You’re Still My Man (Filipino) Chapter 93

Pumikit siya nang yakapin siya ng pamilyar na bango ng lumang libro mula sa nakahilerang hard bound books sa mataas na floor-to-ceiling bookshelf. A scent that she associated with her grandfather. He loved books…. and tobacco. Nagtatalo ito at ang lola niya noon dahil kapag nagbabasa ito ng libro ay may hawak pa na tobacco. At may humaplos sa puso niya nang makita ang tobacco pipe nito sa estante. Gayundin ang korona ng lola niya nang manalo ito sa isang beauty pageant noong kabataan nito.

Naalala niya kung paano siya sinubukang i-spoil ng lolo at lola niya bilang nag-iisang apo. Madalas nitong makatampuhan ang nanay niya dahil sa magkaibang systema ng pagpapalaki nito habang ang ama naman niya ay ang referee.

This place was full of memories of her childhood. Mga bagay na bahagi ng pagkatao niya ay humubog sa kanyang pagkatao. Mga bagay na nagturo sa kanya kung bakit siya naging mapagmahal.

“At ito naman ang wedding painting nina Franco at Lupita Rubella.” Tumigil sa pagtibok ang puso niya nang makita ang larawan ng mga magulang niya. “Sila ang mag-asawa na may-ari nitong mansion at resort.”

Tiningala niya ang masayang painting ng ama at ina. At may iba pang larawan ang mga ito na nakakuwadro at nakapatong sa estante na parang kahapon lang nangyari ang lahat. Hindi pa siya ipinapanganak nang mga panahong iyon.

Luminga siya sa paligid. Hindi niya maintindihan. Ang alam niya ay itinapon na ang mga larawan na iyon o sinunog ng ama niya. Wala siyang makitang larawan man lang ni Santina kasama ang ama nila o ang magarbong kasalan ng mga ito na itinuturing na kasal ng dekada. Hindi ba’t iyon ang dapat na nakatampok doon? Anong nangyari?

“I… I am sorry. Iba yata ang alam kong asawa ni Franco Rubella. A certain Santina?”

Kumunot ang noo ni Susan. “Santina?”

“Y-Yes. Naaalala ko lang kasi,” lumunok siya, “laman siya ng diyaryo noon dahil sa mga parties niya. Di ko lang maiwasang maalala.” Kinagat niya ang dila dahil baka kung ano pa ang masabi niya.

“Wala akong natatandaang Santina Rubella. Ang alam ko lang ay si Lupita Rubella ang asawa ni Franco Rubella. She was a musician. Pamilyar siya sa akin dahil nakikinig ako ng kanta niya noong dalaga ako hanggang mag-asawa nga siya. Ito ang nag-iisang anak nilang si Maria Makiling Rubella,” anang si Susan at inilahad ang palad sa picture niya noong kapapanganak pa lang nila.

Sari-saring larawan niya ang nakakuwadro na katabi ng larawan niya kasama ang mga magulang –mula pagkabata niya hanggang maging dalagita siya.

Natigagal siya nang makita niya ang picture niya noong debut siya kung saan hinahalikan ng batang Benedikt ang likod ng palad niya. And there was her on the piano during the opening of La Playa Rubella Resort.

“You are Maria Makiling Rubella, right?” anang si Susan sa likuran niya. “Ikaw ang babae na dapat pakakasalan ni Benedikt pero iniwan siya.”

Nanigas siya sa kinatatayuan dahil di niya alam kung anong sasabihin kay Susan. Pinili niyang huwag itong harapin nang sumagot. “Not anymore. Tinalikuran ko na iyon dahil sa… sa kasinungalingan sa pagkatao ko. Hindi ko kayang mamuhay sa kasinungalingan.” Lumingon siya dito. “Wala sa plano ko na bumalik pa dito. Si Benedikt lang kasi…”

Huminga ito ng malalim at sumandal sa bakanteng mesa na gawa sa kamagong. “Alam ko na iyon pagtapak mo pa lang. Marami na sigurong nagbago sa iyo pero makikilala pa rin kita. Binabalik-balikan ni Benedikt ang lugar na ito kaya ko siya nakilala. Malungkot siya lagi kapag nandito siya at lagi siyang uupo sa piano pero di naman siya tumutugtog. At minsan magkukulong lang siya sa dating kuwarto mo. Nalaman ko lang ang kwento dahil sa isa dating staff dito na matagal nang tauhan ng mga Rubella pero namatay na. He loves you.”

“Sa maniwala ka at sa hindi, hindi ko intensyon na saktan si Benedikt. Pero di ko maibibigay sa kanya ang sarili ko nang buong-buo kung patuloy akong mabubuhay sa kasinunangalingan.” Huminga siya ng malalim. “Hindi ko inaasahan na magkikita kami ulit. Kinamumuhian niya ako, alam ko. I made his life miserable.”

“But he still loves you. At nakikita ko naman na mahal mo pa rin siya.”

Pagak siyang tumawa. “Hindi niya aaminin iyan kahit na kanino.”

Kumunot ang noo nito. “Pero magkasama kayo ngayon. Ngayon lang din siya may ipinakilalang babae sa akin at idinala dito. Nang kasama mo siya, saka ko lang siya nakitang ngumiti nang kasama ang mga mata niya. Wala na ang lungkot sa mga mata niya.”

“This is just temporary. Matapos ang isang linggo, babalik na po kami sa kanya-kanya naming buhay. Hindi na kami pwedeng magsama dahil magkaiba na kaming tao ngayon.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Can’t you work it out? Parang anak ko na si Benedikt. Kung mabibigyan kayo ng pangalawang pagkakataon para maging masaya, bakit naman hindi? Ayaw mo bang maitama ang mali ng nakaraan?”

“Gaya ng ginawa ng tatay ko sa museum na ito?” tanong niya at inilahad kamay ang wedding picture nito at ng nanay niya. “Kahit na anong gawin niya, hindi na mawawala ang sugat na idinulot niya sa pamilyang ito. Sinira ni Lolo at ng madrasta kong si Santina ang nanay ko dahil lang di siya karapat-dapat sa pagiging Rubella. Hindi na niya maibabalik ang sampung taon na pagkakakulong ng nanay ko kahit wala siyang kasalanan habang kinamumuhian ko siya sa loob ng sampung taon. Di ko na rin maibabalik ang panahon na iniwan ko si Benedikt at sinaktan. Kahit pa sabihing mahal namin ang isa’t isa. I am not an heiress anymore. Hindi na ako ang heredera ng mga Rubella na maihaharap niya sa mundo. I ruined that chance.”

“At ang ginagawa ninyo ngayon ni Benedikt ay…”

“Huling pagkakataon para magkasama kami. Dahil pagkatapos nito, may kanya-kanya kaming responsibilidad sa buhay namin sa labas. May ibang babaeng naghihintay kay Benedikt. At alam ko na hindi siya iiwan ng babaeng iyon o sasaktan.”

Pinisil nito ang kamay niya. “Ipaglaban mo si Benedikt.”

“Nasa kanya na po iyon kung anong gusto niya matapos ang bakasyon na ito. Hindi na sa akin si Benedikt. Hindi na ako umaasang magkakasama kami habambuhay. Sapat na ang ilang araw na kasama ko siya ngayon.” Pumatak ang luha sa mata niya. “Masaya po talaga ako.”

Niyakap siya nito. “Nalulungkot ako na sa ganito kayong magtatapos na dalawa. Kung may magagawa lang sana ako para sa inyong dalawa. Nagmamahalan kayo pero di kayo pwedeng magkasama? That is a load of bull.”

“Hindi po ako umiiyak dahil malungkot ako. Masaya po ako. Masaya po ako sa pagkakataong ito. Matapos ang lahat ng pinagdaanan ko sa buhay, masaya na ako na nakasama ko siya ulit kahit na sandali lang. Na naramdaman ko na mahal niya ako kahit na hindi niya sabihin sa akin. Kahit sandali lang naging akin ulit siya.”

“Maki…” puno ng pag-aalala nitong sabi.

Kumalas siya sa pagkakayakap nito at pinahiran niya ang luha. “Malaki na po kami. Alam na namin kung anong ginagawa namin. Salamat po sa pagtu-tour sa akin dito sa mini museum.”

Pumalatak ito at pinahid ng daliri ang pisngi niya. “Sorry. Mukhang nakasama pa para sa iyo nang dalhin kita dito. I-I didn’t really mean to pry or something.”

Umiling siya. “No. Nagpapasalamat po ako na dinala ninyo ako dito. Sa loob ng mahabang panahon, tinatakbuhan ko ang pagkatao ko at ang buhay na kinalakihan ko. But this is me. I am a Rubella whether I like it or not. At ito ang pagkatao ko kahit na gaano pa kadami ng flaws sa pamilya ko. Nagawa kong harapin ang isa sa mga multo ko. S-Siguro sa dadating na panahon mas magiging matapang pa ako na harapin ang lahat ng kinatatakutan ko.”

It was a liberating experience. Sa palagay niya ay nabawasan ang bigat na dinadala niya sa dibdib niya. And she suddenly missed her father. Ang ibalik nito ang nanay niya sa tamang lugar nito bilang isang Rubella ay malaking bagay para sa kanya. Siguro ay dadating ang panahon na magkakaharap din sila at magkakapatawaran.

Salamat kay Benedikt dahil isang pinto na naman sa sarado niyang puso ang nabuksan. This was much better than she expected. At nae-excite na siyang malaman kung ano pa ang maari niyang matuklasan sa sarili niya sa mga darating na araw.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.