You’re Still My Man (Filipino) Chapter 91

“MAKI, anak, kumusta ka na diyan sa Palawan?”

“Okay lang po ako. Nagbabad po ako sa waterfalls at nag-island hopping,” napipilitang sagot ni Maki kay Aling Lupita habang nakaupo sa wicker chair at pinapanood ang paglubog ng araw. Napagod siya sa buong hapong pamamasyal at gusto lang niyang magpahangin sa labas habang pinagmamasdan ang pagsabog ng gintong liwanag sa kalangitan. She was watching the beautiful sunset alone and she was not okay.

Nang bumalik siya mula sa pamamasyal ay nalaman niyang wala si Benedikt sa kuwarto nito. Nagpunta daw ito sa Tagbilaran pero babalik din naman. It was like a wake up call. Kinalimutan niya ang buhay niya sa labas dahil dito. Maraming kasinungalingan ang kailangan niyang imbentuhin para lang mapagtakpan na magkasama sila ni Benedikt.

“Sayang nga dahil nakaalis na si Talia. Sa Cebu na lang daw sila magkikita ni Franco para makapasyal naman daw sa ibang lugar ang tatay niya. Gusto daw makakita ng mga butanding sa Oslob. Parang gusto ko rin iyon.”

“Sa susunod po pumunta tayo doon.”

“Huwag na. Gastos lang iyon.”

“Huwag po ninyong intindihin ang gastos. Ako po ang bahala.”

Nagi-guilty siya sa pagtatago niya ng katotohanan sa ina. Kaya naman kailangan niyang makabawi dito kahit na paano.

“May maganda pala akong balita sa iyo. Ibinaba na ang temporary restraining order sa pagpapatayo ng international aiport. Nalaman din na sa dummy account pala nakapangalan ang lupa na tatayuan ng airport. Kay Governor Marasigan din pala iyon. Kaya naman patong-patong ang problema niya.”

Nahigit niya ang hininga. “Ganoon po ba?”

“Oo. Kaya mukhang malabas ang laban natin sa kaso. Kaya naman umaasa kami na tuluyan nang maibabasura ang project na iyon.”

Nasapo niya ang dibdib. “Magandang balita po iyan.” Alam niya na malaking tagumpay na iyon para sa mga taga-La Reina. Hindi pa kumpleto ang tagumpay nila pero magandang senyales na ang pagbaba ng temporary restraining order.

“Nagbunga rin ang pinaghirapan namin. Siyanga pala, nandito si Robert pati ang ibang kasamahan mong teacher. Kung ayos lang daw bas a iyo na kausapin mo siya kahit sandali. Wala daw kasi silang balita sa iyo.”

“S-Sige po,” napipilitan niyang sabi. Hindi siya komportable na madagdagan ang kasinungalingan niya pero baka magtampo ang binata kapag hindi niya kinausap. Malungkot na nga ito dahil di siya pumayag na sumama ito sa bakasyon niya sa “Palawan”.

“Maki, si Robert ito. Ayos ka lang ba diyan sa Palawan?” tanong nito.

“Oo naman.”

“Pero nagkasalisi kayo ng kaibigan mong si Talia. Akala ko ba magba-bonding kayo? Nagkita kasi kami kahapon.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Oo nga. Pero ayos lang ako. May iba naman akong kaibigan dito sa Palawan. Sa bandang Quezon ako.”

“Sa Quezon ba? E di nakapasyal ka sa Tabon Cave diyan,” sabi nito.

“Uhmmm… oo. Nakapunta ako sa burial cave.” Mabuti na lang at may ideya siya sa kung anong makikita sa loob ng Tabon Cave at burial cave din ang napuntahan niya kanina.

“Pwede pa kitang puntahan diyan kung nalulungkot ka. Mukha kasing nami-miss mo na kami dito.”

Pagak siyang tumawa. “Huwag na. Okay lang ako dito. Hindi naman ako naho-homesick. Hindi mo na ako kailangang puntahan.”

“Pero ako nalulungkot dahil miss na miss kita,” anito sa mababang boses. “Parang mababaliw na nga ako, Maki. Sabihin mo naman na miss mo rin ako.”

“Ano? Miss ko nga kayo diyan.”

“Gusto ko sabihin mo na ako ang nami-miss mo. Hindi ‘yung kasama ang iba.”

“Robert…”

Magpapaalam na sana siya dito dahil ayaw niyang paasahin pa ito. Hindi siya komportable lalo na’t nasa isang lugar siya kasama ang lalaking mahal niya. Unfair talaga kay Robert na paasahin pa niya ito.

Nagulat na lang siya nang biglang may humablot sa cellphone niya. “Anong…” Nang lumingon siya ay nakita niyang nakatayo sa likuran niya si Benedikt at hawak ang cellphone niya. Matiim ang mukha nito at saka pinindot ang end button. “Hey! May kausap pa ako.”

“Not anymore. Na-lowbatt na ang cellphone mo,” anito at nang ibalik sa kanya ang celphone ay naka-off na iyon. “Isn’t this nice? Nagmamadali akong bumiyahe mula sa Tagbilaran para hindi ka paghintayin sa dinner tapos maririnig ko lang na kausap mo si Lover Boy? What’s this? Nami-miss mo siya?”

Bigla siya nitong tinalikuran bago pa siya nakasagot at sinundan niya ito papasok ng main house. Napilitan siyang sundan ito. “Benedikt, you are being unreasonable. Hindi ko naman sinabing nami-miss ko si Robert.”

“Sabi mo nami-miss mo sila. Kasama na siya.”

“I am just being polite. Alangan namang di ko siya isali. Masama ba iyon?”

“Yes. When it comes to that man, ayokong nami-miss mo siya,” sabi nito at nagdadabog na umakyat ng grand staircase. Sa dilim ng mukha nito ay nagsisitabi ang mga kasalubong nito. Hindi talaga niya alam kung anong problema nito. Siya nga itong iniwan nito buong maghapon. May narinig ba itong kahit ano sa kanya? Wala.

“Huwag mong sabihing nagseselos ka?” tanong niya nang akmang bubuksan nito ang pinto ng kuwarto nito.

“You are mine. At ayokong kausapin ka ng isang iyon.”

Pumasok ito at sinundan niya ito pero sumandal lang siya sa nakasarang pinto habang pinapanood ito na pumunta sa personal ref nito at kumuha ng malamig na bote ng mineral water. “Si Nanay ang kausap ko. Nagkataon lang na nasa bar si Robert at ang co-teachers ko. Pinadaan lang niya kay Nanay kaya nagkausap kami.”

“Ganoon ba?” anitong biglang nahimasmasan.

“Kung dapat mong pagselosan si Robert, wala sana ako dito. Walong taon tayong nagkahiwalay pero nagka-interes ba ako sa ibang lalaki? Benedikt naman!”

Nasa dulo ng dila niya ang sumbatan ito tungkol kay Hannah. Kung paanong mas inuna nito ang babae at iniwan siya. Ni hindi nga siya nito sinundan sa tour at hindi man lang sinagot ang text messages niya dito. Kundi pa siya bumalik ng resort ay di niya malalamang nasa Tagbilaran pala ito. Pero di na niya ito itinuloy ang sasabihin. Nakita niya ang pagod sa mukha nito. Mula Tagbilaran pa ang ibiniyahe nito. Mukhang importante iyon. Wala na itong lakas para makipagtagalo sa kanya.

Hinapit nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa noo. “I am sorry. I am… I am just tired. Masyadong maraming nangyari sa buong araw na ito. I-It was messy.” At isinuklay nito ang daliri sa buhok.

Gusto sana niyang tanungin kung may kinalaman iyon sa pagbaba ng temporary restraining order sa pagpapatayo ng La Reina International Airport? Ang alam niya ay may mga kontrata ang kompanya ni Benedikt sa pagpapatayo ng iba’t ibang commercial establishment sa paligid ng airport. Malalaking proyekto ang mga iyon at natural lang na mataranta ito dahil hindi biro ang impact sa mga proyektong hawak nito kundi na maitatayo ang airport. And she felt guilty because she was on the other side. Ang grupo ng nanay niya ang tumututol sa pagpapatayo ng paliparan.

Hinila niya ito paupo sa couch at saka minasahe ang balikat nito. “Gusto mo bang dito na lang sa kuwarto mo mag-dinner?”

Hinawakan nito ang kamay niyang nakapatong sa balikat nito. “Maki, m-may nangyari sa La Reina.”

“Kapag ba pinag-usapan natin iyan, mas bubuti ang pakiramdam mo?”

Marahan itong umiling. “No.”

“If you will feel bad about it, huwag na lang nating pag-usapan. You spent the whole day working on it. I am sure you alerted your staffs and you discussed it with whoever is concerned, right?” malumanay niyang tanong.

“Yes,” anito at tumango. “Naisip ko lang na baka gusto mong malaman.”

“Benedikt, nagpunta tayo dito para kalimutan ang La Reina. Walang problema sa akin kung gusto mong magtrabaho. I don’t mind. Pero kung magkasama sana tayo, kalimutan mo muna ang tungkol sa trabaho. Kahit pa tungkol iyan sa La Reina. Okay?”

“Okay,” anito at huminga ng malalim.

“I think I have a way of making you forget about that problem even for a while.”

Yumuko siya at hinagkan labi nito. Benedikt was more than willing to deepen the kiss. They lost themselves to the sensation and blocked out the rest of the world.

It was the best distraction. Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa airport o si Hannah dahil ayaw niyang magtalo sila ni Benedikt. Wala na siyang oras para makipagtalo dito. She just wanted to give him her love for the rest of the days they were together. Hindi niya sasayangin ang mga oras na makakabuo sila ng magagandang alaala.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.