa unang palapag ay naging restaurant. Tampok ang higanteng kristal na chandelier na nakasabit sa kisame na nagmula pa sa Rennaissance period sa bansang Italya. Nakilala niya ang may limang mag-asawang bisita ng resort na interesado sa itatayong retirement resort ni Benedikt sa Anda, Bohol. Sa halip na sa tabing-dagat ay sa paanan ng bundok iyon gagawin. Gaya ng mag-asawang Susan at Ricardo ay mga Pilipino ang mga ito na nagtrabaho at nanirahan sa ibang bansa pero gustong mag-retire sa Pilipinas, partikular na sa Bohol. Tahimik lang si Maki habang hinahayaan ang mga ito na magtanungan tungkol sa Bohol, sa mga tao doon at sa iba pang bagay gaya ng negosyo.

So this is what it is like. Mukhang hesitant pa daw ang mga mag-asawa nang i-recommend si Benedikt dahil masyado daw itong business-like at parang walang inasikaso kundi negosyo. Looked like they opened up a bit when they saw her. Medyo nag-mellow daw ang binata nang malamang may nobya ito.

“So when are you settling down, Benedikt?” tanong ni Leorio, isang negosyante na nakabase sa Norway. “Kung may ganyan kagandang babae sa tabi ko, pakakasalan ko agad iyan. That’s what I did with my wife.”

“Ang sabihin mo, ginayuma mo ako,” anang asawa nitong si Elvira na katu-katulong din ang asawa sa negosyo nito.

Nagtawanan ang lahat sa mesa kasama na si Maki hanggang maisip niya ang implikasyon ng tanong na iyon. Bigla siyang natigilan at tiningnan si Benedikt. Tumatawa din ito at saka ginagap ang kamay niya. “That is up to Maki. She’s the flighty one, you know? Kapag pinag-uusapan ang kasal, parang tatakbo agad siya palayo.”

“Oh! That is something new. Ang alam ko ang mga babae ang nagkukumahog na alukin sila ng kasal ni Benedikt,” sabi ni Susan.

Hindi niya alam kung paano niya nagawang panatilihin ang ngiti sa labi niya. Maybe it was part of the social skills imparted to her by her stepmother. Na-perfect niya ang pagngiti kahit na nagra-rambol ang kalooban niya. Flighty? Tatakbo palayo kapag inalok ng kasal? Aray! It was a huge blow. Subalit hindi naman niya masisisi si Benedikt. He was the jilted groom after all. Pero paano naman siya sasagot doon ngayong nakatutok na ang mga mata sa kanila ng mga kasama nila sa mesa.

“She’s very dedicated to her job. She’s a music teacher,” sabi ni Benedikt at hinaplos ang likod ng kamay niya. Parang sinasabi nito na kumalma lang siya at di naman siya nito tuluyang ilalaglag. “Ganoon yata talaga kapag karibal mo ang maraming bata.”

“Mahal mo ang trabaho mo?” anang si Susan sa malumanay na boses.

“Opo. I-Iyon po kasi talaga ang gusto ko noong bata pa ako,” sagot niya at bahagyang nakahinga ng maluwag dahil naka-focus na sa trabaho niya ang usapan.

“Sabi ni Benedikt na music teacher ka. Do you play instruments?” tanong ni Bettina na sa Japan na nagtrabaho mula noong disi-otso pa lang ito at napangasawa ang half-Japanese na may-ari ng bar sa Okinawa.

“She plays the piano, violin and guitar. Pero mas gusto niya ang piano. Nakakapag-compose pa nga siya ng sarili niyang kanta,” pagmamalaki ni Benedikt.

“Pwede ka bang tumugtog para sa amin?” tanong ni Nelia na galing namang Canada. “Alam mo ba ang Somewhere In Time?”

Tumango siya. Iyon ang isa sa unang itinuro sa kanya ng ina dahil paborito iyon ng namayapa niyang lola. “Okay lang po ba?” tanong niya kay Susan.

“Of course. Di naman laging may pianist dito sa resort para tugtugan kami. It would be nice to hear a live music than the ones at the music player,” anang si Susan na mukhang excited na excited.

Pinisil ni Benedikt ang kamay niya. “Make it good,” bulong nito.

“Of course.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.